Sa pagpasok ng taong 2008, papaano kaya tatanggapin ni Juan dela Cruz ang naging pamamalakad  ng administrasyong Arroyo sa kaniyang halos pitong taong pamamalagi sa kanyang poder bilang Punong Ehikutibo ng bansang Pilipinas?  Hindi maikakaila ng Palasyo sa taumbayan ang kaliwa’t kanan na mga kilos protesta ng iba’t ibang progresibong grupo at maging ang mga religious groups upang manawagan na bumaba sa kanyang puwesto si presidente Arroyo .

Maging sa hanay ng sandatahang lakas, minsang pang tinangka ng ilang opisyal sa hanay ng militar na palitan ang kasalukuyang administrasyon, at ang pinakahuli ay noong ngang Nobyembre 29, sa tinaguriang Makati Pen Siege, nang mag-walk out sa hearing sa Makati Trial Court sina Sen. Antonio Trillanes, Gen. Danilo Lim at ang ilang Magdalo soldiers na  tutol sa panunungkulan ni Arroyo.

Ang mga kontrobersyal na isyu tulad ng ZTE Broadband deal, ang Hello Garci Scandal, extrajudicial killings sa hanay ng mga militante at peryodista, ang mga pagsabog sa iba’t ibang panig ng bansa at ang ginawang paglampaso ng opposition senators sa mga kandidato  ni pangulong Arroyo sa nakalipas ng senatorial election ay tanda na maraming mga Pilipino ang ayaw na sa panunungkulan ni Ginang Arroyo. Isa sa mga naging matibay na batayan ay nang manalo si LtSG Antonio Trillanes IV bilang senador na nakakuha ng mahigit 11 milyong boto. Kung susuriin, mahigit 11 milyong Pilipino ang lantarang isinusuka si PGMA sa isang protest vote.

Sa lahat ng kontrobersiyang ito ay sangkot diumano si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at ito ay nagresulta ng pagbulusok bababa at negatibong imahen ng pangulo at ng bansang Pilipinas sa international community.

Hindi diumano na bago para sa mga Pilipino kung negatibo ang resulta ng magkakahiwalay na survey na isinagawa ng iba’t ibang organisasyon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging pati sa ibang bansa dahil na rin sa talamak na katiwalian sa gobyerno.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng  Pulse Asia na isinagawa noong Oktubre 20-31, 2007 sa buong bansa, lumalabas na 42% ng mga respondents ang naniniwalang sa limang naging pangulo ng bansa mula noong dekada 60, pinaka-corrupt si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, samantalang ikalawa naman sa puwesto si Ferdinand Marcos (35%); ikatlo si Joseph Estrada (16%);  ikaapat si Fidel V. Ramos (5%); at ang huli ay si Corazon Aquino (1%) .

Samantala, kasama rin sa Top 10 ang bansang Pilipinas sa Global Corruption Barometer 2007 ng Transparency International. Ayon dito, napakatalamak ang barya-baryang lagayan sa mga bansang Cameroon, Cambodia, Albania, Kosovo, Macedonia, Pakistan, Nigeria, Senegal, Romania at ang pangsampu ay ang PILIPINAS.

Ang naging batayan umano ng nasabing survey ay ang petty bribes o ang suhulan na barya-barya lamang na ang karaniwang nagiging biktima ay ang mga kababayan nating mahihirap tulad ng kotong sa mga driver ng jeep, taxi, delivery trucks, bus sa kalsada. Kasama rin dito ang mga nangyayaring suhulan sa munisipyo, mga ahensya ng gobyerno at maging sa mga tindera sa palengke at tiangian.

Kung pag-uusapan ang malakihang corruption sa buong mundo, pangwalo naman ang Pilipinas sa pinaka-corrupt na bansa, ayon Global Corruption Report. Ang bansang Haiti ang numerong unong pinaka-corrupt sa buong mundo samantalang ang mga bansang Finland, Iceland at New Zealand ang naitalang mga “least corrupt country.”

Pinalitan naman ng bansang Pilipinas bilang top one sa may pinakamaraming kasong korupsyon at  talamak sa katiwalian ang bansang Indonesia. Ito ay batay naman sa report ng Hong Kong-based Political and Economic Risk Consultancy (PERC) sa isinagawang pagsisiyasat ng may halos 1,500 expatriate businessmen sa buong Asya.

Lumalabas sa mga resulta ng  pag-aaral na ang Pilipinas ay top 10 sa petty bribes sa Global Corruption Barometer 2007 ng Transparency International; number 8 sa world corruption  at number 1 sa Asya sa Global Corruption Report; at numero uno naman si Pangulong Arroyo sa pinaka-corrupt na pangulo sa bansa sa Pulse Asia. Ipinakikita lamang ng mga report at survey na ito kung gaano talaga kalawak ang problema sa katiwalian sa ating bansa.

Ano kaya ang reaksyon ni Juan dela Cruz sa mga pangyayaring ito?

Rey Tamayo, Jr.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.