May isang kababayan si Andres Bonifacio na kanyang hinangaan o inidolo at humubog sa kanyang mga ipinaglaban para sa sinilangang bayan.

Idolo na niya ang kababayang iyon mula nang siya’y teenager pa lamang. Hindi niya kailanman ito naging kaibigan. Kilala niya ito, pero hindi siya kilala nito. Iisang ulit lamang silang nagtagpo, nang itinatag ang Liga Filipina (Katipunang Pilipino) sa Binondo, Maynila, noong gabi ng Hunyo 3, 1892, ngunit hindi pa sila nagkausap. Ang idolong iyon ay walang iba kundi si Jose Rizal.

Unang natunghayan ni Bonifacio si Rizal sa Diariong Tagalog, isang pahayagan sa Tagalog at Espanyol na inilalathala sa Maynila at mga kalapit na lalawigan. Si Basilio Teodoro Moran ang may-ari nito; si Marcelo del Pilar naman ang patnugot. Nasa sirkulasyon ito mula Hunyo 1, 1882, hanggang sa napilitan itong magsara dahil sa malaganap na kolera at sa isang mapaminsalang bagyo nang sumunod na Oktubre.

Sa isyu ng Diariong Tagalog noong Agosto 20, 1882, nalathala ang sanaysay ni Rizal na El Amor Patrio (Pag-ibig sa Tinubuang Lupa). Nasusulat iyon sa Espanyol, ngunit ang salin niyon sa Tagalog na ginawa ni del Pilar ay kasabay na nalathala.

Nang mga panahong iyon, si Rizal ay nasa Espanya. Noong Mayo 3, 1882, isa’t kalahating buwan bago ang kanyang ika-21 taong kaarawan, umalis siya ng bansa upang tapusin sa Espanya ang dalawa niyang kurso sa kolehiyo: pilosopiya at panitikan, at medisina.

Pagkarating niya sa Barcelona noong Hunyo 16, isinulat niya ang El Amor Patrio, kung saan binanggit niya na ang pag-ibig sa tinubuang-lupa ay:

“… isang damdaming tunay na katutubo; sapagkat naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, isang masayang tulang awitin na ang kabataan lamang ang nakakikilala, at sa mga bakas nito’y sumisibol ang bulaklak ng kawalang-malay at ng kaligayahan.

“Ito kaya’y dahil sa ang pag-ibig sa inang baya’y siyang pinakawagas, pinakamagiting, at pinakadakila? Ang pagkalugod sa lahat ng nakapagpapagunita ng ating mga kauna-unahang araw, ang lupang kinahihimlayan ng ating mga nuno, ang templong kinaroroonan ng sinasamba nating Diyos sa pamamagitan ng katapatan ng walang malay na kamusmusan…”

Idinagdag ni Rizal na ang pag-ibig sa bayan ay isang dakilang damdamin na inaawit sa loob ng mga siglo ng lahat ng tao, malaya man o alipin, dahil ito:

“…ay hindi napaparam kailanman kapag nakapasok na sa puso, palibhasa’y nagtataglay sa sarili ng tatak na [banal] na ikinapagiging walang kamataya’t walang hanggan…

“Sinasabing ang pag-ibig [ang] siyang pinakamakapangyarihang tagabunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan [ang] siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting, at lalong walang halong pag-iimbot.”

Hiniling ni Rizal sa mga mambabasa na tunghayan ang kasaysayan, ang mga tala, at ang mga alamat upang mabatid na dahil sa pag-ibig na ito:

“Ipinara ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang iba’y naghandog sa kanya ng kaningningan ng kanilang kadalubhasaan; ang mga ito’y nagbubo ng kanilang dugo; ang lahat ay namatay at nagpamana sa kanilang inang-bayan ng isang malaking kayamanan: kalayaan at kaluwalhatian.”

Ang El Amor Patrio ang unang akda na naglatag sa mga Pilipino ng isa sa pinakamaningning na ilaw na kinakailangan nila noon — ang kamalayan ng kabansaan at pag-ibig sa inang bayan, o ang kaisipan na silang mga Pilipino ay may sariling tinubuang lupa na dapat nilang kalingain at mahalin. At iyon ay ang Pilipinas, hindi ang Espanya.

Bago ito, hindi pa nakababasa ang mga Pilipino ng ukol sa pagmamahal sa bansa. Wala silang anumang malay sa marangal na kabaitang ito. Lumikha ito ng walang humpay na bayo sa puso ng mga nakabasa niyon, bayo na kikiyakis sa kanilang mga prinsipyo o paninindigan.

Dahil sa ingay na nilikha nito, naalarma ang mga awtoridad at kapariang Espanyol sa Pilipinas. Pinag-ingat tuloy si Rizal ng isa niyang bayaw, si Silvestre Ubaldo, sa isang liham na may petsang Enero 19, 1883:

“Ang balita co sa yo ay tila icao dao ay quina popootan ñg mañga maputeng baro [prayle] dahil sa guinaua mo niong icao ay na sa Barcelona na inencerta sa Diariong Tagalog, caya icao ay bahala dian, mabute ren ang icao ay mag iñgat at tila icao ay na sa listahan nila.”

Ang Manileñong si Bonifacio ay 18 taong gulang lamang nang mabasa niya ang El Amor Patrio sa Diariong Tagalog. Ito ang una sa mga akda ni Rizal na lililok at magpapatalas sa kanyang mga pampulitika at panghimagsikang simulain.

Dahil lubusang nabigyan ng inspirasyon ng sanaysay na ito, sumulat si Bonifacio ng isang tula na may himig nito, at pinamagatan niya ang tulang iyon ng Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Nalathala iyon sa Ang Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan, sa tanging isyu nito na may petsang Enero 18, 1896.

Malinaw na hinango mula sa El Amor Patrio ni Rizal ang maraming ideyang nakapaloob sa Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Bonifacio, gaya ng mga sumusunod na una, ikaanim, ikapito, at ikawalo nitong saknong:

“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya?/sa pagka dalisay at pagkadakila,/gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa,/alin pag-ibig pa? wala na nga, wala.

“Bakit? Alin ito na sakdal ng laki/na hinahandugan ng buong pag kasi/na sa lalung mahal na kapangyayari/at guinugugulan ng buhay na iwi.

“Ay! ito’y ang Inang bayang tinubuan/siya’y ina’t tangi na kinamulatan/ng kawiliwiling liwanag ng araw/na nagbigay init sa lunong katawan.

“Sa kania’y utang ang unang pagtanggap/ng simuy ng hanging nagbibigay lunas/sa inis na puso na sisingapsingap/sa balong malalim ng siphayo’t hirap.”

Muling isinatitik ni Bonifacio ang “ang pag-ibig sa inang-bayan ang siyang pinakawagas, pinakamagiting, at pinakadakila” ni Rizal bilang “sa pagkadalisay at pagkadakila, wala nang pag-ibig pa ang hihigit sa pag-ibig sa tinubuang lupa.”

Ang “ang inang-bayan ay sadyang iniibig dahil ipinara ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang kanilang kadalubhasaan, at maging ang kanilang dugo” ni Rizal ay naging “ang inang-bayan ay sakdal ng laki, na hinahandugan ng buong pagkasi, lalong mahal na kapangyayari, at ginugugulan ng buhay na iwi” ni Bonifacio.

Ang “sa ating bansa naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, at ang mga gunita ng ating mga kauna-unahang araw” ni Rizal ay muling kinatha ni Bonifacio bilang “ang inang-baya’y siyang ina’t tangi na kinamulatan ng kawiliwiling liwanag ng araw, na nagbigay init sa lunong katawan.”
Ang nobelang El Filibusterismo ni Rizal ang tuluyang humubog sa mga adhikain ni Bonifacio. Hinalaw mula rito ni Bonifacio ang kanyang mga estratehiya para sa himagsikan.

Sa Fili, ang pangunahing layunin ni Simoun ay ang magtatag ng isang lihim na kilusan ng mga pinagmamalupitang Pilipino, tulad ng mga magsasaka, manggagawa, inuusig na walang sala, at iba pa, na magpapatalsik sa pananakop ng mga Espanyol sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka (Kabanata 16, 19, 23, 33, at 35).

Sa tunay na buhay, itinatag ni Bonifacio noong Hulyo 7, 1892, ang isang lihim na lipunan (ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan Nang Mañgá Anak Nang Bayan) na ang layon ay ang madugong pagbuwag din sa pananakop ng Espanya sa Pilipinas.

Sa Fili, hinikayat ni Simoun ang mga kabataan na sumama sa kanyang ipinaglalaban sapagkat naniniwala siya sa kanilang kakayahan bilang mga pag-asa ng bayan (Kabanata 7).

Sa tunay na buhay, inakay rin ni Bonifacio ang mga kabataan sa Katipunan. Pinalibutan niya ang sarili ng mga kabataang tulad nina Emilio Jacinto, na 19 na taong gulang lamang nang hirangin niya bilang kanang-kamay niya at piskal ng Katipunan; Jose Turiano Santiago, na 17 lamang nang mahalal na kalihim ng Katipunan; Restituto Javier, na 19 nang mahalal na konsehal ng Katipunan; Pio Valenzuela, na 25 nang maitalagang manggagamot ng Katipunan; at ang nakababata niyang kapatid na si Procopio, na dadalawampuin lamang nang italaga niya bilang isa sa mga kanyang mga pinagkakatiwalaang tauhan.

Sa Fili, ginatungan ni Simoun ang mga kabataan na lisanin na ang pagnanais na matuto ng wikang Espanyol, at sa halip ay yakapin, kalingain, at paunlarin ang katutubo nilang wika dahil ito ang pinakapagkakakilanlan nila bilang isang bansa at bilang isang lahi.

Sa tunay na buhay, ginamit ni Bonifacio ang wikang Tagalog sa halos lahat ng mga dokumento, transaksiyon, at hakbang ng Katipunan (Kabanata 7).

Sa Fili, gumamit ang mga rebelde ng Cabesa at Tales bilang banal na salita (Kabanata 19). Sa tunay na buhay, gumamit din ang mga Katipunero ng mga banal na salita: Rizal, Gomburza, at Anak ng Bayan.

Sa Fili, binanggit ni Simoun ang mga sumusunod:

“Sa loob ng isang oras, sasabog ang himagsikan sa isang hudyat ko, at bukas, wala nang mga pag-aaral, wala nang Pamantasan, wala nang magaganap pa kundi ang labanan at mga patayan. Pinaghandaan ko na ang lahat, at wala nang makapipigil pa sa aking pagtatagumpay. Kung tayo’y nangagwagi na, lahat ng mga may kakayahan ngunit hindi tumulong ay ituturing na kaaway…” (Kabanata 23).

“Sa tunog ng isang pagsabog, ang mga dukha, inuusig, yaong naging mga hampas-lupa dahil pinag-uusig ng mga may kapangyarihan, ay lalabas nang armado at sasama kay Kabesang Tales sa Santa Mesa upang lusubin ang lungsod [Maynila]…

“Habang nagigimbal ang buong bayan, habang iniisip ng mga mamamayan na pagpapatayin sila ng mga may kapangyarihan, mapupuspos sila ng takot dahil sa nakamamatay na pagkagitla, at dahil wala silang mga sandata at walang kahandaan, sila’y pamumunuan at pangungunahan mo [Basilio] at ng mga kasama mo patungo sa tindahan ng Intsik na si Quiroga kung saan iniimbak ko ang aking mga armas.

“Magkikita kami ni Kabesang Tales sa lungsod at lulusubin namin ito, at kayong mga nasa arabal, sakupin ninyo ang mga tulay, magkuta kayo roon, humandang tulungan kami, at patayin ninyo ang mga hindi lamang sasalungat sa himagsikan, kundi maging ang lahat ng lalaking tatangging humawak ng sandata.” (Kabanata 33).

Ang mga sinabing ito ni Simoun ay halos kahawig ng sumusunod na manipesto na inilabas ni Bonifacio noong Agosto 28, 1896:

“Mga Pangulo, mga Kasanguni, mga Kapatid, kayong lahat ay aming tinatawagan; kailangan sa madaling panahon ang pagsasangalang sa mga Anak ng Bayan napipiit at pinahihirapan sa mga bilanguan, kaya pulungin ang mga Kapatid at ipaunawa, na sa Sabado, ika-12 horas ng gabi ay sisimulan ang paghihimagsik, sa kanikaniyang bayan, at ang pagpasok sa Maynila’y mangagaling sa Balara, sasagui sa bundok ng Ugong at tatawid sa Guadalupe (San Pedro Makati) at sasagian ang mga Guwardya Sibil sa Santa Ana. Ang Kapatid na di sumangayon sa mga banal na adhika ng kalahatan ay aariing Lilo at ibibilang sa kaaway; sa talagang may sakit ay igagawad ang pagtingin inauutos ng palatuntunan.”

Sa mga salita ni Simoun, at sa manipesto ni Bonifacio, masisilayan kaagad ang mga pagkakatulad: ang sabay-sabay na paglusob sa Maynila, ang mga salakay ni Simoun at ang pag-atake ni Bonifacio, ang kawalan ng pag-asa ng mga mamamayan, at ang parusa sa mga taksil at duwag. Kahit ang manipesto ay hindi ganoon kabagsik sa mga taksil at duwag, malinaw na kinopya ito mula sa gawa ng iba.
Ang mga pagkakatulad na ito ay ilan lamang sa mga bagay na nagpapatunay sa marubdob na paghanga ng naging Ama ng Himagsikan ng Pilipinas sa naging pambansang bayani ng Pilipinas.

Talasanggunian

Mga Tala sa Paglalakbay, Mga Alaala, at Iba pa ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga Kasambahay. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1962.

Pakikipagsulatan ni Rizal sa mga Kasama niya sa Pagpapalaganap. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

Pakikipagsulatan sa Iba’t Ibang Tao ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

Mga Akdang Pampanitikan sa Tuluyan ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

El Filibusterismo. Panandaang Taong Palimbag. Offset ng unang edisyong inilimbag sa Gante, Belhika, 1891. Maynila: Comisión Nacional del Centenario de José Rizal, 1961.

Agoncillo, Teodoro A. The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Maynila, 1963.

Jon E. Royeca

Isinilang noong Nobyembre 1972 sa Catarman, Northern Samar.

Join the Conversation

2 Comments

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.