Mapapahiya ang speed of light ni Albert Einstein sa mga pangyayari.
‘Spectacular breakthrough,’ sabi nga ni Speaker Jose De Venecia. Baka ang ibig pang sabihin ng Speaker ng Kamara ay super duper, mega spectacular ang pagkakalutas sa Batasan Blast.
Biruin ninyo, kulang-kulang sa dalawang araw lang pagkatapos ng putukan sa Kamara, alam na ng mga pulis ang mga taong may kaugnayan sa krimeg iyon. Napatay pa nila ang ilan. Fantastic talaga! Parang sine. Nagmumukhang elementary ang mga imbestigador sa TV episode na Crime Scene Investigation (CSI) na kulang ang dalawang araw para mabigyang kalutasan ang isang krimen. Kumpleto sa gamit at kumplikado pa ang siyensya sa CSI. Sa ginawa ng mga police natin magmumukhang amature sina Mcgyver at James Bond.
Kung suwerte ang pagkakalutas sa Batasan blast, spectacular na suwerte rin ito. Parang sampung beses na tumama sa lotto ang mga police natin. Mula sa karanasan na makalutas ng krimen ang ating mga kapulisan, statistically fantastic talaga ang mga pangyayari. Ano ang statistical probability na malulutas nila ang krimen sa loob ng dalawang araw lamang?
Ang Bilis-bilis talaga! Mamamangha nga si Ninoy Aquino, Ramon Magsaysay, at mga human rights victims na hindi makila-kilala ang mga may kagagawan sa kanilang mga sinapit.
Aba! kung ganoon kagagaling ang mga police natin dapat mag-training sa kanila ang FBI at Interpol.
Kaya lang, dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari, marami tuloy ang hindi makapaniwala. Alam naman ng maraming biktima ng krimen sa Pilipinas na medyo may kabagalan ang imbestigasyon dito. Kung bilis lang ng paglutas ng krimen ang pag-uusapan, mukhang statistical error ang nangyaring mabilis na pagkalutas ng Batasan Blast.
Kung naniniwala ang mga pulis na solid ang kanilang kaso, dapat hindi sila matakot na magkakaroon ng independent investigation. Sa metolohiyang siyentipiko kasi, pagbalibaliktarin mo man ang kuwento lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan. Kahit sino ang mag-imbistiga iyon at iyon pa rin ang lalabas na kuwento.
Kung matatakot ang police natin sa independent investigation sa Batasan Blast, ay! Mukhang may script ang mga pangyayari.
Tayo namang mga mamamayang parating tinitipid sa impormasyon ng pamahalaan, dapat lang gawin nating giya ang basic science at lohika para suriin ang mga nangyayari sa ating kapaligiran. Maging mapanuri para makita ang katotohanan sa mga kuwento ng ating lipunan. Alam naman nating sa mga makatotohanang kuwento lang tayo mabubuhay ng matahimik at matiwasay. (Kaiba News and Features)
Para sa inyong comments, pumunta lang po sa: http://pilipinoka.blogspot.com.