Sa araw na tumapak ang aking mga paa sa campus ng University of Manitoba, isa sa mga hinanap ko ay ang isang samahan para sa mga Pilipinong estudyante ng nasabing pamantasan. Subalit laking panghihinayang ko nang malamang ang samahang hinahanap ko ay hindi na pala matatagpuan. Sa madaling salita, naglaho na ito.

Dumaan ang ikalawang taon ko sa unibersidad, at sa mga panahong ito ay naitanong ko sa aking sarili kung bakit nga ba walang club para sa mga Pilipinong estudyante. Isa itong malaking palaisipan dahil ang populasyon ng University of Manitoba ay isang halimbawa lamang ng pagiging multicultural ng bansang Canada, at maraming Pilipinong naninirahan sa lungsod kung saan kami nagsimulang tumira ilang taon na rin ang nakakaraan. May mga grupo para sa mga Chinese, sa mga Indian, sa mga Japanese, Taiwanese at Korean, pero bakit walang grupo para sa mga Pilipino? O hindi kaya, bakit wala na ang naunang grupong naitatag?

Hindi ko man nahanap ang kasagutan sa mga tanong na ito, nagkaroon naman ng katuparan ang aking hinihiling nang ako ay sumapit na sa ikatlo kong taon. Sa mga panahong ito, nakahanap ako ng mga kapwa Pilipinong mag-aaral, at tulad ng aking saloobin, naghahanap din sila ng grupong magbibigay tinig sa mga Pilipinong nananalagi at nag-aaral sa nasabing paaralan. Hindi lumaon ay nabuo namin ang panibagong grupo–ang UM-Sigaw.

Minabuti naming tawaging “Sigaw” ang aming grupo dahil alam naming kailangang bigyang tinig ng “Sigaw” ang mga mag-aaral na Pilipino sa University of Manitoba. Layunin din naming pagbigkisin ang mga Pilipino, imigrante man o lumaki na sa Canada, dahil naniniwala kaming hindi dahilan ang pagkamulat sa banyagang kultura o ang permanenteng pagtira sa ibang bansa para itakwil o ipagwalang-bahala ang isang bahagi ng aming pagkatao: ang aming pagiging Pilipino.

Hindi naging madali ang pagtahak tungo sa pagkakaroon ng isang organisasyon sa loob ng unibersidad. Hindi ito dahil sa matagal ang aming hihintayin o masyadong mahigpit ang mga alituntunin sa pagbubuo ng isang grupo. Nakakalungkot mang sabihin, ngunit sa aking palagay, mahirap ang maghanap ng mga kabataang Pilipinong handang maglaan ng oras para makilala ang ilang kababayan. Ang ilan naman ay mahirap lang hagilapin at gawing miyembro dahil sa pagiging abala sa eskuwela, at ang mas nakakalungkot pa, may ibang hayagan nang itinakwil ang pagiging Pilipino (kahit na iilang taon pa lamang dito) o hindi lang talaga interesadong sumali.

Sa kabila ng mga problemang ito ay matagumpay rin naming nabuo ang grupo at nakakuha ng miyembro noong Enero ng taong ito. Nagsimula na rin kaming gawin ang mga proyekto ng grupo para sa susunod na school year upang maipagpatuloy ang pagiging aktibo ng organisasyon. Aaminin ko, hindi pa rin nawawala ang mga problemang nabanggit ko, at hindi maiwasang makaramdam ako ng kalungkutan at panghihinayang sa sitwasyong ito.

Karamihan sa mga migranteng nagpupunta dito sa Canada ay may mga dalang anak na teenagers o young adults. Kung ang mga kabataang ito ay mawawalan ng interes na panatilihin ang wika, kultura at tradisyong kanilang kinalakihan, paano nila ito ibabahagi sa ibang tao, lalo na sa mga kapwa nila kabataang sa ibang kultura at tradisyon na lumaki? Paano na lamang makakatanggap ng peer support ang mga Pilipinong nasa unibersidad kung ang mga Pilipino mismong nag-aaral sa napakalaking pamantasang ito ay hiwa-hiwalay at hindi magbubuklod-buklod?

Sa kabila ng mga nakakadismayang sitwasyon tulad nito, aking iniisip na hindi dapat maging hadlang o maging sanhi ng panghihina ng loob ang mga bagay na ito. Hanggang may nakikilala akong mga kabataang tulad kong handang tumulong upang panatilihin ang grupo sa loob ng unibersidad at maglingkod sa pamayanan ng mga Pilipino rito sa lungsod ng Winnipeg, dapat lamang na magpatuloy sa pagbuo ng proyekto ang organisasyon. Sa ganitong pagkakataon, mananatili ang UM-Sigaw sa pagbibigay boses sa mga Pilipinong mag-aaral sa aming pamantasan.

UM-Sigaw

Maaaring bisitahin ang website ng UM-Sigaw sa http://umsigaw.derpinsel.com. Nais ding humingi ng paumanhin ng may-akda sa matagal na hindi pagsusulat sa Tinig. Muli na po siyang nagbabalik at nagbabakasakaling hindi na ulit makain nang buhay ng maraming obligasyon sa pamilya, eskuwela at trabaho.

Angela Solis

Angela has been writing for Tinig.com since its inception. She finished her Psychology degree at the University of Manitoba and is currently completing her graduate school entrance requirements in Japanese...

Join the Conversation

6 Comments

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.