Alexander Martin Remollino

Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagtatapos sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) nitong Abril 26, buong giting na nanawagan si Virgilio S. Almario — Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan at ipinagmamalaki ng kanyang mga alipures bilang isa sa mga diumano’y haligi ng modernong panitikang Pilipino — ng isang “edukasyong may diwang Filipino”.

Pinapailanlang niya sa kanyang talumpati ang tanong na kung sino ang Pilipino. Sa kanyang pagsagot sa sariling tanong, ang ginawa niya’y ang gamitin ang mga pangalan ng mga dakilang makabayang intelektuwal ng Kilusang Propaganda at ng Rebolusyong 1896 — ang mga pangalan nina Marcelo H. del Pilar, Jose Rizal, at Andres Bonifacio, at lalo na’y ni Emilio Jacinto, ang tinuturang “Utak ng Katipunan”. Ipinakita niyang napagbabasa na niya ang mga sinulat nila, at saka pa lamang siya dumako sa kung ano ang kanyang pakahulugan sa panukala niyang “edukasyong may diwang Filipino”.

Ano, ayon kay Almario, ang “edukasyong may diwang Filipino”? Ito, aniya, ay ang edukasyong nakabatay sa isa sa mga pangungusap sa “Kartilya ng Katipunan” na isinulat ni Jacinto, yaong: “Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.”

Para kay Jacinto, ang taong nakapaglalaan ng kanyang buhay “sa isang malaki at banal na kadahilanan” ay isang “mahal” (marangal) na tao. Sa dakong dulo ng “Kartilya”, winika ni Jacinto ang ganito: “Ang kamahalaan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Sinipi rin ni Almario ang pahayag na ito ni Jacinto sa kanyang talumpati.

Malinaw na ibig ipahiwatig ni Almario na ang kanyang “edukasyong may diwang Filipino” ay isang edukasyong nakabatay sa mga ideya ng Kilusang Propaganda at ng Rebolusyong 1896 — lalo na’y ni Jacinto — mga ideyang iniluwal ng isang makasaysayang pakikibaka para sa pantay-pantay na mga karapatan, para sa kasarinlan.

Ngunit talaga bang maaasahan natin sa pagsusulong ng isang tunay na maka-Pilipinong edukasyon si Almario?

Binatikos niya sa kanyang talumpati ang nakararaming nagtatapos sa UP, na aniya’y mga “kahoy na walang lilim” at “mga damong makamandag” sapagkat hindi lumilingap sa bayan at, higit na masama, ay nagiging “mga modernong kaaway ng bayan”. Binatikos din niya ang oryentasyon ng ilang kolehiyo sa UP, “na lubhang nakatuon kung paano lamang magiging cum laude ang lahat ng mga estudyante at kung paano magkakaroon ng mataas na suweldo pagkatapos,” oryentasyon kung saan aniya’y “hagdan lamang lagi ang edukasyon para mangibang-bansa” o “para yumaman kahit maging magnanakaw o kahit mang-api ng kapwa Filipino.”

At saka siya sumapit sa maituturing nating punchline. Aniya: “Sa kabilang dako, maaaring may mga kursong makabayan ngunit masyado namang nakakanal sa mga kursong puro pagsusuri sa kabulukan ng gobyerno at sa mga tiwaling ugali ng mga Filipino. Nakabubulag din ang gayong pagsusuri. Nagpupuro politika ng himagsik o kultura ng hinagpis ang isip at damdamin ng kabataan. Nakasusuklam naman talaga ang ating kasalukuyan. Ngunit dahil sa matinding poot at suklam ay lubhang nawawalan ng pag-asa sa kasalukuyan ang kabataan. Laging armadong pakikibaka ang nasa isip na tanging alternatibo. Ang hindi mahilig sa armadong rebolusyon ay nabibitag naman sa pagiging cynical at pagwawalang-bahala. Ano’t anuman, napopoot man o nagwawalang-paki, nalilimot niya ang paggalang sa tungkulin bilang mamamayan at ang pagkilala sa mga paraan ng pagmamahal sa bayan.”

At dito na nahuhubad ang maskara ni Almario bilang diumano’y tagapagsulong ng maka-Pilipinong edukasyon.

Kung mayroon man kaming sinasang-ayunan sa bahaging ito ng talumpati ni Almario, ito’y ang kanyang winikang “nakasusuklam naman talaga ang ating kasalukuyan” — ito lamang at wala nang iba pa. Hindi maaari ang sumang-ayon sa katugunang ninanais niya sa ganitong kalagayan.

Bakit hindi matutuon sa pagbatikos sa kabulukan ng gobyerno at sa mga tiwaling ugali ng mga Pilipino ang mga sinasabi niyang makabayang kurso, kung pulos na mga manipestasyon ng mga problemang ito ang makikita mo saanman ibaling ang mga mata sa kasalukuyan?

Nakalaya ang isang Daniel Smith na nanggahasa sa isang “Nicole” bago pa man niya pagdusahan ang kanyang kasalanan, nadamay ang Pilipinas sa pampinansiyang krisis ng Estados Unidos dahil sa neokolonyal na ugnayan ng dalawang bansa, talamak ang katiwalian sa pamahalaan, laganap ang pulitikal na panggigipit sa mga kritiko ng gobyerno — at, sa gitna ng lahat nito, may mga taong pinipili ang maupo lamang sa bakod at magpapakinig sa mga pangako ng mga talipandas na pulitikong biglang nagiging “makabayan” at “makamasa” kapag ganitong nalalapit ang eleksiyon.

Ganito ang kalagayang nangingibabaw sa kasalukuyan. Bakit ngayon hindi ito ang pagtutuunan ng pansin? Kung ang pag-uusap man tungkol sa ganitong kalagaya’y nag-aanak ng pagturing sa armadong pakikibaka bilang tanging kalutasan, o kaya nama’y ng pagiging sinikal at pagwawalang-bahala, hindi ito kasalanan ng mga nagtuturo ng mga makabayang kursong sinasabi ni Almario, kundi kasalanan ng mga lumilikha ng kasuklam-suklam na mga kalagayan sa kasalukuyan.

Likas na katugunan ng tao sa kasuklam-suklam na kalagayan ang masuklam. Magpasalamat nga si Almario at, ayon na rin mismo sa kanya, nasusuklam pa ang mga kabataan sa kasuklam-suklam nating kasalukuyan — sapagkat tanda itong hindi tuluy-tuloy ang paglubog ng ating bayan sa kumunoy ng kawalang-pag-asa. Ang kailangan lamang ay pagkaisahan ang kung paano pinakamainam na mabibigyang-laya ang pagkasuklam na ito.

Ano ang gusto ni Almario, huwag na lamang pag-usapan ang tinukoy niyang mga problema ng Pilipinas, upang ang kabataan ay hindi mawalan ng pag-asa sa kasalukuyan at hindi laging “armadong pakikibaka ang nasa isip na tanging alternatibo”, o hindi mabitag sa “pagiging cynical at pagwawalang-bahala”? Kung gayo’y para pala siyang si Imelda Marcos, dating Unang Ginang, na walang gustong pag-usapan kundi ang “the True, the Good, the Beautiful” habang ang sambayanang Pilipino’y sinasalanta ng diktadura.

Anong pagka-Pilipino ang gusto ni Almario? Ang “Filipino” ba ni Almario ay yaong “Pilipino” sa mga kantang “Ako’y Pinoy” ng loyalistang maka-Marcos na si Florante, o kaya’y ng “Ako ay Pilipino” na nilikha ni George Canseco dahil sa isang kumisyon mula sa dating Unang Ginang — “Pilipinong” ang “pagkamakabayan” ay sa wika lamang, “Pilipinong” ang “pagkamakabayan” ay pagsunod sa gusto ng diktadurang Marcos na “isang bansa, isang diwa”? Kung gayo’y “pagka-Pilipino” itong kamukha ng nasa “Filipinism” at “Filipino ideology” ng pinatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos.

Nabanggit na rin lamang ang dating Unang Ginang at ang pinabagsak na diktadura, makabubuti na ring maalaala nating sa snap election ng 1986, si Marcos ang sinuportahan ni Almario sa pagka-Pangulo. Pumirma siya sa deklarasyon ng pagsuporta kay Marcos ng Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy — kasama sina Teo Antonio, Ruth Elynia Mabanglo, Lamberto Antonio, S. V. Epistola, Manuel Baldemor, at Mike Bigornia. Pinaniniwalaan noon na isa si Almario sa mga nagbuo ng koalisyong ito, paniniwalang may sapat na batayan: nauna nang makitaan ang kanyang opisina, ang Aklat Adarna (na naitayo niya gamit ang pondo mula sa dating Unang Ginang), ng mga lampoon ng magasing Mr. & Ms. at ng diyaryong Malaya — mga publikasyong lantarang kontra-Marcos.

Ang multo ni Marcos kaya ang nagdikta kay Almario ng kanyang talumpati sa UP nitong Abril 26?

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.