Ilang araw na lang, nakatawid na muli tayo sa isang dekada ng buhay pinoy natin. Sabi ng iba, ang isang dekada raw ay isang henerasyon. Dumating man ang mga bagong henerasyong Pilipino, may mga bagay na hindi kukupas sa pagiging Pinoy natin.
Narito ang sampu:
1. Pagkain. Sino ba naman ang tatanggi sa hapag-kainan ng mga Pilipino? Isa yata ito sa pinakapaboritong libangan ng mga Pilipino: ang magluto at kumain. Mula sa mga nagsasarapang mga ulam na pang-handaan, mga pang-araw-araw na panterno sa kanin, hanggang sa kinagigiliwang mga street foods — masarap maging Pilipino! Paborito kong ulam ang sinigang na baboy, na halos paborito rin ng nakararami kong kakilala. At dahil ito ang paborito kong ulam, pinag-aralan ko ring magluto nito ayon sa timpla ng panlasa ko.
2. OPM. Talentado ang mga Pinoy, walang pagtatalo! Sino ang mag-aakala, sa unang pakinig, na ang mga kantang tulad ng You Are My Song, Say That You Love Me, Forevermore, at marami pang iba… ay mga Original Pilipino Music? Hindi lamang de-kalidad ang mga tinig ng ating mga mang-aawit, pang-international din ang mga nilikha nilang mga awitin. Isa sa mga emo songs na ikinagulat kong talaga nang una kong malaman na ito ay OPM ay ang awit na Parting Time ng Rockstar (na ngayon ay kinanta rin sa bagong bersyon ni Erik Santos).
3. Videoke. Nang minsang magawi ako sa kabilang panig ng mundo — sa isang bansa sa North America — kung saan marami-rami na rin ang mga Pilipino, nagbiro ang isang kakilalang pinoy roon at nagwika, “Alam mong Pilipino ang nakatira sa isang bahay kapag meron syang rice cooker at videoke!” Nakakatuwa. Kilalang-kilala niya ang pagkakakilanlan sa kapwa niya Pilipino. Sadyang mahilig bumirit ang mga Pinoy kahit nasa harap ng karamihan. Ang tinutukoy ko ay sa mga amusement centers kung saan may naka-istasyong videoke na huhulugan mo lang ng token at handa na ito para sa iyong mini-concert. Likas na yata sa Pilipino ang hilig sa pagkanta — kahit ang pagkanta kung minsan ay walang hilig sa kaniya! Sa banyo, sa kwarto, sa paaralan, sa opisinang pinapasukan, sa loob ng sasakyan, makikita ang mga Pilipinong humuhuni ng musika kasabay ng naririnig nito sa kanyang iPod. Sa mga handaan naman, hindi mawawala ang videoke o magic sing at buong-galak na makikikanta ang mga taong nasa paligid ng may hawak ng mikropono. Sa mga emo noong mga naunang panahon, barkada naman nila ang juke box.
4. Bayanihan. Nasa elementary pa lang ako, pinag-aaralan na namin ang bayanihan. Ito ay yung karaniwang naka-drowing sa aklat na mga taong tulung-tulong sa pagbubuhat ng isang bahay-kubo. Sa panahon natin ngayon, hindi naman literal na bahay ang binubuhat ng kapwa natin Pilipino para ipakita ang bayanihan. Pinakahayag ito kapag panahon ng kalamidad. Bagama’t walang opisyal na panawagan, nakahanda ang Pilipino para damayan at tulungan ang kanyang kapwa Pilipino. Ang pagtutulungan, lalo na sa panahon ng kagipitan — yan ang tunay na diwa ng bayanihang Pilipino. At dahil dyan, napakasarap maging Pilipino!
5. Lugar-pasyalan. Bukod sa hindi mabilang na tourist spots sa bansa, kaaya-ayang pagmasdan ang likas na yaman ng Pilipinas. Hindi ko na kailangang magpakalayu-layo para matanaw ang magandang overlooking sa may Antipolo. O di kaya ay tanawin ang nakamamanghang Bulkang Taal sa may Batangas. Simple lang din at nakaaaliw na ring tumambay sa Luneta kasama ang pamilya o di kaya ay hintayin ang magandang paglubog ng araw sa may Roxas Boulevard. Para sa umuunlad na lunsod, nariyan at maraming pagpipiliang mga world-class malls kung saan karaniwan nang nagiging pasyalan ng pamilyang Pilipino. Tiyak ko, marami pang magagandang pasyalan sa may bahagi ng Visayas at Mindanao.
6. Showbiz. Aminin! Napatigil ka pansamantala sa iyong ginagawa para mapakinggan ang pinag-uusapan sa may tabi mo lang na hiwalayang Kris Aquino at James Yap. Tahimik mo ring sinubaybayan ang kinalabasan ng kaso laban kay Hayden Kho. At marahil inaabangan mo kung may patutunguhan ba ang mga patutsada ni Willie Revillame kay Shalani Soledad. Sa masalimuot na buhay natin sa ating bansa, nakatutuwang isipin na may mga kawili-wiling bagay ring inihahatid sa atin ang mundo ng showbiz bukod pa sa mga pagganap nila sa telebisyon at pinilakang-tabing.
7. Pulitika. Kakambal na yata ng showbiz ang pulitikang Pinoy. Parang naging inseparable ang dalawang ito. Ang mga artista, tumatakbo sa pulitika. Ang mga pulitiko, umaarteng parang artista! Kahit anupaman ang nangyayari sa dalawang daigdig na ito, nakapaghahatid ito ng kasiyahan sa mga Pilipinong mapagmasid. At nakatutuwang isipin na ang mga nasa likod ng dalawang mundong ito ay tunay na mga taong katulad lang natin — may mga pagkakamali rin at nakahandang bumangon alang-alang sa dangal.
8. Good Times. Sabi nga ng iba, maraming free time ang mga Pilipino. Ang mga oras ng pagsasaya kapiling ang mga kaibigan ang nakapagpapagaan ng loob ng karamihan. Sa ganitong mga gimik, nalilimutan ng isang Pilipino ang mga alalahanin niya at napapalitan ito ng kaligayahan.
9. Kaibigan. Lahat naman ng lahi ay may mga kaibigan. Pero gaya ng tagline ng isang serbesa: “Iba ang may pinagsamahan” — yan ang maaaring itulad sa samahan ng magkakaibigang Pinoy. Hindi lamang sa nabanggit na good times magaling ang mga kaibigan natin, maaasahan din sila lalo na sa panahon ng problema at kagipitan.
10. Pamilyang Pilipino. Ito ang pinakapanalo sa lahat. Simula pa sa pamilya ng ating mga ninuno, hinubog na tayo upang mamulat sa pagiging malapit sa isa’t isa. Nakatutuwa nga na sa pamilya namin, halos malapit pa kami hanggang sa mga second cousins. At ang mga pangunahing pinsan naming ay parang magkakapatid lang ang turingan. At gaya ng nabanggit ko na sa naunang panulat ko dito sa Manyaman, mapalad ang mga magulang ng pamilyang Pilipino. Sapagkat makatitiyak ang sila na ang pag-aaruga nila sa kanilang anak ay ibabalik din naman sa kanila kung dumating ang panahon na hindi na nila kayang kumilos nang para sa sarili nila. Likas kasi sa atin ang paggalang sa mga magulang.
Iyan ay sampu lamang sa maraming dahilan kung bakit ang pagiging Pilipino ay manyaman.
Manigong bagong taon po sa ating lahat!
likas din s pilipino ang:
1) magtsismis – khit saan may tsismis.. btuhan ng slita doon at dito, khit di 22o cge lng ng cge…
2) tumambay – past time n ang tumambay,, ky tambay dito at doon,,
3) magtapon ng basura – yun nga lang, s kalsada lang tinatapon.. hindi s basurhan
4) sumakay ng jeep kung saan bawal – ky mkikita mong mdlas sumskay ang pinoy sa “no loading / unloading”
hahahha… ilan lang yan s katangian ng mga pilipino… hay naku!!! sana naman madagdgan ang disiplina sa atin,,, di ko nilalahat pero, madami tlgang di makasunod s batas,, ultimo pulitiko, bumabali ng batas =(