Panggagahasa

Sa isyung ito, tinatalakay natin ang napaulat na panggagahasa ng anim na marinong Kano sa isang 22-taong gulang na Pilipina sa Subic. Binubuhay ng pangyayaring ito ang isang sensitibong bahagi ng ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos. Binubuksan din nito ang noo’y mainit na pagtatalo hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang kasunduang tulad nito.

Noong Setyembre 16, 1998, ganito ang isinulat namin tungkol sa VFA sa Tinig ng Plaridel, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Pangmadlang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas:

Babastusin nito ang soberanya ng ating bansa sapagkat hahayaan nito ang mga Amerikanong sundalo at sasakyan na dumaong sa bansa nang libre sa buwis at inspeksiyon ng awtoridad ng Pilipinas. Ginagago nito ang ating Konstitusyon sapagkat nagdadala ito ng mga armas pandigma at nuclear weapons na ipinagbabawal ng ating Saligang Batas. Tinatarantado nito ang mga Pilipino dahil kaakibat ng VFA ang paglala ng prostitusyon, pang-aabuso sa karapatang sibil ng mamamayan, at pagsira ng ating tahanan at kalikasan.

Ang panggagahasa sa Subic ay kaganapan ng isa sa mga pangamba natin noon. Nagpapaalaala ito ng mga pang-aabusong naganap noong nasa Pilipinas pa ang base militar ng mga Kano. Sa gitna nito, nawa ay lalong mag-alab ang pagkamakabayan nating mga kabataan upang sama-sama nating maipagtanggol ang dangal ng ating mga kababaihan at ng Inang Bayan.

Ngunit hindi lamang sa panggagahasa ng mga dayuhan tayo dapat maging mapagmatyag. Dapat din nating bantayan at pigilan ang planong pangmomolestiya sa ating Saligang Batas. Isinusulong ito ng pamahalaang Macapagal-Arroyo upang gamutin daw ang umano’y maysakit na sistema. Pero sa kabila ng mga ganyang pang-uuto, alam ng bayang napapagal na atat na atat nang mag-chacha si Gloria upang mabura ang reputasyon ng pagiging pekeng pangulo at matakasan ang anino ng iskandalong “Hello Garci”–na siya rin naman ang lumikha.

Samantala, habang alerto tayong nagbabantay, gaya ng dati ay hinahandugan pa rin namin kayo ng mga sanaysay, maikling kuwento, at tula. Maibigan sana ninyo ang isyung ito.


EDERIC P. EDER
Patnugot

One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.