Hindi madaling bagay ang humiwalay sa pamilya para gumawa ng isang bagay na para rin naman sa kanila. Ang hirap sa kalooban na ito ang nararanasan ng karamihan sa mga Pilipinong itinuturing natin ngayon bilang mga “bagong bayani”. Titiisin ang pangungulila, paghihirap, paglilingkod sa mga taong karaniwan ay may mababang pagtingin sa ating lahi. Kapag naghanap ng kaaliwan sa panakaw na sandali, malayo ang tunay na kaligayahan dahil ang kinagisnang tahanan ay nasa kabilang panig ng daigdig.

Marahil ay iba’t iba ang dahilan ng mga kababayan natin sa kanilang pangingibang-bansa. Pero sa lahat ng tumutulak paalis ng sariling bayan, pinakahumahanga ako sa mga tinatawag na overseas filipino workers o mas kilala sa katawagang OFWs.

Ang inilarawan ko sa simula nitong sanaysay ay siyang karaniwang binabata ng mga matatapang na Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bayan, sukdulang magpaalila sa mga taong banyaga mabigyan lamang ng maalwang buhay ang kanikanilang pamilyang kinakapos ng pangangailangan dito sa ating inang bayan. Ilang okasyon din ang palalagpasin na malayo sa piling ng mga mahal sa buhay–sariling kaarawan, kaarawan ng magulang, asawa, kapatid o pinakamatalik na kaibigan, bagong taon at iba pang okasyon na karaniwang pinagsasaluhan ng bawat pamilyang Pilipino. Kapalit ng mga ito ay ang buong sikap na pagpapagal araw-araw sa kaniyang pinapasukan upang magkaroon naman ng mas malaking kitang maipadadala sa mga naiwan dito sa sariling bansa.

Tatawag ang pamilya. Una’y mararamdaman niya ang ligaya sa tinig na wari’y nasa tabi lamang niya. Subalit pagkatapos ng ilang sandali ay ang walang katapusang pagdaing. Makababalita ng hindi maganda–ang pinapagtatapos ng pag-aaral ay nagbulakbol at nadawit sa kaguluhan o ang magulang ay nagkasakit at kinakailangang magpagamot–at sa isang sulok, sa kabilang linya, naroon ang bagong bayani… inilalayo ang bibig sa telepono upang hindi marinig ng kausap ang mga hikbi at sakit sa damdaming nararamdaman sa mga problemang tila wala nang katapusan. isa lang ang ibig sabihin noon: magtatagal pa siya sa malayong lupain at hindi pa maaaring makapiling ang mga mahal sa buhay na kinasasabikan na niyang makasamang muli. Kailangan pa niyang kumayod alang-alang sa kanila.

Sa kabilang banda, may mga OFWs na abot-abot ang ngiti pagkatapos ng ilang taon ding pagkawalay sa mahal sa buhay. Sa kanila na nagtakda ng panahon para makamit ang mga dapat na kamtin at nakapagtagumpay naman. Sila ang mga bagong bayaning tinulungan din ng mga tao na mismong tinutulungan niya–ang pamilyang hindi nagpabigat sa pasanin at buong sikap na umagapay sa pagpapakasakit ng kanilang “bayani”. Matalinong ginamit ang pinagkakakitaan ng bagong bayani at nagsikap na sa maikling panahon ay makaahon man lamang sa kagipitang kinasasadlakan.

Anuman ang maging kapalaran ng mga kababayan nating OFWs, hindi matatawaran ang kanilang tapang. Walang kapantay ang kanilang kasipagan. At higit sa lahat, ang pagmamahal. Itinanggi ang sarili para sa kapakanan ng mga mahal niya sa buhay na hindi niya matiis makitang naghihirap, at inasam na guminhawa ang pamumuhay sa bansang tinatahanan na hindi matakasan ang kahirapan. Sila ay nagiging kaluwalhatian ng kanilang kababayan at dangal naman ng inang bayan.

Ang monumentong kanilang ipinundar ay matibay. Anumang bagyo sa buhay ang dumating, tiyak na hindi ito matitinag. Ang mga bagong bayani ay sinag ng pag-asa sa ating salinlahi.

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat. Unang siyang sumubok gumawa...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.