Pag-urong sa Landas ng Kasaysayan

May mahigit sa anim na taon na mula nang mabuo ang Tinig.com; ang mga nagbuo nito karamiha’y mga kabataang lumahok sa makasaysayang People Power II, na noong Enero 2001 ay nagpatalsik sa tiwaling pamunuan ni Joseph “Erap” Estrada. Bagama’t bahagi rin ng buhay ng Tinig.com ang mga karaniwang kuwento ng kabataan, pangunahing nilalaman nito ang mga akda at pananaw na kumakatawan sa batayang mga hangarin ng People Power II – ang pagkakaroon sa ating bansa ng pamahalaang tapat na naglilingkod sa mga mamamayan. Isa itong pagsisikap, sa panig ng mga kabataan ng People Power II, na maipagpatuloy ang mga simulain ng makasaysayang pagkilos na nilahukan noong 2001.

Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila ay kabilang na sa mga malalang problema ng Pilipinas ang katiwalian sa pamahalaan. Nang maganap ang People Power II, marami ring mamamayan – lalo na sa hanay ng mga kabataang nahihirapan nang makakita ng palatandaang haharap sila sa isang magandang bukas sa wika nga ng peryodistang si Luis Teodoro ay “bansang ito ng ating mga kalungkutan” – ang nagbunyi sa tila pagbubukas ng daan upang mapawi ang katiwalian sa ating bansa.

Kaya’t pinapapanatili ng Tinig.com na buhay ang mga alaala ng Enero 2001 sa pamamagitan ng tampok na seksiyon nitong Mga Kuwentong People Power II, kung saan may puwang upang sariwain ng mga kabataang Pilipino ang isang yugto ng wika nga ng manunulat na si Rogelio L. Ordoñez ay “maagiw na kasaysayan ng bansa” kung saan ang mga binansagan ni Dr. Jose Rizal bilang “magandang pag-asa (ng Inang Bayan)” ay lumikha ng kasaysayan.

Mahigit sa anim na taon mula nang mangyari ang makasaysayang People Power II, ang bansa’y umurong nang mahigit sa anim na taon sa kasaysayan. Hapon ng Oktubre 25, habang ang bansa’y abala sa pagbubukas na muli ng pagdinig ng Senado sa maanumalyang kontratang National Broadband Network (NBN) – na inianak at nag-anak ng talamak na panunuhol kung saan sangkot ang pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan – ipinahayag ng kagalang-galang na Sekretaryo Ignacio Bunye ng Pabatiran ang paggawad ng Malacañang ng pardon kay Erap, na kamakaila’y napatunayang nagkasala ng pandarambong at nahatulang mabilanggo.

Nariyan na, sa isang banda, noon pang Hulyo ang mga senyal na may magaganap na kakaiba sa paglilitis sa mga Estrada kaugnay sa kanilang kasong pandarambong.

Nang katatapos ng paglilitis sa kanila ay biglang sumama si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada, anak ng napatalsik na Pangulo, sa pakikihanay ni Sen. Manuel “Manny” Villar sa koalisyong mayorya sa Senado upang makuha ang pamunuan nito, sa halip na gawin ang inaasahang pagsuporta kay Sen. Aquilino Pimentel, Jr. sa labanan para sa panguluhan ng Nakatataas na Sangay ng Kongreso. Kasama niya sa hakbang na ito ang mga nasa oposisyon ding sina Sen. Francis “Chiz” Escudero at Sen. Alan Peter Cayetano.

Nakopo nga ni Villar ang panguluhan ng Senado, habang si Jinggoy nama’y naging Senate President Pro-Tempore – bukod pa sa napawalang-sala sa kasong pandarambong. Ang ama naman niya’y kagyat na naghain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan matapos na ibaba ang hatol. Iniurong din ni Erap ang kanyang mosyon, at ang kapalit pala nito’y ang paggawad ng pardon sa kanya.

Nariyan na noon pang Hulyo ang mga senyal na may kakaibang magaganap, ngunit hindi ito nakababawas sa pagiging kapoot-poot ng nangyaring pag-urong sa landas ng kasaysayan. Isa itong pagtataksil, isang pagdura ng diumano’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga mukha ng milyon-milyong kabataang tumaya sa People Power II – at, samakatwid, may ambag sa pagkakaluklok sa kanya sa Malacañang noong 2001 – dahil naghahangad ng maliwanag na kinabukasan.

Pagkatapos ng lahat ay sa ganito lang pala mauuwi ang lahat. Pinatawad nang ganoon lamang ang wala namang inihihingi ng kapatawaran.

Paano na ang katarungang hinangad, paano na ang “pagbabagong” inasahan? Inilublob na lahat sa pusalian.

Matagal nang itinuro sa atin na “ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw.” Ngunit sa pagkakataong ito, ang kriminal ay nagpalaya ng isang kapwa kriminal. Nakapagpasya marahil kapwa na sa halip na patuloy na magsumbatan hinggil sa kung sino ang tunay na mandarambong ay maghati na lamang sa natitira pang madarambong.

Kung may napala man tayong kapaki-pakinabang sa nangyaring ito, yao’y ang solidong katibayang tama ang ginawa natin sa People Power II dahil di laging maipauubaya sa mga prosesong saklaw ng batas ang paggawad ng katarungan. Isa itong matingkad na aral na makabubuting lubusan nating isaloob at pagbatayan ng mga ikikilos sa nalalapit na hinaharap, kung ayaw nating tuluyang magpinid ang pinto ng magandang bukas sa ating bansa.

One Comment

Leave a Reply