“Hindi dugo ang tutubos
sa kahirapan kundi pag-ibig na puspos.”

– Cirilo F. Bautista, mula sa
Panangis ng Huling Tao sa Daigdig

Ngunit may silbi pa ba ang pag-ibig
na hindi tinubog sa dugo?
Dakilang makata, dito ko sa loob
ng simbahan binabasa ang iyong tula,
habang naaagnas ang lungsod at ang Diyos
ay nasa langit lamang. Matagal na akong nagsawa
sa paniniwalang kumikirot din
ang Kanyang dambuhalang dibdib sa tuwing
may batang inaangkin ng lansangan,
sa bawat dalanging binibitbit ng alangaang,
sa bawat tulang humahamon sa Kanyang kadakilaan.
Ngunit ano ang lugar kong magmaktol
gayong ang pasan nating tungkulin ay singbigat
lamang ng kalawanging pakong nakaturok
sa Kanyang mga palad? Dakilang makata,
kailangang may magsabi sa Kanyang kailangan
na Niya muling bumaba, ngunit may kutob akong
hindi rin Siya nagbabasa ng tula.
Gusto ko sanang kumatha ng panalangin
ngunit naghahanap pa rin ako ng hiling
na kayang buhatin ng hangin.
Kung hiwain ko itong aking palad–
may mabago pa kaya ang sangsang ng dugong
papatak sa naghihingalong salita? Saan pupulot
ng tinik na isisilid sa mga titik
gayong ang tangi kong alam na pag-aaklas
ay ang laban sa pananahimik?
Gayong hawak mo na ngayon
ang tangi kong paraan ng pananalig?

Join the Conversation

2 Comments

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.