KAMI ang Generation
txt. Malaya, masayahin, malikot, makulit, masipag, malakas, makabayan,
matapang, may direksiyon, at may paninindigan.
Itinatatwa namin
ang kanluraning konseptong Generation X pilit na ikinakabit sa amin
ng pandaigdigang kulturang komersiyal. Ang GenXers ay sinasabing lito,
malabo, walang direksiyon, palaasa ngunit mapaghimagsik.
Subalit rebelde
rin naman kaming mga kasapi ng bagong salinlahi. Mainit ang aming
pagtanggap at niyakap namin nang buong kasiglahan ang rebolusyon ng
mga bagong teknolohiya. Di nga ba't sinasabing naghahari ang Pilipino
sa CyberSpace at ang Pilipinas ay napapaulat na text-messaging capital
ng buong daigdig.
Gamit ang mga
bagong teknolohiyang ito, kami man ay nanguna sa isang pag-aalsa na
nauwi sa pagpapatalsik ng isang umano'y sagad-sagarang gahaman at
walang kakayahang pinuno ng bansa.
Mabilis ang aming
naging tugon sa kataksilan ng labing-isang tuta ni Jose Velarde (na
kilala rin bilang Asyong Salonga at Joseph Estrada at mas popular
bilang Erap). Ang impormasyon at panawagang nakarating sa amin sa
pamamagitan ng text at ng e-mail ay tuluyang nag-ugnay sa kalat-kalat
na mga organisado at di organisadong protesta. Mula sa aming mga tahanan,
paaralan, dormitoryo, pagawaan, simbahan, bumuhos kami sa mga lansangan
upang doon ituloy ang paglilitis - ang impeachment trial na nawalan
na ng kabuluhan.
Ang lakas ng aming
mga celfon at computer ay isa sa mga nagsilbing mitsa upang pumutok
ang ikalawang pag-aalsa o people power revolution II na naganap hindi
lamang sa EDSA kundi maging sa Mendiola at iba pang pook mula sa hilaga
hanggang katimugan ng Pilipinas. (Oo nga pala, hindi EDSA Dos ang
katatapos lamang na pag-aalsa-ito ay mas nararapat tawaging people
power II.)
Inilarawan ng
people power II ang ilan sa mga katangian ng aming salinlahi: Masaya,
makulit at malikot. Kami'y nagsipagsayawan at nagkantahan. Hindi namin
kailanman isusuko ang aming kalayaan sa isang sugarol, babaero at
lasenggong pinuno. Hindi ininda ng karamihan sa amin ang limang oras
na martsa patungong Malacaņang upang sugurin si Joseph Estrada; Masipag,
pagkat aming nilinis ang mga basurang iniwan ng pag-aalsa;
May direksyon,
dahil ang hangarin namin ay isang tapat na pamahalaan, at isang hakbang
patungo riyan ang pagkawala ni Erap. Makabayan, matapang at may paninindigan
dahil ang aming pakikiisa ay hindi lamang dahil sa kasiyahang maka-gimik
kasama ang barkada, kundi upang makaambag sa isang tunay na malaya
at malinis na lipunan na hatid ng aming pagmamahal sa bansang Pilipinas.
Ayon kay Ninoy
Aquino, "The Filipino is worth dying for." Tunay nga, pagkat noong
umaga ng pinagpalang araw ng Enero 20, marami sa amin ang nagdesisyong
tumungo sa Mendiola at sagupain ang nagbabantang sakuna. Di pansin
ang banta ng kamatayan, buong tapang na sumulong ang marami sa amin
upang maipaglaban ang aming paninindigan.
Samantala, noon
pa man ay may ilan na sa aming henerasyon na pumiling gumawa ng mas
higit pa at sundin ang halimbawa ni Gat Andres Bonifacio. Ang ilan
sa aming henerasyon-matagal nang panahon bago pa man ang ikalawang
pag-aalsa-- ay pumiling makibaka sa kabundukan at humawak ng armas
upang tahakin ang marahas na landas tungo sa tunay na pagbabago.
Ang karamihan
sa amin, bago at matapos ang pag-aalsa, ay matatagpuan sa aming mga
paaralan, tanggapan o pagawaan, patuloy sa pang-araw-araw na takbo
ng buhay, Nangangarap, nagsusumikap, para sa kinabukasan. Nagti-text,
nag-i-Internet, naglilibang sa kasalukuyan.
Subalit sa tawag
ng panahon, handa kaming tumugon. Muli at muli naming gagamitin ang
aming lakas at kabataan, pati na rin ang aming mga gadyet upang masiguro
ang kalayaan ng Inang Bayan at handa kaming bantayan ang patuloy nating
paghahanap ng katarungan. Nasa panig namin ang kasaysayan, pagkat
ayon kay Jose Rizal, kami, ang kabataan, ang "pag-asa ng bayan."
Matapos ang ikalawang
pag-aalsa, nangangako kaming militanteng babantayan ang administrayon
ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo habang buong kasiyahang itutulak
sa pintuan ng kulungan si Asiong Salonga.
Kami ang Generation
Txt.