Home
About Us
In this Issue
News
Special Features
Literary Page
Announcements
Links
Downloads
Feedback
Guestbook
 
 
 
 
 

Isyu 1.0
Isyu 1.0a
Pebrero 23, 2001

 

Pogi ako!
ni Noli Pasco

MAHIRAP talaga kung ang pogi points ay mataas.

Hindi ko alam kung kailan o saan nag-umpisa ang paggamit sa terminong pogi points bilang sukatan ng kagwapuhan ng isang lalaki. Alam ko lamang na noong kalagitnaan ng dekada nobenta, ang ilan sa aking mga kamag-aral at kapitbahay na babae ay nag-umpisa sa gabi-gabing pagtawag sa aming bahay (na kinainis naman ng aking mga magulang at dalawang nakatatandang kapatid na babae dahil hindi raw makatawag ang kanilang mga syota).

Katorse ako noon nang sabihin sa akin ni Jennie habang binabaybay namin ang kalye ng Vito Cruz na "medyo cute" raw ako. Pero huwag na huwag daw akong magkakamali na isiping may gusto siya sa akin. (Dahil absolutely wala raw talaga). Tatlong gabi mula noon, nagkita ulit kami sa food court ng SM Megamall kung saan sinabi niya na dahil wala raw akong girlfriend at wala naman siyang boyfriend noong panahong iyon, Mag-Un (MU) na raw kami.

Minsan ay parusa talaga ang masyadong cute. Hanggang sa mauso na nga ang mga katagang pogi points at tinukso na nga ako ng aking mga kapatid na nang nagsabog ng pogi points ang Lumikha, naligo raw ako hanggang sa ako ay magka-pneumonia.

Tuwang-tuwa ako noong 1994 nang sa wakas ay nagkaroon na kami ng telepono sa bahay. Ibinigay ko lamang muna sa sa ilang kaibigan ko ang numero ng telepono namin ngunit talagang nagulat ako nang biglang tumawag ang pito o walong mga kaklase kong babae sa loob lamang ng ilang araw. Parang bagyong sumagitsit sa aking high school ang balitang may telepono na kami. Ayon kay Sherlie, nakasulat pa raw sa salamin ng girl's CR ang number ko kasama ng ilang impormasyon tungkol sa akin katulad ng aking paboritong kulay, paboritong pagkain, sports na aking nilalaro at kung mas gusto ko sa babae ang may mahaba o maiksing buhok.

Isang hindi ko pa makalimutan ay noong nagkamali ako sa pagsakay ng bus. Dahil sa pareho ng kulay at pagod ako nang araw na iyon, umakyat ako sa dilaw na school bus ng St. Scholastica. Nang makarating ako sa isang bakanteng upuan, nagtaka ako kung bakit biglang tumahimik ang lahat. Paglingon ko sa aking likod, nakita ko na lahat pala ng nakasakay roon maliban sa akin ay babae at pinagtitinginan na ako! Medyo natakot nga ako dahil isinara na nga nila ang pinto at hindi ako pinalabas hanggang hindi ko naibigay ang address at number ko.

Hanggang sa ngayon na ako ay nasa kolehiyo na, hindi pa rin tumitigil ang pagtawag at pagdalaw sa akin sa bahay ng iba't ibang babae. At dito, wala sa bahay ang natutuwa maliban sa aming kusinera. (Minsan ay nagkakaroon kami ng apat na libreng ulam bawat gabi). Gayunpaman, inaasikaso ko nang maigi ang aking mga bisita dahil alam kong gusto lamang nila akong makita o makausap kahit sandali.

Hindi lang alam ng iba, pero sobrang parusa talaga ang may mataas na pogi points!

 

 

 

 

E-mail us to contribute articles, pictures, or art works for the first issue of Tinig.com