Tila baligtad na ang ihip ng hangin para sa aktor na si Jun Urbano, na kilala ng lahat bilang ang tauhang si Mr. Shooli ng palabas noon sa telebisyon na Mongolian Barbecue. Makikita ito sa isang bagong patalastas na pinagbibidahan nila ni “Kuhol,” tauhan din sa Mongolian Barbecue.

Pagbabago ang paksa sa naturang patalastas, ngunit tinatalakay ito mula sa isang pananaw na mahirap asahang siyang pagbabatayan ni Urbano, batay sa naging takbo ng kanyang karera.

Habang nagsasalita si Mr. Shooli kasama si “Kuhol” sa isang tabi, may nagaganap na rali sa likod nila. Mababanaag sa hanay ng mga raliyista ang mga bandila ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at League of Filipino Students (LFS).

Binabatikos ni Mr. Shooli sa naturang patalastas ang diumano’y pagkahilig ng mga Pilipinong magsagawa ng mga rali at maging kudeta sa tuwing may mga panawagan para sa pagbabago. Nagkaroon na raw ng People Power I at People Power II at ilang kudeta at tangkang kudeta, ngunit wala naman daw nagbago.

Mula rito’y sinasabi ni Urbano na ang pagbabago’y “nasa sarili.” Ang negosyante raw ay dapat na magbayad ng tamang buwis, ang botante’y dapat na huwag magbili ng kanyang boto, ang tsuper ay dapat sumunod sa batas trapiko, at ang opisyal ng gobyerno’y dapat na maglingkod sa taumbayan at huwag sa sarili.

Unang-una, tila nalilingid sa kaalaman ni Urbano na ang mga problema ng Pilipinas ay lampas pa sa mga penomenon ng negosyanteng hindi nagbabayad ng tamang buwis, ng botanteng nagbibili ng boto, ng tsuper na lumalabag sa batas trapiko, at ng makasariling opisyal ng gobyerno. Kahit noong mga unang taon ng pagsasarili ng Pilipinas sa pamamahala, hindi nauubusan ang mga samahang sibiko ng mga ideya para sa mga patalastas na may temang kagaya ng sa ngayo’y pinagbibidahan ni Urbano, ngunit nananatili ang mga problema ng lipunang Pilipinong kanyang tinukoy at sa katunaya’y palala nang palala. Nagpakitang-tao na rin tungkol sa paksang ito ang ilang rehimen, lalo na ang kina Ferdinand Marcos, Corazon Aquino, at Fidel Ramos, ngunit wala ring nangyaring “moral na paghilom” na gaya ng “ipinanawagan” ni Ramos.

Dito lumilitaw na ang pagbabago’y hindi kailanman maiaasa sa pagdating ng pagkakataong lahat na ng mamamayan ay kusang nakaisip, sa pansariling antas, na magbago. Sa wika nga ni Obispo Elmer Bolocon ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), na nakapanayam namin kamakailan, “Kahit ano’ng pagpapakabuti mo, babarahin ka ng sistema.” Ang mga problemang tinutukoy ni Urbano sa patalastas nila ni “Kuhol” ay paulit-ulit sapagkat may sistemang sosyo-ekonomiko at pulitikal na nagluluwal at nang-uupat ng mga ito. Sistemiko ang suliranin kaya’t upang makamit ang pagbabago, kinakailangan ang sistematiko ring pagkilos ng nagkakaisang malawak na hanay ng taumbayan — kabilang na ang mga makabayang elemento ng militar.

Totoong wala pang nangyayaring pangkalahatang pagbabago matapos ang People Power I at II at ilang kudeta at tangkang kudeta.

Ngunit ang mga pag-aalsang-bayang gaya ng People Power I at II ay nakapagdudulot ng kagyat na tugon sa ilan sa pinakamabigat na suliraning kinakaharap ng mga mamamayan. Napatalsik ng People Power I si Marcos at nasaksihan ang isang antas ng pagbabalik ng espasyong demokratikong tinanggal ng kanyang diktadura. Napatalsik ng People Power II si Joseph Estrada at naputol ang talamak na katiwaliang nanalasa sa kanyang pamahalaan.

Kung muli mang kumikipot ang espasyong demokratiko at kung kinukubabawan man tayo ngayon ng higit na katiwalian, ito’y hindi argumento laban sa People Power I at II kundi patunay na mahaba pa ang kailangang lakbayin — bukod pa sa ito’y paghatol sa ating “pambansang pagkamalilimutin,” sa wika nga ng ating patnugot na si Ederic Eder, at sa ating madalas na pagkasabik na limutin at patawarin maging ang di-dapat limutin at patawarin.

Ang kudeta naman ay isang anyo ng pagkilos ng mga sundalo na, sa karaniwang mga pagkakataon, ay di dapat na ihikayat. Ngunit may mga pagkakataong ito lamang ang nakikitang paraan ng ilang sundalo upang ipahayag ang lehitimong mga hinaing laban sa nakataas na pamunuan ng militar — lalo na ng mga kagaya ni Antonio Trillanes IV, dating tinyente ng Hukbong Dagat, na makailang nagtangkang makipagdiyalogo kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa katiwalian sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ngunit di pinaunlakan ni minsan at bagkus ay makailan pang ipinabilanggo.

Sa dakong dulo ng patalastas, ipinakikita si “Kuhol” na may dalang P500 — bayad daw para sa pagsama sa rali. Magpapasya si Mr. Shooli na sumama sa rali.

Ang tagpong ito’y isang insulto sa mga organisasyong kagaya ng KMU at LFS, na malaki-laki na ang naiambag sa kasaysayan ng nagdaang mahigit sa 30 taon. Anuman ang siguro’y maaaring ipuna sa mga organisasyong ito sa nakalipas na ilang taon, hindi kabilang sa maaaring iparatang sa kanila ang panunuhol sa mga tao upang mapalaki lamang ang kanilang mga mobilisasyon: kahit ang mga pinakapanatikong makagobyerno at pinakapusakal na upahan sa hanay ng pabatirang-madla ay hindi makapagparatang nang ganito sa kanila, di tulad nang sa kaso ng ilang grupong binuo ng mga pulitikong pulpol na nagpapanggap na makabayan ay mga talipandas din naman.

Nag-iba na yata ang ihip ng hangin, G. Urbano. Ano ang nangyari?

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Join the Conversation

6 Comments

  1. eto ang career move ng isang jun urbano….natatandaan ko noon nang nakatira pa ako sa quezon city…nagtangka yung mama na yan na subukin din ang pulitika doon ngunit sinawing palad.ang patalastas na ito ay patunay lamang ng kawalan ng sariling prinsipyo at bait ng dating pinagkakapitagang g.urbano ng mongolian barbeque!siguradong may pera sa likod ng ganitong pag-ganap at yung perang iyon ang katumbas ng prinsipyo ng mama…

  2. napansin ko rin yung flag na yun ng lfs at kmu, na siyang itinuturo ng patalastas ni urbano na nagbabayad sa mga tao para sumama sa rali.

    hindi naman nakapagtataka ito. hindi naman kasi tunay na aktibista si urbano.

    noon kasing nasa seminaryo pa siya ng san jose sa ateneo, nkakabit siya sa PDSP. kaya malinaw na ang mga pananaw niya mula noon hanggang ngayon ay laging may latak ng PDSP.

    desperadong hakbang na ito ng mga taga-PDSP na nasa gobyerno. at ginamit nila ang mukha ni urban sa pag-aakalang kakagatin ng madla ang ihinahaing punto ng mama.

    kapansin-pansin din na walang pagkakakilanlan ang patalastas hinggil sa kung sino ang nagpagawa at nagbayad para mailabas ito sa mga telebisyon.

    kaya naman tukoy agad ng lahat na malakanyang ang nasa likod nito. at si urbano ay bagong bahagi ng kanilang tim sa midya.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.