Pagkakaisa

Sa lahat na lang yata ng wika sa mundo, ang “pagkakaisa” ay kabilang sa mga konseptong pinakamadalas na malapastangan. Kung nagkaroon lamang ng pagkakataong lumaganap ang mga wikang inimbento ng mga manunulat na sina JRR Tolkien at William James Sidis, baka maging sa mga ito’y nasalaula na rin ang konsepto ng pagkakaisa.

Ano ang pagkakaisa? Mahusay na nailarawan ng mang-aawit na si Gary Granada ang pagkakaisa sa kanta niyang “Dalawang Kasaysayan.” Tunghayan natin ang ilang linya mula sa kantang ito:

Magkaiba ang pinanggalingan
Magkabukod ang ating landas
Pinagsanib ng kasalukuyan
Sana’y walang wakas

Dalawang kasaysayan, magkaibang mundo
Ang layu-layo mo sa akin
Dalawang kasaysayan, pinagtagpo
Ng iisang damdamin…

Ang pagkakaisa ay ang pagsasama-sama ng maraming tao alang-alang sa iisang layunin o sa iisang pangkat ng mga layunin. Sa pagkakaisa, nililimot ng mga tao ang kani-kanilang partikular na pagkakaiba upang maisulong ang pare-parehong hangarin.

At tunay na malaking himala ang nagagawa ng pagkakaisa. Wika nga ng manunulat na si Helen Keller, “Ang nag-iisa’y kakaunti ang nagagawa; ang nagkakaisa’y kayraming nagagawa.”

Nakita naman natin ang hiwagang nagawa ng nagbuklod na mga mamamayan sa mga makasaysayang pakikibaka sa ating bansa, magmula sa pagpapalayas sa mga kolonyalistang Kastila hanggang sa pagpapaatras sa mga tropang Pilipinong nasa Iraq mula 2003 hanggang 2004 upang tangkilikin ang walang-katarungang pagdigma roon ng Estados Unidos.

Ang iisang patak ng tubig na ihulog ng langit ay halos walang anuman. Ngunit ang isang buhos ng ulan ay makapapatay ng isang dambuhalang sunog sa isang bukid. Ganito ang hiwaga ng pagkakaisa.

Datapwat dahil sa kapangyarihang itong taglay ng pagkakaisa ay madalas nga itong mabaluktot ng mga may hangaring kasulu-sulukasok.

May bisang emosyunal ang pagkakaisa, dahil sa mga himalang nagawa sa kasaysayan ng mga nagkakaisang mamamayan. At itong bisang emosyunal ng pagkakaisa ang malimit na gamitin ng mga may motibong madilim upang baluktutin ang diwa nito.

Sa ating kasaysayan, malimit na magamit ng mga gunggong na pulitiko ang konsepto ng pagkakaisa upang tangkaing iligaw ang mga mamamayan at hikayatin ang mga itong tangkilikin ang kanilang maiitim na gawi.

Tampok sa mahihilig gumawa ng ganito ang mga rehimeng niyayanig ng iba’t ibang anyo ng diskuntento ng mga mamamayang napopoot sa iilang mapribilehiyong ginagawang pamunas ng puwit ang kanilang kinabukasan. Masdan ang mga Ferdinand Marcos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo. Lahat sila’y nanawagan ng “pagkakaisa” sa mga panahong nag-ibayo ang pagngingitngit ng mga mamamayan sa kanilang pagsalaula sa kapakanan ng bansa.

At dahil kaylimit ngang mabaluktot ang diwa ng pagkakaisa, hindi masama ang tayo’y matutong magtanong — sa tuwing niyayaya tayong makipagkaisa — kung ano ba ang kanilang nais na pagkaisahan.

Walang pinakamabuting pagkakaisa kundi yaong pagbubuklod na naaayon sa mga dakilang mithiin, yaong pagkakaisang ibinabandila sa kantang “Pitong Libong Pulo” ni Jess Santiago:

Pitong libong isla, ating pag-isahin sa iisang mithi
Pitong libong pulo, matatag at buo, hindi mahahati
Sambayanang bigkis ng isang lunggati
Payapa’t malayang kayumangging lahi…

5 Comments

  1. mabuhay ka bro!!!!!!!! pag kakaisa ….godbles ol…..jovin bulacenio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.