Tagumpay ng Rebolusyon sa Panahon ng Penafrancia Fiesta

Halos tatlong daan at limampung taong inagawan ng kabuhayan, pinuwersa sa pagiisip ang isang kanluraning relihiyon, inalipin sa sariling bayan.

Sa gitna ng kahirapan, naisip nila na hindi naman Diyos ang nagsasabing maghirap ang mga mamamayan sa mundo. Sinasabi lang ito ng mga mananakop na nagtatamasa sa yaman ng bayan lalo na ang mga prayle ng simbahan at kanyang mga kasabwat na namumuno sa pamahalaan.

Peñafrancia Piyesta 1898, hindi na nakapagtimpi ang mga Bicolano at mga Pilipino.

Dumating na sa Naga (Nueva Caceres sa mga Kastila), Camarines Sur ang init ng rebolusyong sinimulan ni Andres Bonifacio sa katagalugan. Sa pangunguna ng mga dating guwardya sibil na sina Elias Angeles at Felix Plazo, napagkasunduan nilang lusubin ang Naga pagkatapos ng selebrasyon ng ka-piyestahan ng Peñafrancia noong 18 Setyembre 1898.

Dinala ang imahen ng Peñafrancia sa Naga Cathedral noon 16 Setyembre 1898; nag-fluvial prosession sa ilog ng Naga noong 17 Setyembre 1898 (Riol 1980).

Hindi namalayan ng mga taong nasa simbahan at ng pamahalaan dahil tuloy-tuloy ang kasiyahan sa piyesta. May mga naglalaro, maraming tao sa simbahan, at ang lahat ay naghahanda sa fluvial procession. Hindi akalain ng mga mananakop na may mga taong naghihintay ng liwanag ng bagong araw.

Ika-11 ng gabi 18 Setyembre 1898, parang isang bagyong nagtago nang matagal na panahon, lumabas ang mga rebolusyonaryo sa pinagtataguan nila sa baranggay Tabuco (Riol 1980) sa Naga. Oras na ng paniningil at pagbawi ng yamang inagaw. Sinalakay nila, kasama ang mga Bicolanong magsasaka, ang sentro ng kapangyarihan sa Naga.

Mapapatawad naman siguro ng kasaysayan ang mga rebolusyonaryo kung agad nilang napatay, sa unang mga sandali ng pagsalakay, si first lieutenant D. Miguel Diaz de Moriel. Hindi na bago sa mga Kastila na bansagang mga barbaro ang mga Pilipinong nagrerebolusyon. Kahit na siguro sinong Kastilang prayle o tauhan ng pamahalaan ay mapapatay ng rebolusyon sa mga sandaling iyon. Patawarin nawa sila ng kasaysayan! Maiintindihan ang kanilang ginawa sa konteksto ng kanilang paghihirap sa loob ng kung ilang daang taon sa mga kamay ng mga mananakop na kleriko-pasistang nasa simbahan.

Galing sa baranggay Tabuco tumuloy sila sa Kapitolyo (na kinalalagyan ng Land Bank Naga City ngayon). Agad nilang pinalaya ang mga detenido ng mananakop. Inasahan nila na kakampi ang mga ito sa rebolusyon.

Galing sa Kapitolyo, hinabol nila ang mga kastila na kumaripas sa simbahan ng San Francisco, mga dalawang daang metro mula sa Kapitolyo. Sa simbahang ito nagtago ang Kastilang gobernador na si Vicente Zaidin at mga ka-alyadong mga Prayle. Dito naipit ang mga kastila hanggang nagkaroon ng paguusap ang magkatunggaling panig.

Alam ng mga rebolusyonaryo na kulang na sa bala ang nasa Simbahan. Kung barbaro ang mga rebolusyonaryo, dapat sinunog na lang nila ang simbahan — isa sa mga instrumento ng Kastila sa pagsakop ng inang bayan.

Ngunit, tulad ng isang rebolusyong may prinsipyo, nakipagusap pa sila kay Gobernador Zaidin noong nasa kanila na ang inisyatibang militar — pinigil ang poot at galit, malamang para maiwasan pa ang pagdanak ng dugo.

Noong madaling araw ng 20 Setyembre 1898, isinuko ng mga Kastila ang halos 100 na armas (riple at mga rebolber) at mga 2000 na bala (Riol 1980). Lahat-lahat, mga 100 na Kastila ang sumuko sa mga rebolusyonaryong ipinakipaglaban ang kalayaan. Sa suporta ng masa nailagay ng rebolusyon ang lehitmong pamahalaan. Para sa mga Bicolanong naghintay ng halos tatlong daan at singkwentang taon, ilan naman kaya sa kanila ang napaluha sa araw na iyon?

Peñafrancia Piyesta 2008, sa mga nangyayari sa pulitika at ekonomiya ngayon, makakuha sana ang mga kasalukuyang Bicolano at Pilipino ng aral mula sa kanilang rebolusyonaryong ninuno upang mapabuti ang kanilang sariling pulitika, ekonomiya, at kasaysayan. — Kaiba News and Features

Reference:

Riol A. P (1980). A friars account of the Philippine Revolution (an unpublished manuscript of Fr. Marcos Gomez, OFM, about the Philippine Revolution of 1898 in Ambos Camarines). Franciscan Friary of St., Gregory the Great, Quezon City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.