Muli, nilingon ko ang aking mga katha:
Ilang tula ng sakuna, mga tula ng bangungot,
ng mga sugat para kay ganito, kay ganoon,
kay ganyan. Mga tula ng biglang kaganapan.
Isang trahedya pati ang makakita: Kahapon,
may nalunod na bata sa tubig baha. Sa Burma,
tinangay ng daluyong ang laksa laksang kaluluwa.
Sa Tsina, hindi mabilang ang katawang inulam
ng lupa. Kamakailan lang, may nabuwal na haligi
ng pag-gawa, isang bayaning anakpawis at
makamasa. Isang trahedya pati ang makakita.
Sapagkat laging nais ng makata’t hangal
ang pumagitna sa mga labanan. Sa labanan
ng pagmamadali at paghihintay. Sa labanan
ng pagtatagpo’t paghihiwalay. Sa labanan
ng malay at dalumat. Araw-araw, may isinusulat
na mga alamat. Hahandugan ba kita ng isa,
ngayong wala ka na? Marahil, marami nang nauna.
Sabi nila, isa kang matapat na kaibigan, Mapagmahal
na asawa’t ama. Anong alam ko, maliban sa ilang
pinagbidahan mo? Isa kang idolo, arketipo ng magiginoo’t
mga sanggano. Hindi sa takilya, Daboy, nakapila ngayon
ang mga tagahanga. Isang mahabang hilera ng simpatya.
Nauumid ang iba sa pagluha. Binabaha pati mga pahayagan
ng iyong ala-ala: paalam, baby ama, paalam.
May tula ang bawat balita, may balita ang bawat
tula. Nagsasalo sa parehong mga titik ang ulat at
tula, hula at luha. Hahandugan ba kita ng isa?
Isang ulat tungkol sa ulap na pumula sa pagpulas
ng iyong hininga. Isang tula tungkol sa pagsasara
ng talukap ng mata at pagtugaygay ng kamera
sa pag-andap at pagkurap ng isa na namang tala.
Sampatak ng luha para kay Alma at Lorna. Isang hula,
na magaganap sa wakas ang hiling mong pahinga.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.