Ang pulitika talaga, lokal man o nasyonal, ay walang pagkakaiba. Patayan dito, patayan doon. Ngunit bakit nga ba kapag sinabing pulitika, ang kakambal nito ay panganib? Pati ba sa pinakamababang pwesto sa gobyerno ay nauuso na rin ang patayan?

Sa mga nakaraang araw, mga barangay chairman, pati na rin ang mga kandidato sa pagiging barangay kagawad, ay nanganganib na ang buhay sapagkat nauuso na rin ang pagkitil sa kanila. Kagaya ng barangay chairman sa isang bayan sa Batangas na napaulat na pinaslang kasama ang tatlong kapartidong tatakbo bilang kagawad. Gayun din ang senaryo sa isang bayan sa Laguna. At kamakailan nga, ang napabalitang pagpaslang sa chairman ng isang bayan sa Pampanga.

Dito sa ating pinakakamamahal na bansa, usung-uso ang gumawa ng masama para lamang magkaroon ng kahit na kaunting kapangyarihan. Kayang ibenta ang kaluluwa sa demonyo para lamang sa kararampot na posisyon. Sa dahilang kahit sa barangay ay may nagaganap na corruption. Kahit ang mga kabataan ngayon na kumakandidato bilang SK (Sangguniang Kabataan) ay masasabing namamanipula na rin ng mga nakatatandang may mga karanasan na sa politika na sundin ang mga yapak nila–ang pagiging corrupt.

Talagang marumi ang pulitika. Imbes na ang mga taong ito na tinatawag na lider ay magsilbi at tumulong sa mga taong nasasakupan ay sila pa itong mismong nangungunang nagnanakaw sa taumbayan. Sa simpleng mga proyekto ng barangay ay siguradong may kita ang mga iyan. Di ka rin naman lugi kung ikaw ay barangay chairman–sumasahod ka ng P15,000 kada buwan at P12,000 naman ang mga kagawad at SK chairman, na pareho lang ng sahod ng ordinaryong manggagawang hukot na ang likod sa kakatrabaho.

Kaya naman pala usung-uso ang patayan sa barangay. Paupo-upo lang sa barangay hall (na ang iba diyan ay air-conditioned pa), mamamagitan sa mga nag-aaway kuno, at umaayos daw ng mga kaguluhan sa barangay. Ang iba riyan ay ayaw magpaistorbo sa gabi at kahit nagkakagulo na ang kanilang nasasakupan, sige pa rin ang tulog. Kumikita sila buwan-buwan–puwera pa ang porsiyento sa mga ginagawang proyekto pambarangay–nang walang kahirap-hirap.

May iba dyan na gumagawa at nagtatrabaho nang maayos, ngunit masasabi ba nilang sila’y malilinis? Sinong niloloko nyo? Mga sarili ninyo?

Maliit man o malaki ang posisyon sa gobyerno, parepareho lang silang mga politiko. Mga plastik! Na ultimo mga kamag-anak ay gagamitin upang makamit ang ninanais na posisyon. Sayang nga naman ang mga boto nila, baka iyon pa ang magpapanalo sa kanila.

Iba na talaga ang henerasyon ngayon. Ultimo pinakamaliit na sangay ng gobyerno ay garapalan na ang pagnanakaw sa mga tao. Kahit pa sabihin nilang barya lang ang nakukuha nila sa mga ito, pagnanakaw pa rin iyon na maituturing. Ang manguha ng kahit anong hindi mo pag-aari ay pagnanakaw. Kaya walang exempted sa krimeng ito. Sa mata man ng batas pantao at sa batas ng Diyos.

Si Eden ay 2007 graduate ng Bachelor in Mass Communication sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isa siyang advocate of freedom at nagnanais ng reporma sa ating mahal na bansa.

Join the Conversation

4 Comments

  1. Sa totoo lang ang mga taong tumatakbo ngayon ay hindi tumatakbo sa kadahilanang nais nilang magsilbi sa bayan, bagkus ay upang kumita ng pera. iba na talaga ang panahon ngayon. ginagawang negosyo ang pulitika!

  2. Isa dahilan lang ang nakikita ko sa ganyang sitwasyon,ito ay ang labis na kahirapan. Wlang kriminalidad kung ang mga tao ay may maayos at matatag na mga trabaho,wlang patayan tuwing elekyon kung ang mga kandidato ay mula’t sa isang pangaral at wlang halong pansarili ang pagtakbo(conflict of interest),wlang magiging suhulan pagdating ng araw ng eleksyon kung ang mga mamamayan ay bukas ang isipan sa isang tunay at makabuluhang pagbabago,sa mga kandidato sana ay bukas din ang kanilang isip hindi lamang kung sila ay mananalo kundi maging ang pagtanggap na sila ay talo.

  3. Maiintindihan mo ang mga kandidato kung sila’y lulong sa kahirapan ngunit sa tingin nyo ba na ang mga mahihirap ay may kakayahang tumakbo sa halalan?kung sa kararamput na kita nila ay kulang pa para sa hapag? Hindi sila magsasayang ng kararamput na kita upang gumastos sa halalang alam naman nilang matatalo sila dahil ang mga makakalaban ay maimpluwensya at may kaya sa buhay. Sa tingin ko ay hindi kahirapan ang dahilan kung bakit naging ganito ang sistema ng halalan sa atin ang Pagiging gahaman sa kapangyarihan at pagiging gahaman sa salapi ang nakikita kong dahilan.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.