v9.0
Disyembre 23 , 2001
Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Bookmark Us
MAIKLING KWENTO
Stargazing
Ni Peter Robles

“NAKITA MO na ba?”

“Ang alin?”

“Yung aso! Ayan o, nasa tabi nung dinosaur saka nung bibe!”

Halos isang oras nang pinapahanap ni Mark ang mga hayop na nakikita niya sa langit. Sari-saring hugis at anyo ang nakikita ng aking bestfriend, mga hugis at anyong binuo ng mga bituin. Sumandal ako sa matandang punong akasya. Kanina pa kasi nangangawit ang mga hita kong ginawang unan ni Mark habang pinanonood namin ang langit noong gabing iyon, pero ayoko namang magreklamo kaya sinandalan ko na lang ang puno. Natatakot na akong maulit ang pagtatampo ng kaibigan ko sa akin. Parang bata kasi si Mark--hindi ko lang mabati o masabihan kong tumahimik sandali’y malulungkot na’t iisiping nagagalit ako sa kanya. Parang bata talaga ang paborito kong kaibigan.

Kinder pa lang ako’y kasama ko na si Mark sa subdivision namin. Dahil magkatabi lang ang aming bahay at malapit lang kami sa aming paaralan, palagi kaming sabay pumasok at umuwi. Sabay din kaming kumain tuwing recess, sabay na naglalaro ng swing o sipa o habulan, at sabay rin kaming pumupunta sa CR para umihi. Ayaw na ayaw ni Mark ng nang-iiwan o naiiwanan.

“O, ano? Hindi mo pa ba nakikita?”

Tumingala si Mark. Nakatutuwang panoorin ang kanyang mga mata, parang mata ng isang tutang naghahanap ng amo. Pinaglakbay ko ang mga daliri ko sa kulot niyang buhok, muli naman siyang tumingin sa langit habang inaayos ang kanyang pagkakahiga sa aking hita.

“Sige na nga, hahanapin ko na yung aso mo.” Kung hindi ko pa sinabi iyon ay tiyak na hindi niya ako titigilan.

“Yehey!” Pumalakpak pa ang loko. Napatingin tuloy ang ibang mga magkakaparehang nasa paligid ng parke. Nakakahiya pero nakakatuwa pa rin.

Hindi ko na matandaan kung kailan nagsimula ang pasinasyon ni Mark sa mga bituin. Basta, ang alam ko’y mahilig na siya sa panonood sa langit bago pa man ako natutong magbaybay ng aking pangalan. Minsan nga’y nainis ako sa kanya, noong grade two yata kami, dahil ang tagal-tagal niyang nakatunganga sa langit at hindi kami nakapaglaro ng taguan. Sabi ko sa kanya, hindi ko na siya kakausapin kahit kailan. Hindi ko alam kung paano at sino ang nakapagpatahan sa kanya pagkatapos kong gawin iyon. Hindi ko na rin matandaan kung ilang milyong “sorry” ang sinabi niya sa akin at kung ilang kendi ang binigay niya para sabihin kong bati na kami. Nakakatuwa talaga si Mark.

“Ano, nakita mo na?”

“Oo, ayun nga o, ang ganda.”

“Sus, binobola mo naman ako e!”

Bola, doon magaling si Mark. Hindi sa bolang panloloko kundi sa bola ng basketbol. Napakahusay niya talaga, kaya naman kasali siya sa elementary at high school na varsity ng basketbol. Mas lalong gumagaling iyon kapag pinapanood ko, at hindi pumapayag si Mark na hindi kami sabay umuwi sa tuwing natatapos ang mga laban nila. Madalas ay tumatambay muna siya sa bahay namin at doon nagpapahinga. Kung minsan ay tinuturuan niya akong mag-basketbol, pero masyado yata talaga akong mahinhin para sa ganoong laro. Si Mark talaga ang mahusay at hasa sa ganoong klase ng palakasan., kaya naman hindi na ako nabigla noong tumawag siya sa bahay nang alas dose ng hatinggabi at sinabing natanggap siyang maging varsity sa kolehiyo niya.

“Nahuli mo ako, Mark. Binobola nga lang kita.”

Lagi ko talagang niloloko ang bestfriend ko. Talagang napakalaki lang ng tiwala niya sa akin kaya palagi ko yata siyang napapahamak. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa officer ko sa ROTC noong sinugod siya ni Mark at ginawang punching bag. Sinabi ko kasing pinag-one hundred push-ups ako ng officer na iyon kahit na ang totoo’y squat lang for five seconds ang pinagawa niya, na kasalanan ko pa--kailan ba naman naging puwede ang mag-hairclip sa ROTC?

Malaki talaga ang tiwala ni Mark sa akin, kaya nang sinabi kong ayaw ko na siyang makita, wala na siyang nagawa kundi ang magmukmok. Magkaiba na kasi kami ng pinapasukang eskwela, may mga bago na akong barkada, nagbago na kasi si Mark, lahat na yata ng pagdadahilan sinabi ko sa kanya. Pero ang totoo’y hindi nagbago si Mark kahit kailan.

Kahit kailan ay hindi nawala ang pagkamaaalahanin at pagiging sweet ng aking bestfriend, mga ugaling kinababaliwan ng pagkarami-raming kolehiyala. Hindi rin nawala ang maningning niyang mata’t inosenteng ngiting tiyak na magpapalaglag ng panty ng pinakamagandang miyembro ng cheering squad sa kanyang eskwelahan. Hindi nagbago si Mark. Magaling lang siguro akong mambola kaya napaniwala ko siya. Gullible talaga ang bestfriend ko.

“Hindi ka ba giniginaw, Alex?”

“Hindi naman, okey lang ako.”

Mas binaluktot ni Mark ang kanyang mga hita at sumiksik sa katawan ko. Para akong may inaalagaang baby noong mga sandaling iyon. Ipinatong ko ang aking kanang kamay sa kanyang hita. Naalala ko tuloy noong inaway ako ng nanay niya. Sa amin kasi nagpunta si Mark noong natapos ang hazing niya sa kanyang fraternity. Ayaw niyang makita ng kanyang nanay ang mga hampas ng paddle sa likod ng hita niya. Buti wala ang parents ko noon, nag-business trip. Yun lang siguro ang maganda pag only child ang isang tao, wala nang kapatid na kailangang intindihin pag wala ang mga magulang. Yun nga lang, masugatan lang nang kaunti’y siguradong maghuhurumentado naman ang nanay at tatay, tulad ni Mark. Kaya nang pinagsisigawan ako ng magulang ni Mark noong nahuli nila ang sikreto nami’y nanahimik na lang ako, kahit na sa palagay ko’y mas masakit pa sa mga sugat ni Mark ang salita ng nanay at tatay niya. Talagang birds of the same feather flock together.

Hinawakan ni Mark ang kamay ko. Inilapit niya ito sa kanyang mukha. Inamoy-amoy niya ang aking kamay, pagkatapos ay hinalikan niya ito.
“Salamat talaga, Alex. Pinasaya mo ang birthday ko. Akala ko nga, hindi ka papayag sumama sa akin. Salamat talaga.” Idinikit niya sa kanyang pisngi ang aking kanang kamay. Pinaglaruan ko namang muli ng kaliwang kamay ko ang maalon niyang buhok.

“Wala iyon. For old times’ sake.” Hinalikan ko ang buhok ng aking bestfriend. Wala na yatang mas babango pa sa amoy ng buhok niya.

Bumangon si Mark, umupo sa tabi ko’t pinulupot ang mga braso niya sa katawan ko. Ginantihan ko ang ginawa niya. Muli siyang tumingin sa mga bituin.

“Ano, nakita mo na ba?” Talagang makulit ang kaibigan ko.

“Sige, susubukan ko uli.” Magaling talaga akong mambola. Hindi ko lang sinasabi, pero noon ko pa nakita ang asong nasa langit, kasama ang mga dinosaur, ibon at kung anu-ano pa, sumasayaw, kumakanta, nagpipiyesta sa kalawakan.

==============
Si Peter Robles ay nangangarap mamasyal sa kalawakan, sa isang palasyong nilikha ng kanyang mga panaginip.


Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved

E-mail us to contribute articles, pictures or art works for the next issue of Tinig.com


MULA SA PATNUGOT
May Glorya pa rin ang Pasko

SA ISYUNG ITO
Kapaskuhan at Kabuhayan
Ni Alexander Martin Remollino

Krisis-Mas nga ba?
Ni Rey Refran

Sa Likod ng Kamera
Ni Arianne Angela Solis

Ang Coco Levy at ang mga Kuwarta-Kuwartahan ng Aking Lolo at Lola
Ni Ederic Peñaflor Eder

SPECIAL FEATURE

Jose Rizal
Pahimakas
(Mi Ultimo Adios Salin ni Andres Bonifacio)

MAIKLING KWENTO
Stargazing
Ni Peter Robles

TULA
before Christmas
Ni Kitty

Misteryo
Ni Vladimeir B. Gonzales