|
Krisis-Mas
Nga Ba?
Ni Rey Refran
TUWING DUMARATING
ang ganitong katapusan ng taon ay hindi ko maiwasan ang katotohanang
ipinagdiriwang ang paggunita sa kapanganakan ng pinakadakilang
tao na nabuhay dito sa daigdig, si Hesukristo. Bilang isang Kristiyano
ay mulat ako sa ganitong katuruan at paniniwala, sabuyan man ito
o hindi ng elemento ng materyalismo.
At para sa
ating mga Pilipino, sari-saring uri ng pagdiriwang ang kaakibat
nito. Tulad na lamang ng kaliwa't kanang Christmas parties na
ang dulot ay kasiyahan (at kabusugan sa tiyan!); ang pagpapalitan
ng mga regalo; ang pagpapatugtog ng mga awiting Pamasko at ang
pangagaroling ng mga bata lalo't higit na nalalapit na ang mismong
Araw ng Pasko; mga batang naghahalakhakan sa dahilang para sa
kanila ang pagdiriwang na ito, lalo't malaking bagay sa kanila
si Santa Claus na namimigay ng mga regalo; at mga simbolo ng Pasko
tulad ng naggandahang mga parol, ilaw at sari-saring palamuti
na kaakit-akit sa mata.
Kahit na sabihin
pa natin na nalulugmok sa matinding krisis ang ating bansa sa
kasalukuyan, talaga lang na hindi palalagpasin ng mga mamamayan
ang pagdiriwang ng Pasko. Isang paraan ito upang pansamantalang
makaligtaan ang mga pang-araw-araw na problemang dinaranas sa
buhay at makapag-isip ng solusyon kahit papaano sa mga suliranin.
Pero kung lilimiin din ay tila baga Krisis-mas nga talaga dahil
ang iba sa atin, kasama na ako, ay may kakaibang pananaw: para
bang impraktikal na ang paggunita nito sa hirap ng buhay ngayon.
Kunsabagay,
sa personal na perspektibo, parehas na pambansa at personal na
krisis ang bumabagabag sa akin na dahilan upang hindi ko na makita
ang praktikalidad ng pagdiriwang ng Kapaskuhan pwera na lang sa
mga ritwal na kaakibat nito bilang pagtalima sa aking pananampalataya.
Ito ay dulot ng malawakang materyalismo na mula pa noong panahon
ng mga lolo at lola natin ay unti-unti nang humubog sa isipan
ng bawat isa.
Pero bakit
nga ba Krisis-Mas samantalang ang dapat nating inaalala ay ang
pisikal na pagdating ng Dakilang Tagapagligtas nating si Hesukristo?
Hindi ko lang
mawari pero sa isang banda ay wala akong pinag-iba kay Mr. Scrooge,
ang karakter-piksyunal na kilala bilang isang tao na galit na
galit sa mundo tuwing sumasapit ang Pasko (Bah Humbug!). Paano
kasi, nararamdaman ko na parati akong out-of-place dito, di tulad
noong ako'y mas bata pa.
Isa ako sa
nakararami na wala pang pirmihang hanapbuhay upang suportahan
ang sarili at ang pamilya. At sa edad kong 22, hindi ko rin maisip
na kung tapos lang ako sa pag-aaral ay isa na ako sa mga masuswerteng
kumikita ng para sa kanilang sarili at hindi na palamunin ng mga
magulang.
Ngunit, hindi, eh. Sa halip ay naiingit pa nga ako sa mga sing-edad
ko (o mga mas bata pa sa akin) na tapos na sa kani-kanilang mga
pag-aaral at bagkus ay kumikita na para sa kani-kanilang mga sarili,
na dulot nito ay makakapamili na ng kung anu-ano para sa Pasko
at makakapamigay na rin ng regalo para sa kani-kanilang mga mahal
sa buhay.
Pero hindi
lang ito ang saloobin ko sa kung bakit wala akong kakayanan na
sumabay sa materyalismo na kaakibat tuwing Pasko. Isa pa, nakakawala
na ng praktikalidad na sumakay sa agos ng pagdiriwang nito kung
wala kang pera o kung naghihikahos ka kaya wala itong pinag-iba
sa mga taong hindi naniniwala sa Pasko. Dahilan sa materyalismo,
nakaligtaan na natin ang tunay na diwa ng Pasko--ang pagmamahalan,
kapayapaan, pagkakaisa at magandang pakikitungo sa kapwa.
Paano ba magkakaroon
ng saysay ang Pasko sa atin kung napakaraming mga mamamayan ang
hindi napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang pangangailangan
nila, mula sa payak na pabahay at pang-araw-araw na gugulin? Paano
kaya sasaya ang Pasko ng mga manggagawa na hanggang ngayon ay
patuloy na ginigiit ang P125 across-the-board na na dagdag-sahod,
at mga biktima ng mga pananakot ng militar sa kanayunan? Paano
na rin ba ang kinabukasan ng mga Pilipino na naghihirap ngayon
dahilan sa mga maling polisiyang pang-ekonomiya na pinapatupad
mula pa noong panahon ng diktadurya? Ilan lang iyan sa mga katanungan
na namumuo sa aking isipan na tila baga nagpapatotoo na nakakawalang-gana
sa isang banda ang pagdiriwang natin ng Pasko dahil sa mga ito.
Kung sabagay
ay hindi nga naman dapat isipin ang Pasko sa pamamagitan ng pang-materyalistikong
pamamaraan, kundi sa pamamagitan ng totoong pagsasabuhay ng diwa
nito, na kailanman ay hindi matutumbasan ng anupamang regalo o
pera o anupaman. At kahit pa krisis pa rin sa personal na lagay
kong ito, hindi ko pa rin kalilimutan ang tunay na esensya nito
-- na sa kabila ng lahat ng mga problemang pinagdaanan ko ay mayroon
pa ring dahilan upang magpasalamat sa Panginoon.
Kaya, may
krisis man o wala, Maligayang Pasko at Masaganang Bagong taon
ang aking taos sa pusong pagbati!
==============
Si Rey Refran, isang netaktibista, ay dating news editor ng Ang
Tagamasid ng UP Manila. Maaari ninyong ibalik ang kanyang Pamaskong
pagbati sa reybelde[at]tinig[dot]com
|