|
TULA
Misteryo
Ni Vladimeir B. Gonzales
Tulad ng kabibeng binabahayan
ng malibog na dagat,
tulad ng estrelyang humahalakhak
sa natutulog na ulap,
tulad ng hanging nanunuot
sa katawan ng tao,
tulad ng ugat na nanghihipo
sa lupang inaararo,
naghihintay ako-
sa muling paglalaban
ng liwanag at dilim,
sa lindol na gumigising
sa umiidlip na lagim,
sa ipo-ipong nagwawalis
sa mundong makalat,
sa balat na pinasarap
ng tubig-alat.
Naghihintay ako-
ikaw,
tayo,
oo.
============
Si
Vladimeir ay kaibigang matalik ni Langit na Marikit, isang mahusay
na manunulat na ngayoy nag-aalaga ng bata sa ibang bansa.
|