Sa
Likod ng Kamera
Ni Arianne Angela Solis
ANG BUHAY
ay parang pelikula.
Napabalikwas
ako sa aking higaan nang pumasok ang mga katagang ito sa aking
isipan. Tumagos sa aking bintana ang nakasisilaw na sinag ng araw.
Sabado nga pala, walang pasok.
Sa pagtulong
ko sa aking nanay at tatay sa gawaing bahay ay hindi mawala sa
isipan ko na ang buhay ay parang pelikula. Bat ko nga ba
naisip 'yun? Saka ko lang naalala na may nangyari nga pala kinagabihan--isang
pangyayari na hindi ko kailanman makakalimutan.
May party
kasi nun sa amin, bisita ng mga magulang ko ang ilang kaibigan
at pati na rin mga kaibigan ko sa paaralan. Habang kaming sampu
ay kumakain, napadaan ang aming usapan sa aming buhay. Yung bahaging
hindi napag-uusapan sa eskuwela; hindi nabibigyang pansin, hindi
binibigyan ng importansiya.
Napagpasyahan
naming pag-usapan ang lahat sa kuwarto ko. Walong babae at dalawang
lalaki kaming naroroon. Nakapatay ang ilaw at sa saliw ng kanta
ni Enya dun sa Sweet November, nagsalaysay ang bawat isa sa amin.
Para nga akong
nasa pelikula ng mga sandaling iyon. Bawat isa sa amin ay naglabas
ng hinanakit sa kaibigan, sa kapwa, sa sarili. Akala ko noon sa
radyo, telebisyon, at aklat ko lang mababasa, mapapanood, at mapapakinggan
ang ganoong uri ng eksena. Subalit nagkamali ako.
Madilim ang
silid. Pero sa kabila ng pisikal na kadiliman niyon ay unti-unti
akong naliwanagan sa mga karanasang ikinuwento nila. Doon ko naintindihan
kung bakit ang isa sa amin ay maingay, kung bakit may grade conscious,
may suplado at prangka, may tahimik, may matalinghaga magsalita
at may nag-aaral ng mabuti para maging scholar: Dahil may kani-kaniya
silang dahilan.
Sa loob ng
isang oras ay may nalaman ako. Ang buhay ay para ring pelikula,
tuloy-tuloy ang eksena kung pag-iigihan mo; pero kailangan mo
ding sumigaw ng CUT! kung may dapat ayusin. Puwede
ka ring mag-retouch, basahing muli ang script. Puwede ding mag-ad
lib basta alam mong para ito sa ikagaganda ng pelikula. Ngunit
sa kabilang banda, hindi gaya ng pelikula, ang totoong buhya ay
hindi pwedeng i-rewind. Dito, kailangang magtuloy-tuloy ka.
Nagpaalam
sila sa akin at sa aking mga magulang nang nakangiti sa kabila
ng namumugtong mga mata. Masaya ako kasi nabigyan ako ng pagkakataong
makilala sila, hindi sa kung ano lang sila kapag nakikita ko,
kung hindi kung ano sila sa likod ng kamera ng buhay.
===============
Sa mga nangyari kay Arianne Angela nitong mga nakaraang linggo
ito, nailabas niya ang mga saloobin niya sa buhay.
|