|
Ang Coco Levy
at ang mga Kuwarta-Kuwartahan ng Aking Lolo at Lola
Ni Ederic Peñaflor Eder
NOONG MALIIT
pa ako, tuwang-tuwa ako sa tila mga kuwarta-kuwartahang papel
na pinakaiingatan nina Tatay Andoy at Nanay Diding. Maingat na
itinatago ng aking lolo at lola sa aming baul ang mga piraso ng
papel na iyon, ayon sa kanila ay magiging pera pagdating ng panahon.
Ah, kaya siguro may mga numero--iyon ang nagsasabi kung magkano
ang pera-perahan.
Dahil malikot, kapag may pagkakataon ay binubulatlat ko ang mga papel na iyon, na kung hindi ako nagkakamali ay mayroon ding iba't ibang kulay.
Nitong malaki na ako, naunawaan ko nang ang mga pera-perahan palang
iyon ay resibo ng buwis na ibinayad ng aking lolo at lola mula
sa kinikita nila noon sa paggawa ng lukad o copra.
Mahaba at matrabahong proseso ang paggawa ng lukad. Sa amin sa Santa Cruz, Marinduque, ang tawag sa nanunungkit ng niyog mula sa puno ay
nangangawit. Balunas naman ang tawag sa pagbabalat nito. Medyo
marunong ako ng konti ng pagbalunas ng niyog, pero takot akong
magbasag nito dahil baka mabasag din ang kamay ko. (Hindi rin
ako marunong umakyat sa puno ng niyog dahil takot akong mahulog.)
Kapag nabasag nang isa-isa, isasalansan sa tapahan upang lutuin
ang niyog. May ilang oras itong niluluto pagkatapos ay pinalalamig.
Matapos tikalin, o ihiwalay ang bao sa laman, tinatadtad at inilalagay
sa mga sako upang ipatimbang at ibenta sa copra dealer.
Bukod sa pangingisda at pagsasaka, paglulukad ang ipinambuhay ng lolo at lola ko noon sa kanilang pamilya. Bagamat dumalang na nang dumalang ang kanilang paglulukad--ngayong huli ay iba na ang pinagtatrabaho ni Nanay
sa maliit naming niyugan--alam ko kung gaano kahalaga ang gawaing
ito sa aming pamilya noon.
Tatlong taon
na ang lumipas, pumanaw si Tatay Andoy nang hindi nakitang
naging pera--o kahit man lamang nakitang pinakinabangan ng mga
magniniyog--ang mga makulay na resibong noo'y pinanggigigilan
kong gawing laruang pera. Umalis siyang hindi naunawaan kung bakit
matapos kuning paunti-unti sa kanila ang bahagi ng kanilang maliit
na kita, lomobo naman ang yaman ng iilan, kabilang ang mga pinuno
nila sa Cocofed.
Ngayong may magandang paunang hakbang na ginawa ang Korte Suprema sa isyung
ito, huwag sanang mangimi ang pamahalaang Gloria Macapagal-Arroyo
na sundan pa ang panimulang ito ng iba pang pagkilos na maghahatid
ng hustisya sa mga magniniyog. Sana hindi niya palusutin ang mga
may dapat panagutan, huwag siyang matakot na magkaroon ng malaking
kalaban sa 2004 upang maisulong ang tunay na interes ng mga magniniyog. Sana'y parusahan, hindi parangalan ang nanggamit noon at nanggagamit ngayon, sa mga maliliit na magniniyog.
Kung di man
lang para sa mga gaya ni Tatay Andoy na namatay na pinagkaitan
ng pangako ng coco levy--at sa iba pang mga matatandang nabubuhay
at umaasa pa rin, para man lang sana sa amin, kaming mga anak
at apo ng mga magniniyog.
Dahil kung
tutuusin, mas may utang na loob si Ate Glo sa amin kaysa kay Danding. Habang ang huli ay kakuntsaba pa ng noo'y nasa Malacañang,
kaming mga anak at apo sa lungsod ng mga magsasaka't magniniyog
ay nag-iingay na sa kalsada. Ang pag-iingay na iyon, kung susumahin,
ang sa huli'y nakatulong maghatid kay Ate Glo sa puwesto niya
ngayon.
==============
Sa
kanyang pagbabakasyon sa Marinduque ngayong Pasko, muling hahanguin
ni Ederic ang kanilang baul upang tingnan ang mga makukulay na kuwarta-kuwartahan. |