v8.0
Nobyembre 30, 2001
Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Bookmark Us

Click Here!

Anong Uring Utak?
Ni Alexander Martin Remollino

DI NA mabilang ang mga pelikulang nagawa tungkol sa mga pulis at sundalo ng Estados Unidos, pati na sa mga ahente ng kanilang Federal Bureau of Investigation (FBI) at Central Intelligence Agency (CIA). Di rin natin alam kung ang karamihan sa mga pelikulang ito’y pinondohan ng FBI, CIA, at ng pulisya at mga hukbong sandatahan ng Estados Unidos.

Ngunit alam ng sinumang mahilig manood ng sine na ang karamihan sa mga pelikulang ito’y di lamang pumupuri kundi nagbibigay-luwalhati sa mga awtoridad sa Estados Unidos. Ang sinumang manonood na walang kakayahang di maniwala ay mag-aakalang ang mga awtoridad sa Estados Unidos ay mga Einstein ng pagpupulis, siyensiya militar at pag-eespiya.

Ngunit kamakailan lamang ay may mga nangyaring nagpapabulaan sa sinasabi ng gayong mga pelikula.

Ilang linggo matapos ang pagpapasabog sa World Trade Center at sa Pentagon, ang FBI ay nagpadala ng isang special agent upang pangasiwaan ang pagmamanman sa pagkilos ng mga terorista rito. Akalain ba ninyong ang ahenteng ito ng FBI ay nanakawan ng mahahalagang dokumentong kasama ng kanyang pansariling mga ari-arian! At alam ba ninyo kung anong armas ang ginamit ng magnanakaw? Isang patalim. Hindi armalite, hindi uzi, hindi submachine gun--isang patalim lamang.

Maikakatwirang ito’y isang pambihirang pangyayari lamang, o yaong tinatawag sa Ingles na isolated incident. Subalit ito’y sinundan pa ng isang higit na katawa-tawang pangyayari.

Bago pangunahan ng Estados Unidos ang pagbomba sa Afghanistan, makailan nitong pinilit ang pamahalaang Taliban na isuko si Osama bin Laden, na umano’y siyang may pakana ng mga pagpapasabog sa New York City at sa Washington, DC noong Setyembre 11. Matigas ang pagtanggi ng Taliban sa pamimilit ng Estados Unidos, pagkat wala pa raw ipinakikitang katibayan ang huli laban kay bin Laden. Ang sagot ng Estados Unidos? Hindi na raw nila kailangan ng katibayan laban kay bin Laden sapagkat napatunayan nang siya ang may pakana ng unang pagpapasabog sa World Trade Center may ilang taon na ang nakalilipas.

Napakagagaling ng mga awtoridad sa Estados Unidos, hindi ba?

Unang-una, si bin Laden ay isang negosyanteng kumprador. Ibig sabihin, ang kanyang mga negosyo’y kasanib ng puhunang banyaga sa bayan niya. May prangkisa siya sa maraming korporasyong multinasyunal, tulad ng Snapple at Volkswagen. Ano ang maaari niyang ikagalit, kung gayon, sa World Trade Center, gayong gumagalaw roon ang marami sa kanyang mga kumpanyang pinagpaprangkisahan? Ang Pentagon pa’y maaari niyang ipabomba. Ngunit ang World Trade Center?

Ikalawa, ipagpalagay na nating totoong si bin Laden ang unang nagpabomba sa World Trade Center. Kung ikaw ang pumatay kay Pedro kamakalawa, ikaw na rin ba ang pumatay kay Juan kahapon? Paano kung hindi lang ikaw ang may nasang pumatay kay Juan?

Ang ating kagalang-galang na Pangulo’y nangako kamakailan na siya’y magpapadala ng mga tropa, kung kakailanganin, upang tumulong sa mga puwersa ng Estados Unidos. May sapat pa siyang panahon upang isipin kung saan tayo maaaring dalhin ng pakikihalo sa digmaan ng isang bayan kung saan ang mga awtoridad ay pagkatatalino.

 

Si Alex ay isang freelance manuscript editor. Nakalahok na siya sa maraming pagkilos na nagsulong ng sari-saring mga usaping panlipunan, pati na sa makasaysayang People Power II.


Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved

E-mail us to contribute articles, pictures or art works for the next issue of Tinig.com


MULA SA PATNUGOT
Pugad ng Luha at Dalita

KUWENTONG PEOPLE POWER 2
Liham ng Tagumpay
Ni Ederic Eder

There in Edsa
By Noel Pascual

MAIKLING KWENTO
Ang Pagiging Iba
Ni Vladimeir B. Gonzales

NEWS FEATURE
ROTC Issue: Students Set to Resume Sunday Walkouts
By Alfred A. Araya, Jr.