v8.0
Nobyembre 30, 2001
Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Bookmark Us

Click Here!

MULA SA PATNUGOT
Pugad ng Luha at Dalita

"Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko't dalita
Ang aking adhika
Makita kang sakdal laya!"

--Jose Corazon de Jesus
Bayan Ko

LUMUHA ANG bayan sa pagkakapaslang kay Nida Blanca at lalong humihina ang kredibilidad ng mga awtoridad sa kabiguang lutasin ito at ang iba pang mga krimen. Dumagdag ang mga umano'y tauhan ni Nur Misuari sa gulong dulot ng bandidong Abu Sayyaf sa Mindanao. Nakisawsaw pa ang gobyernong Pilipinas sa giyera ng Estados Unidos.

Mabuhay pa rin ang pamahalaang Arroyo at inuulan ng bintang at kontrobersiya habang patuloy itong nagpapatirapa sa among Kano at naghahanda para sa susunod na pambansang eleksyon.

Samantala, lublob pa rin sa hirap ang nakararami. Batbat nga ng luha at dalita ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Naitatanong tuloy natin: "Ito ba ang Pilipinas na iniisip natin noong lumahok tayo sa People Power 2?" Malutong na hindi ang sagot!

Bakit nga ba nagkaganito? Nalimutan na kaya ang mga laban ng People Power 1 at 2? Kalayaan at demokrasya, kapangyarihan ng sambayanan, katotohanan at katarungan, tapat at malinis na gobyerno. Nasaan na ang mga ito?

Siguro'y makatutulong kung tayo mismong nag-alsa sa People Power 2 ay magbabalik-tanaw. Pinakabagong regular na seksyon ng Tinig.com ang mga Kwentong People Power 2. Alalahanin natin ang pakikibaka upang maiwasan ang paglimot. Baka sakaling sa ating pag-aalala, may maalala rin ang mga nasa gobyernong ating iniluklok kapalit ng adminstrasyong ating isinuka. Baka sakaling matauhan ang kasalukuyang pamunuan at maalala nito kung bakit ito nasa kinalalagyan niya ngayon.

Sa mga ganitong pagkakataon, talagang maghahanap ka ng mga tunay na pinuno, ng mga tunay na bayani.

Sa kanyang kaarawan, gunitain natin ang buhay ni Supremong Andres Bonifacio. Masakit isipin, ngunit ang pagtataksil ng mga ilustrado sa Supremo at sa Himagsikan ay siyang nagbadya ng walang patid na siklo ng pagtataksil sa masang Pilipino ng mga elitistang humahawak ng pamunuan. Ngunit nakakapagbigay naman ng di-matatawarang inspirasyon at direksyon ang lubos na pagmamahal sa bayan ni Supremong Andres, ang tunay na huwarang pinuno..

Mahalaga ring makilala natin ang mga tulad ni Renato Constantino, na ang pagkamakabayan ay patuloy na dumadaloy sa bawat kaisipang hinuhubog ng kanyang halimbawa at panulat. Isinalaysay niya ang kasaysayan mula sa punto de vista ng masa, na bagamat siyang pumapanday ng kasaysayan, ay naiiwan kadalasan. Tinahak niya ang landas ng isang tunay na mandirigma para sa kalayaan. Ang mga tulad niya ay tunay at tapat sa aral ng kasaysayan.

Sa usapin ng katapatan, ilang artikulo sa isyung ito ang tumatalakay sa usapin ng kabanalan, pagpapakabanal at pagiging totoo sa sarili--kabilang sa pagpapakatotoo ang kakayahang tanggapin ang pagiging iba.

Samantala kasama ang Plunder Watch, patuloy nating subaybayan ang paglilitis kay Erap. Di ba't ngangako tayo noon na ihahatid siya sa pinto ng bilangguan?

Ang mga ito at ilan pang mga paksa ang hatid ng Tinig.com sa isyung ito. Sana'y palagi namin kayong makasama.

Nais namin kayong marinig. Sulatan sana ninyo kami.

Salamat,

Ederic P. Eder
Patnugot
Tinig.com

P.S. Siyangapala, talagang nakakaapekto sa kaayusan ang pumapalpak at nagmamarakulyong na mga pagod na mga computers at naglolokong Internet connection.


Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved

E-mail us to contribute articles, pictures or art works for the next issue of Tinig.com


MULA SA PATNUGOT
Pugad ng Luha at Dalita

KUWENTONG PEOPLE POWER 2
Liham ng Tagumpay
Ni Ederic Eder

There in Edsa
By Noel Pascual

MAIKLING KWENTO
Ang Pagiging Iba
Ni Vladimeir B. Gonzales

NEWS FEATURE
ROTC Issue: Students Set to Resume Sunday Walkouts
By Alfred A. Araya, Jr.