Ang
Pagiging Iba
Ni
Vladimeir B. Gonzales
Oktubre 15,
2001
DEAR ATE Charo,
Itago mo na
lang ako sa pangalang Luzviminda Jones. Ako ay nag-asawa sa murang
edad na isang-daan at limampu, at nabiyuda naman pagkalipas ng
dalawang-daang taon dahil namatay ang aking asawa sa sakit na
emphysema (siguro'y bunga ito ng sobrang pananabako).
Masuwerte
po ako't nabiyayaan kami ng Hari ng Kadiliman ng isang malusog
na halimaw bago pumanaw ang aking asawa. Umalis kami ng aking
anak sa punong Balite na aming tinitirahan at lumipat sa isang
malapit na bayan kung saan maraming mga babaeng buntis at mga
batang malalambot ang buto't laman. Dito rin nakatira ang ilan
kong kamag-anak, kasama na ang pinsan kong si Lucifera. Mayroon
din siyang isang anak, at sila ang magiging laman ng aking liham.
Isang gabing
bilog ang buwan, habang abala ako sa pagdukot ng atay at puso
ng aking meryenda, narinig ko ang aking pinsang si Lucifera na
nanggagalaiti sa kanyang anak. Pinagsasabihan niya ito dahil sa
ang bata ay hindi marunong kumain ng laman-loob ng tao; tanging
malunggay at ampalaya lang ang hinahanap niya. Lubha akong naawa
sa bata lalo na nang magsimulang bumuga ng apoy ang aking pinsan.
Dahil sa lubha akong naapektuhan sa nakita kong eksena, hindi
ko napigilang lumapit sa kanila. Sinunggaban ko sila ng aking
apat na kamay at lumipad kami sa isang di-kalayuang burol.
Tinanong
ko ang aking pinsan kung bakit niya binubugahan ng apoy ang kanyang
anak. Heto po ang kanyang tugon:
"Tarantado
kasi ang batang iyan! Imbes na tao ang kainin ay gulay ang hinahanap!
Nakakahiya! Ano na lang ang sasabihin ng aking mga ka-impiyerno,
na ang aking anak ay normal? Hindi ko mapapayagang masira ang
aming dangal dahil sa kanyang kakaibang pagkilos!"
Nalungkot
ako sa sinabi ng aking pinsan. Hindi ko akalaing may mga magulang
palang katulad niya-mga nilalang na pinupuwersa ang kanilang mga
anak na sumunod sa kanilang mga nais para lang mapanatili ang
magandang pangalan ng pamilya. Napaluha ako. Hinawakan ko ang
galamay ng aking pinsan, tumitig sa kanyang limang mata at taimtim
na bumigkas, "Ngunit sadyang may mga nilalang na naiiba,
aking pinsan! Hindi sa lahat ng oras ay mapasusunod natin ang
ating mga anak sa ating inaakalang tama. Hindi porke ayaw kumain
ng tao, hindi bumubuga ng apoy, hindi lumilipad, kumakapit sa
pader, o nagiging mga mababangis na hayop ang ating mga kasama'y
mangangahulugang sila'y may pagkukulang."
Hindi ko
kaagad nakumbinsi ang aking pinsan. Lalo pa nga siyang nainis
sa akin dahil sa sinabi ko. Tumindig siya't nagwikang "ngunit
bilang mga magulang ng mga kampon ng kadiliman, kailangang tuwirin
natin ang mga pagkukulang ng ating mga anak. Kailangang sirain
natin ang mga limitasyon na sumisira sa kanilang pagiging halimaw!"
"Hindi
kailangang sirain ang kanilang mga limitasyon, pinsan," yun
po ang aking sinabi, "kung sisirain natin ang kanilang limitasyon
ay posibleng masira rin ang kanilang buong pagka-halimaw! Mas
makaiigi kung tuturuan natin ang ating mga anak na gamitin ang
kanilang limitasyon upang maging mga produktibong anak ng dilim
ang mga ito."
Ginawa ko
pong halimbawa ang aking anak. Ganito po ang aking pagpapaliwanag:
"Tingnan mo ang aking anak, wala siyang pakpak. Hirap na
hirap siyang mandagit ng pagkain. Madalas nga'y pinagtatawanan
siya ng kanyang mga kamag-aral dahil sa kanyang kakulangan at
kung minsan nga'y umuuwi pa nang luhaan at may hawak na ulo ng
kaklase dahil sa panunukso ng mga ito sa eskuwela. Kaya nga pinagsabihan
ko siya na gamitin niya ang kanyang pagiging iba at hanapin ang
kanyang lakas mula rito. Tinuruan ko ang aking anak na maging
masaya sa pagiging siya. Simula noon, natuto ang aking anak na
gamitin ang kanyang mga lakas at paibabawan ang kanyang mga pagkukulang.
Nagsanay siya sa paggamit ng kanyang sungay at pagpapabilis ng
kanyang walong paa para sa panghuhuli ng tao. Naging masaya siya
sa kanyang pagiging iba at nakuntento siya sa kanyang sarili."
Natauhan
ang aking pinsan, ngunit naguluhan rin siya sa aking sinabi.
"Ngunit
paano ko matatanggap ang pagiging iba ng aking anak? Parang napakahirap.
Parang hindi ko makakayanan ang pangungutya ng mga taga-ibang
dimensiyon. Hindi ko yata kaya."
Sa puntong
iyon, nagbigay ako ng isang heartwarming at nakaiiyak na reaksiyon.
"Pero tandaan mo, ikaw ang magulang ng anak mo. Kapamilya.
Dugo ng iyong dugo. Laman ng iyong laman. Sino pa ba ang dapat
na makaintindi sa kanilang mga anak kundi ang mga magulang na
siyang pinakainaasahan nila! Walang kuwenta ang sinasabi ng iba
kapag ang pamilya ang sumoporta sa mga kasapi nito."
Napaluha
ang aking pinsan. Naintindihan niya ang esensiya ng pagiging iba.
Magkakaroon sana kami ng isang nakaaantig na group hug kung hindi
kami naabutan ng pagsikat ng araw. Nasunog kaming lahat at bumalik
sa impiyerno kung saan lumalangoy kami ngayon sa dagat-dagatang
apoy. Bagaman masakit sa katawan ang mga paso, masaya pa rin ang
aking pinsan at ang kanyang anak dahil sa natanggap na ng aking
pinsan ang kakulangan ng supling nito.
Naglalapnos,
Luzviminda Jones
|