TULA
42,547 na Bilog*
Ni Beverly Siy
Isa akong
bilog.
Pero rito sa Land of the Rising Sun
mas kilala ako sa pangalang "O".
Oo,
isa akong Japayuking overstaying.
Prinsesa ako
ng karaoke,
pero utusan pa rin ng mga sakang na prinsipe.
Totoong kasingganda
ko ang kita rito.
Bawat oras ay tumataginting na yen.
Bawat yen ay matamlay na piso.
Bawat piso ay bigas, tubig, bahay at libro.
Alam n'yo
maski talentado
ang isang entertainer (na tulad ko),
maski magaling kumanta,
maindayog sumayaw
mahusay chumika
ay hanggang tatlong buwan lang ang visa.
Pagkatapos,
kinakailangan uling pumila
para ma-extend ng tatlo pang buwan ang kontrata.
Hay naku,
sa dami ng umaasa sa aking padala
kulang ang anim na buwang pambobola.
Kaya't pagsapit
ng visa expiration,
dalawa lang ang solusyon:
mag-TNT
o maghanap ng jowang Hapon.
Oo,
uso rito ang mag-alok ng alindog
para hindi mahati sa dalawa ang tulad kong bilog.
*bilang ng mga overstaying na entertainers sa Japan
taong 1996.
Antuking makata si Bebang na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi
sa pagkuha ng kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Peyups. Fourth
year na siya (sa wakas!). Sa kasamaang palad, naging guro niya
sa pagsulat ng tula si G. Vim "choco choco vim" Nadera.
|