|
MAIKLING
KWENTO

Larawan: Kuha ni Roberta Karla Maquiling, Disenyo sa Photoshop
ni Ederic Eder
NAGSISIMULA
PA lamang pumatak ang ulan nang pumarada ang sasakyan ni Paula
sa harap ng kapilya. Ngayon ko nga lang iyon nakita, e. Nasunod
na rin pala ang gusto niyang kulay ng kotse. Purple. Sabi
ko sa kanya noon, huwag na lang iyon ang piliin niyang kulay.
Ang lungkut-lungkot kasing tingnan. Sabi ko, mas maganda kung
dilaw o kaya'y orange para bukod sa kakaiba, malayo pa
lang ay kitang-kita ko na. Malabo pa naman ang mga mata ko. Pero
gaya nang dati, siya pa rin ang nasunod. Kung sabagay, pareho
lang naman kaming matigas ang ulo at ayaw na pinagbabawalan. Unpredictable
rin daw kami, sabi ng mga kaibigan namin. Gaya ngayon, kahit na
lumalakas na ang ulan ay nagpunta pa rin si Paula dito. Hindi
talaga ako kayang tiisin ng pinakamatalik kong kaibigan.
Medyo matagal-tagal
ko na ring hindi nakakasama si Paula. Kung hindi ako nagkakamali,
huli kaming nagkita noong manood kami ng sine sa SM. City of
Angels pa nga iyon, e. Alam mo ba `yon, `yung tungkol sa anghel
na na-inlab sa isang tao kaya hiniling niyang maging tao rin siya
para magkasama sila; `yun nga lang ay namatay naman `yung babae.
Kung minsan talaga ay nakapagtataka ang mga pangyayari, ano? Nakatatawang
nakaiinis dahil kahit anong pagpupumilit ng tao na makamit ang
nais niya sa buhay, wala pa ring kahihinatnan ang pagod niya.
Kadalasan pa nga ay nagmimistula pa siyang papet na nakakikilos
lamang sa pamamagitan ng taling pinagagalaw ng kamay ng kahit
na sinong may hawak nito. Marahil ay ganito ang nangyari sa kuwento
ng anghel at babae. Nang tila ay nagsasawa na ang may hawak ng
pisi sa kanilang dalawa ay pinaglapit na sila. Kung hindi ba naman
isang kalokohan iyon: pinaglapit ang dalawang nilalang, pinilit
na pagsamahin upang muli lamang paglayuin at paghiwalayin. Ang
sabi naman ni Paula, mayroon daw dahilan ang diyos kung bakit
kailangang magkaganoon ang buhay ng isang tao. Hmmm. Ganyang-ganyan
din ang sabi sa akin ng mommy ko nang malaman namin ang
prognosis ni Dr. Abad mga tatlong buwan na ang nakalilipas.
Siguro nga ay sadyang matigas lang ang ulo ko dahil kung pinakinggan
ko na lang ang mga sinabi nina Mommy at Paula ay baka hindi ko
na kailangan pang magtanong ngayon.
Alam nga kaya
ng diyos na hindi natutuwa ang mga tao sa mga pinaggagagawa niya?
Teka, masyado naman yata ako. Baka naman imahinasyon lang talaga
na nandiyan nga siya. Hindi ko naman masisisi ang mga taong nagpupumilit
maniwala na kagustuhan niyang lahat ang mga nangyayari sa mga
tao: masakit man o hindi. Sa panahon ngayon, ito na lang ang pinakamadaling
gawin ng isang tao: ang maniwala at magtiwala sa isang kapangyarihang
nakahihigit sa kanya. Pero hindi ko pa rin ito matanggap.
Teka, ikinukuwento
ko nga pala ang nangyari sa amin ni Paula nang manood kami ng
sine. Pagkatapos naming manood ay niyaya ako ni Paula na bumili
ng kandila para sa koleksyon niya. Kaya lang, hindi na kami natuloy
dahil sumakit na naman `yung ulo ko. At saka isinuka ko `yung
popcorn at potato chips na kinain ko sa sinehan.
Nakakaawa nga si Paula, e, kasi tarantang-taranta siya at hindi
malaman ang gagawin. Mabuti na lang ay nakaya ko pang pumunta
sa parking lot bago ako tuluyang bumigay. Oo nga pala, `yung pink
niyang kotse ang dala niya noon.
Aba, ang daldal
ko kasi. Hindi ko tuloy napansin na dumating na rin pala ang iba
ko pang mga kaibigan. Sila raw ang makabagong bersyon ng Dead
Poets Society; gaya ko ay nagsusulat din sila sa Gazette.
Lumapit sila kay Paula na nakaupo katabi ng mommy ko. Sana
naman ay ngumiti sila kahit na kaunti. Aba, ako yata ang dahilan
kung bakit sila narito ngayon.
Teka, nasaan
kaya si daddy?
Ayun, inaayos
niya `yung microphone sa stand. Wow, kakanta nga
pala ang kaklase kong si Ria. Kabilin-bilinan ko kasi sa kanya
na huwag siyang pupunta dito kung hindi niya kakantahin `yung
paborito kong kanta ni Matt Monro; `yun bang Softly as I leave
you. Ang baduy ko no? Madalas nga akong kantiyawan ng barkada
pag pinapakanta ko iyon kay Ria, e. Teka, nasaan na nga ba si
Ria? Bakit ba kung saan-saan sila nagpupunta? Lakad ng lakad.
Palipat-lipat ng upuan.
Sabi ko na
nga ba, e. Magkasama si Ria at Frankie. Talagang ganyan iyang
dalawang iyan. Sabi ko nga noon, hindi na kailangan pa ng kasal
para tawagin silang mag-asawa. Gaya ngayon, hinihimas-himas ni
Frankie ang likod ni Ria habang panay ang singhot nito sa panyo
niya.
"Make
Jana proud of you, honey." Narinig kong sabi ni Frankie
kay Ria. Tumango naman si Ria bago sumingang muli sa panyo niya.
Naku, proud naman talaga ako kay Ria, e. Ang ganda-ganda talaga
ng boses niya at ang husay pang tumugtog ng piyano.
Saan kaya
nanggaling ang mga lata ng broas na `yon? Parang ginugutom tuloy
ako, a. Ang sarap sigurong saluhan ang mga kaibigan ko sa pagkain
nila ng mga manamis-namis na biskwit na `yon. Ayan na si Trisha
at may dala-dalang trey na puno ng mga tasa ng mainit na kape.
Umuulan pa naman ngayon at masarap ang humigop ng kapeng itinimpla
ni Trisha; kabisadong-kabisado niya ang lasang gusto ko. Si Trisha.
Kanina pa siya kilos ng kilos. Siguro ay pagod na rin siya. Dalawang
gabing magkasunod na siyang hindi nakakatulog nang maayos. Kahit
hindi niya aminin, alam kong nami-miss niya akong katabi
sa pagtulog. Sa dorm kasi, kahit na may sarili siyang kama
ay sa `kin pa rin siya tumatabi.
Si Trisha.
Ako ang nagpakilala sa kanya kay Pablo Neruda at Sylvia Plath.
Ako rin ang parating nagpapaalala sa kanya na ang buwan ay nagpapahinga
rin
napapagod din. Bilib nga ako sa kanya dahil kahit na
microbiology ang kurso niya, gandang-ganda pa rin siya
sa mga kuwento nina Dubus at Swift. Kung minsan nga ay pinagseselosan
ko pa pati si Rilke. Sayang at hindi ko na mababasa ang mga kuwentong
isusulat ni Trisha. Pero hindi bale, nangako naman siya sa akin
na lagi akong magkakaroon ng papel sa mga akda niya. Kahit hindi
ako ang bida, masaya na rin ako. Kahit papaano ay mabubuhay ako
sa pagitan ng mga pahina ng mga kuwentong isusulat niya. At isa
pa, alam kong nasa isip at puso niya ang minsang sinabi ni Rilke:
na ang dalawang taong nag-iibigan ay nakatingin sa iisang abot-tanaw.
Ang lakas
ng ulan, a. May bagyo siguro. Aakalain mo tuloy na hatinggabi
na gayong alas-tres pa lang ng hapon. Tuloy, parang gustong maligo
ni Mico sa ulan. Teka, Biyernes ngayon, a. Tsk, tsk. Hindi na
naman uli pumasok si Mico. Alam naman niyang hindi ko siya maihahatid
sa school, e. Honor student pa naman iyang kapatid
ko. Mana sa ate, siyempre. Prep pa lang pero mukhang hahakot na
siya ng medalya sa graduation. Pag nagkaganon, alam kong
magtatampo siya sa akin dahil hindi ko na mabibili `yung pangako
kong roller blades sa kanya. Bahala na sila mommy
at daddy sa paliwanag. Kung hindi, si yaya ang tiyak na
kukulitin ni Mico sa katatanong tungkol sa akin. Sayang, dalawa
sana kaming magma-martsa sa Marso.
Hay, sa wakas
at magsisimula na sila. Nagsawa na rin siguro sa kakakuwentuhan
maghapon. Nakakatawa nga ang mga ayos nila. Pare-pareho silang
namumula ang mga ilong. Si Paula ay naka-shades pa, ayaw
siguro niyang may makakita ng kumalat niyang mascara. Ang
magkasintahang si Ria at Frankie ay kasama ng iba pang mga kaibigan
namin. Lahat sila ay pawang tahimik at tila may malalim na iniisip.
Kahit na ang ilaw ng mga kandilang hawak nila ay hindi magawang
bigyang liwanag ang kanilang malulungkot na mga mukha.
Si Trisha--
"Dirge
Without Music by Edna St. Vincent Millay
" Hmmm.
Alam na alam talaga ni Trisha ang paborito kong tula. Pero,
Trisha, huwag mo munang basahin iyan. Trisha! Hindi niya ako
marinig dahil sa lakas ng buhos ng ulan at mga bulung-bulungan.
Maya-maya na sana basahin ni Trisha `yung tula. At saka, huwag
naman sana siyang umiyak. Kitang-kita ko na ang mga animo'y hamog
na babagsak mula sa langit ng kanyang mga mata. Nababakas sa hapis
niyang mukha ang isang unos na maya-maya lamang ay tuluyan nang
bubuhos.
Huling
kahilingan ko na ito, Trish. Maya-maya mo na basahin iyan. Ayoko
pa---
"I
am not resigned to the shutting away of loving hearts in the hard
ground
"
Kidlat ang
animo'y tumama sa maamong mga mata ni Trisha, matalim at mahapding
kidlat na sinusundan ng kulog na bumabasag sa kanyang tinig.
Trisha,
please naman, o. Pagbigyan mo na ako. Ikukuwento ko pa `yung una
nating pagkakakilala sa opisina ng Gazette at saka nu'ng nagsumbong
ang kasera ng dorm sa Mommy ko na tayong dalawa raw ay--
"
with
lilies and with laurels they go,"
Talagang hindi
ako naririnig ni Trisha. Ang kanina'y nagbabanta pa lamang sa
kanyang mga mata ay tuluyan na ngayong humihilam sa kanya. Sa
labas naman ay lumakas na nang todo ang pagbuhos ng ulan. Napapagod
na rin naman ako. Pero maaga pa, e. Kaya lang ay nanghihina na
rin ako. May tahimik na pag-anyaya sa akin ang hangin. May malamig
na paghalik sa akin ang bawat patak ng ulan.
Tuluyan nang
nag-unahan sa pagbuhos ang kanina'y mumunting hamog lamang sa
mga mata ni Trisha. Trisha
Ang lakas-lakas
na talaga ng ulan. Ang sarap matulog.
"
but
I am not resigned."
ang
sarap matulog.
----------------
Si Christine Ongpin ay nagma-master's sa Malikhaing Pagsulat sa
Diliman,Project Coordinator ng isang foreign-funded organization,nagpipinta,nangangarap
mag-saranggola sa EDSA, magka-anak ng walang asawa at nanaginip
nang gising.
|