Bukas, Sa
Birthday Niya Ni Roberta
Karla Maquiling
Bukas sampung
taon na siya
Magsa-sampung taon na ang anak mo.
Naaalala ko tuloy nung sinabi mong
Dadalo ka sa birthday niya.
Bukas sampung taon na ang anak mong
Lumaking di man lang nasisilayan ang iyong mukha;
Ni anino mo ay di man lang nakita.
Tanging ang litrato mo nung sampung taong gulang ka pa lang
Ang nakikita niya.
Walang ideya kung ano ang hitsura mo ngayon-
Kung mataba ka pa rin ba,
Kung addict ka pa rin kaya.
Gabi-gabi nakikita kong tinitingnan niya ang litrato mo
Nag-iisip, nagtatanong.
Bakit daw di ka man lang nagpakita
Wala man lang ni isang sulat
Walang balita galing sa Papa niya
Bukas sampung taong na siya
Sampung taon ka na ring nawawala
Ni hindi ka man lang nagpaalam
Nasa States ka kaya
O nandiyan lang sa tabi
Takot magpakita
O kaya'y nahihiya
Tapos na ang binyag
Tapos na ang unang birthday niya
Nakalakad na siya, nakapagsalita na't lahat
Di ka man lang nagpakita
Sana patay ka na
Para di na ako mahirapang
Magpaliwanag na ayaw mo namang maging ama
Na mas gusto mong mag-party sa gabi
Kesa sa magbantay at palitan ang diaper niya
Sana patay ka na
Para di ko na kailangang sabihin sa kanya na
Mas pinili mo pa yung isa
Kesa sa aming dalawa
Sana patay ka na.
Para bukas, sa birthday niya
Di ko na kailangang magsinungaling
Kung bakit di ka makakapunta.