|
TULA
Telepono
Ni James Nicolay
imagine mo to:
hawak mo puso kong
nakukuryente sa bawat
karayom mong paghinga
pagkalinga
masakit pero ok lang
kunwari acupuncture
kahit na
sa telepono laging siya
siya
siya
siya
sya na lang
o e ano
dun ka naman masaya
wala akong karapatang
magpeople power 3
ipagresign yung nararamdaman
mo talaga, kahit bomba nang
sumasabog ang utak ko
nakakabaliw pero masaya
dahil busog na naman
ako sa bawat salita mong
kumakagat pero kumikiliti
sa tenga ng kaluluwa ko
kahit siya siya siya
na lang naririnig ko
salamat na rin sa kaniya kaniya kaniya
dahil nandito ka naman
nampucha,
tignan mo ko:
sinasakal mo ang kamay
ng telepono kong gusto ng bumitaw
dahil sa ignoranteng
pagmamahal na nayuyurakan
pero masaya dahil sa'yo
kahit na
magkita tayo
at laging siya
siya
siya
siya na lang
o e ano
nandito naman ako
ako na nabibingi
ako na binubulag
ako na manhid na
ng kabaliwan kong
sumisigaw
sa linya ng kuryente
at telepono
na nanggapos at
nang-akit at
nagkulong sa
buhay ko.
|