Globe
at Smart: Dorobo
Ni Rey Refran
ANG MGA dorobong
higanteng cellphone companies nga naman, oo.
Ang Globe
at Smart kasama na ang kanilang mga affiliates ay nagsasabi sa
ating mga taga-Generation Txt na "there is no such thing
as a free lunch", sabay hirit pa na kesyo nalulugi sila kaya
kailangan nilang magbawas ng free text messages allocation.
Hindi ko lubusang
maisip kung bakit kinakailangan nilang ipasa ang kanilang pagkalugi
kuno sa ating mga subscriber. Sa isang banda, para bang isang
makabagong uri ng highway robbery o holdap ito sa panig nating
mga gumagamit ng cellphone, lalo na sa mga tinuturing na text
adik tulad ko. Para bang unti-unti na tayong pinahihirapan ng
mga dambuhalang kumpanyang ito at itinaon pa nila sa kung kelan
pa talagang pahirap nang pahirap ang buhay ng Pilipino ngayon.
Ang pinagtatakhan
ko, bakit ngayon pa nila ito gagawin? Hindi na kaila sa ating
mga text adik na napakapangit na nga ang serbisyong binibigay
ng mga kumpanyang ito, tapos lalo pa nilang pag-iibayuhin ang
mga kapalpakang ito sa pamamagitan ng panibago na naman nilang
gimik -- ang free text reduction scheme --kung saan, sabi nila
ay kinakailangang bawasan ang mga free text hindi lamang dahil
sa nalulugi sila, kundi upang makapagsagawa sila ng network upgrades
para daw makaya ang dumarami nilang mga subscriber.
Ni wala man
lang ngang apat na linggo mula nang una nilang i-anunsiyo na magbabawas
sila ng free text at tila baga atat na atat na silang kumita ng
limpak-limpak sa gitna ng kanilang palpak na serbisyo at ang walang
patumanggang palusot na naiisip ng kanilang mga spin doctors.
Tila baga natapakan na rin ang kanilang madalas na sinasabi sa
kanilang pagpapabango sa publiko na "Customer is always first
in our minds". Tuloy, tuwing naiisip ko ang mga katagang
iyan, para bang lumalabas na sa ginagawa nilang ito, niloloko
na nila tayo at ang tangi na lamang nilang iniisip ay ang magpayaman!
Eh bakit nila ito binulgar lang sa publiko kung kelan palapit
na ang buwan ng Setyembre, kung kelan una nilang ipatutupad ang
iskemang iyan.
Sa unang tingin,
totoo ba na nalulugi sila? Sa kanilang mga financial statements
na nailahad sa publiko, halatang hindi naman sila nalulugi o palugi.
Halimbawa na lang ang Globe, na umaabot ang kanilang kita sa P15.4
bilyon sa taong ito lamang samantalang ang Smart ay P12.3 bilyon
naman. Iyan ba ang matatawag na nalulugi - kahit ano pang palusot
na gawin nila, ke nalulugi sila dahil sa pagbagsak ng piso, ay
lumalabas ang katotohanan na kumikita pa rin sila ng limpak-limpak,
salamat sa kanilang palpak na serbisyo.
Ang isa pang
bagay na naglalaro sa aking isipan ukol dito sa usaping ito ay
ang kawalang-aksyon ng National Telecommunications Commission
(NTC), ang ahensiya ng pamahalaan na nagre-regulate sa mga kumpanya
ng telekomunikasyon, lalo na kung ang pag-uusapan ay ang mga singilin
ng mga ito sa kanilang mga serbisyo tulad ng rates sa pagtawag
kada minuto. Itinuturing lang ng NTC ang short messaging service
o text messaging bilang isang "value-added service".
Sa madaling salita ay walang direktang pakialam ang ahensiyang
ito sa pag-regulate sa singilin nito. Kumbaga, binibigyan pa nga
nito ng laya ang mga higanteng kumpanyang ito na magtakda ng singilin
sa pagte-text, gaano man ito kamahal, nang hindi na kinakailangang
isumite pa sa NTC para pagdesisyunan, di tulad ng sa rates para
sa voice calls..
Tuloy, lumalabas
na kasabwat pa ang NTC sa mga higanteng kumpanyang ito sa kanilang
panlalamang at panglilinlang sa mga subscriber. Paano kasi, kung
yaong mga reklamo pa nga lang ng mga subscriber ay hindi na nga
nila matugunan, ito pa kayang walang patumanggang pag-alma ng
Generation Txt ay di pa kayang gawan ng paraan ng NTC! Para pala
silang kartel na nagsasabwat-sabwatan para lokohin tayo na tulad
ng ginagawa ng mga dorobo.
Hindi ko na
sukat-akalain na ganito na pala ang lebel ng pagiging gahaman
ng mga kumpanyang ito at ang kanilang pagnanais na pagkakitaan
ang sambayanan. Nahahalata na ang kanilang motibo sa kanilang
mga ginagawa. Ano ba talaga ang gusto nilang mangyari?
Tama nga ang
sinabi ng isa kong kaibigan, na mas mabuti pa ang buhay na walang
cellphone para walang reklamo laban sa mga dorobong kumpanyang
ito. Kaso dalawang taon na akong gumagamit nito, kaya tulad nga
ng droga ay mahirap na sa akin ang buhay sakaling wala akong cellphone.
Tulad ng milyon-milyong kababayan ko, naging bahagi na rin ng
buhay ko ang pagte-text, at kahit papaano ay may pakinabang din
naman. At ang pakinabang na ito ay nais pang kitlin ng mga dorobong
nagpopostura na naglilingkod kuno sa sambayanan.
Sadyang napakaraming
dahilan kung bakit tayo dapat magprotesta sa mga panlilinlang
na ito ng Globe at Smart hanggat hindi sila nagigising sa katotohanan
na kinukupit na nila ang bulsa ni Juan dela Cruz sa pamamagitan
ng mga iskemang iyan. Hindi pa dapat magwakas ang laban nating
mga texters sa isang araw lamang na hindi pagte-text o paggamit
ng cellphone sa pagtawag. Dapat ay tuwiran na nating turuan ng
leksyon ang mga ito upang magising sila sa mga responsibilidad
nila sa ating mga subscribers at nang kahit papaano ay hindi tayo
ma-holdap ng mga ito sa di inaasahang pagkakataon. (Tinig.com)
|