Paano
isinisilang ang isang aktibista?
ni Mong
Palatino
MADALAS itanong
ng aking kapatid kung ano raw ang aking napapala sa pagrarali.
Wala raw silbi ang maging aktibista. Sinasayang ko lang ang aking
pinag-aralan. Ano ang aking kinabukasan kung sigaw lang ako ng
sigaw sa kalye?
Di ko siya
sinasagot. Maaaring mali ang aking di pagtugon sa kanya pero hindi
ko rin naman alam kung paano ko ipapaliwanag, sa paraang lubos
niyang mauunawaan, ang aking ginagawa. Minsan din akong nagtanong
sa isang kaibigan kung bakit pinili niyang maging aktibista sa
dinami-dami ng raket na pwede naman niyang gawin.
Mayroon pa
akong pagtingin noon na walang kuwenta ang maging isang tibak.
Sa kabila ng mga pagpapaliwanag niya ay di pa rin nabago ang aking
paniniwala. Kung matibay siya sa kanyang pinaniniwalaan, ganun
din ako. At ano ba ang pinaniniwalaan ko noon?
Naghihirap
ang bansa dahil maraming Pilipino ang ginustong huwag mag-aral
at di nagsisikap ng husto para mabuhay nang maayos. Sumisikip
ang siyudad dahil ang mga tao sa probinsiya ay dumaragsa dito
at dumadagdag sa mga iskwater. Buntis nang buntis ang mga mahihirap
at maagang nag-aasawa ang mga kabataan. Ang realidad ay ang ipinalalabas
ng TV, sine at mga magasin. Kailangan ko munang paunlarin ang
aking sarili bago makapaglingkod sa kapwa. Madaling yumaman kung
may edukasyon ang isang tao lalo na't pupunta ng ibang bansa.
Kailangang maging praktikal sa buhay.
Hindi ko sinasabing
mali ang lahat ng ito. Subalit paano ko ito ilulugar sa buhay
na tinahak ng aking kaibigan at siyang tinatahak ko ngayon? Nag-iba
na ang pamantayan ko kung paano maging praktikal sa ating lipunan
ngayon. Naunawaan ko na ang kahalagahan ng pag-uugnay ng mga maliliit
na suliranin ng ating bansa sa mga mayor at pundamental na usapin
na siyang ugat ng ating mga problema.
Kung sasagutin
ko ang aking nakakatandang kapatid, siguradong igigiit niya ang
kanyang pamantayan ng isang matagumpay na tao: makadiyos, nakatapos
ng kolehiyo, at kumikita ng pera. Tiyak na talo na ako sa mga
argumento kung susuko ako sa nakagisnang pamantayan ng lahat,
na siyang pamantayan ko rin noon. At ito ang ayokong mangyari.
Mahirap basagin
ang mga katotohanang isinuso natin mula pagkabata. Mapait ang
proseso ng pagwawasak ng mga kasinungalingang tinanggap natin
bilang katotohanan. Hindi ako naging aktibista dahil sa pakikinig
lamang sa mga teach-in at mga educational discussion. Hindi rin
dahil sa mga aktibista kong propesor sa kolehiyo.
Kung ganoon,
kailan at paano? Ito ay nang minsang sumama ako sa isang pakikipanayam
sa mga urban poor sa isang komunidad sa may likod ng UP noong
eleksiyon ng 1998, nang minsan akong makipamuhay sa isang maliit
na nayon sa Pampanga, at nang minsang maligo sa mabahong tubig
ng water cannon ng mga pulis sa mapayapang rali ng mga estudyante.
Sa tingin ko ay dito ko napagtanto ang aking makitid na pagtingin
sa mga bagay-bagay. Sapagkat nagsimula na akong magtanong, at
sa pagtatanong pala nagsisimula ang lahat ng pagbabago.
Bakit nga ba naghihirap ang mga kayod-marinong manggagawang nakausap
ko samantalang may iilan ang nagpapasasa sa sobra-sobrang luho?
Bakit di maibigay-bigay sa mga nag-aalaga ng lupa ang kanilang
sinasaka? Bakit kailangang tapatan ng mga truncheon ang simpleng
demonstrasyon ng mga kabataang nananawagan ng karagdagang badyet
sa edukasyon?
Marami na
akong nasagot sa aking mga tanong subalit may dumagdag na mga
bagong palaisipan. Ang pagkakaiba ngayon ay hindi na lang ako
nagtatanong kundi gumagawa na rin ng paraan para ang marami sa
atin ay hindi na magtanong ng mga bagay na ito. Hindi perpekto
ang mundo ng mga aktibista subalit walang masama sa pagnanais
nito.
Hindi ako
nagagalit sa tuwing tinatanong ako ng aking kapatid, bagkus ako
ay natutuwa pa nga. Minsan akong nagtanong, at nagbago ang aking
buhay. Malay mo, baka bukas ang itatanong na ng kapatid ko ay
kung bakit ayaw pumayag ng gobyerno na itaas ang kanilang sahod.
--------------
Si Raymond "Mong" Palatino ay executive vice president
ng National
Union of Students of the Philippines. Para sa reaksiyon sa kanyang
kolum, i-e-mail lang si Mong sa mongnicolai[at]edsamail[dot]com[dot]ph.
|