Kristine
ni Angela
Hindi ko intensiyon
at mas lalong hindi ko sadyang gawin ito para sa iyo. Hindi ka
mahalagang tao sa buhay ko upang pag-alayan at pag-aksayahan ng
panahon para lamang gumawa ng isang obra maestrang nakapangalan
sa iyo. Ngunit alam ko na sa pamamagitan nito ay malalaman mo
ang nadarama ko sa iyo-at lalong hindi espesyal ang damdaming
iyon.
Galit. Hinanakit.
Paninibugho. Iyan at iyan lamang ang nadarama ko sa iyo. Wala
akong balak kaibiganin ka dahil sinayang mo lamang ang tiwala
kong dati nang inilaan sa iyo. Hindi ako sadista para ikaligaya
ang saktan ka, dahil sa pagkakaalam ko, mas doble o triple pa
ang sakit na ipinadama mo sa akin kung ikukumpara sa nararamdaman
mo ngayon. Yun ay kung may nararamdaman ka pa.
Masakit isipin,
dahil hindi ko akalaing ikaw pa pala ang sisira sa mga pangarap
ko. Hindi ko inisip na ikaw na kilala ko bilang isang mahinhin,
relihiyosa, at malinis na binibini ay isa palang babaeng hindi
ginagamit ang isip; handang ibigay ang sarili at dangal, makuha
lamang ang ninanais na makuha. Nakakahiya, mas matanda ka pa naman
sa akin ng ilang taon pero tila yata isang bata pang katulad ko
ang nakatapat mo at nagbibigay aral at nagsasabing mali ang kumuha
ng hindi sa iyo.
Siguro'y narinig
mo na ang isang bahagi sa korido ni Balagtas na pamilyar sa ating
mga Pilipino. Huwag mo lamang tangkain na gamitin ang mga salitang
ito at gawing dahilan sa pagbibigay mo ng pasakit sa akin, dahil
ang paghamak mo sa lahat ng bagay makamtan mo lamang ang iyong
iniibig ay isang kalokohan. Kung talagang tunay ang damdamin mo
sa iyong iniibig, hindi mo tatangkain man lamang na kunin siya
kung alam mo namang may iba na siyang minamahal at ganoon din
naman ang minamahal nito.
Prangka ako,
diretso magsalita. Ayoko nang lumiliguy-ligoy pa. Ayoko nang pinapatagal
pa ang mga nais kong ipahayag lalo na kung ito ay tunay na nakakaapekto
sa akin.
Hindi ko nais
na malaman pang kasa-kasama mo ang lalaking iniibig ko. Maaring
hindi ito makatwiran para sa ibang tao, ngunit sa pagkakataong
dumating sa akin na ako'y iyong pinasakitan ng husto, sa aking
palagay ay nasa akin ang lahat ng alas upang mangatwiran at gumawa
ng desisyong nararapat sa akin at sa lalaking minamahal ko.
Mahirap kapag
nasasaktan ka, pero dumarating ang mga pagkakataong kailangan
mong mamili; kailangan mong mag-isip kung ano ang makakabuti sa
iba, dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi ang pag-aalaala mo sa
iyong sarili, kung hindi ang pag-alaala mo sa ibang tao.
Sabi nila
na mas masuwerte ka raw sa akin sapagkat nasa iyo na ang lahat
ng pagkakataon, oras at atensiyong minsan at palagi kong hinahanap-hanap.
Hinayaan ko iyon. Siguro nga naging martir ako para hayaan kang
magtampisaw sa pagkakataong inilaan ko sa iyo. Subalit sa mga
sandaling ito, kailangan ko nang magsalita dahil ang minsang pagbigyan
ka ay nakakasama at nakakasakit na.
Siguro kahit
mga kawikaan ng mga dakilang pilosopo ay hindi tatalab sa iyo.
Marami na akong nalaman sa iyo; at dahil doon ay lubos na ang
disgusto ko sa iyo. Maaaring hindi sapat ang salita kong ito,
at sa konsensiya mo na lamang ang siyang bahalang kumausap sa
iyo.
_________________
Si Angela ay isang high school student mula sa Cavite.
|