|
Tungo sa
pangmatagalang kapayapaan
ni
Alexander Martin Remollino
ANG BARIL ay bagay na hindi kaibig-ibig. Nakatutulig ang bawat
putok nito, at bawat punlong ibuga ng bunganga nito'y nakapagdudulot
ng kasiraan, kundi man kamatayan. Ang may matinong pag-iisip at
hindi naman guwardiya, pulis, sundalo, o manlalaro ay hindi hahawak
nito kundi may lubhang matinding kadahilanan.
Ganito ang
lohikang dapat na gamitin sa pagsusuri sa pinagmumulan ng mga
rebelyon.
Sa nobelang
El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal, isa sa lalong matitingkad
na tauhan si Kabesang Tales. Siya'y isang karaniwang mamamayan,
isang magsasakang tulad ni Pedrong Pilapil na binabanggit ni Jess
Santiago sa isang kanta niya, "walang kaulayaw kundi ang
bukirin."
Kung pagiging
masunurin lamang sa mga prayle ang pag-uusapan, daig ni Kabesang
Tales ang lahat ng kapwa niya magsasaka sa San Diego. Ngunit kinamkam
ng mga prayle ang kanyang lupain, ang gubat na pinagtiyagaan niyang
hawanin upang maging mabiyayang bukirin, at siya'y siningil ng
upa.
Habang lumilipas
ang panahon at parami nang parami ang inaani niya, pataas din
nang pataas ang upang kanyang ibinabayad, hanggang sa siya'y magsawa
at maghabla sa hukuman. Isang araw ay may dumating na mga tulisang
nagsabing sapagkat siya'y may pambayad sa mga hukom at manananggol
ay baka mayroon din siyang maibibigay sa kanila. Kaya't siya'y
dinukot at pinatungan nila ng halaga ang kanyang kalayaan.
Ang anak niyang
si Juliana ay nagbili ng mga alahas nito, liban sa isang kuwintas
na bigay ng kasintahang si Basilio, upang makalikom ng sapat na
pantubos sa kanya. Ngunit ang kinita nito'y umabot sa kalahati
lamang ng halagang kailangan. Naisanla ni Juliana ang kanilang
bahay kapalit ng kalahati pa ng halagang hinihingi ng mga tulisan,
at bilang bayad ay kinailangan niyang maglingkod sa bahay ng nagpautang.
Subalit sinamantala
ng mga prayle ang pagkawala ni Kabesang Tales upang ipasaka sa
iba ang lupa, at nang magbalik siya'y wala siyang inabot kundi
sangkatutak na masasamang balita. Nang minsang makituloy sa kanila
ang mag-aalahas na si Simoun, ninakaw ni Kabesang Tales ang dala
nitong rebolber at siya'y sumama sa mga tulisan.
Katulad ni
Kabesang Tales, ang mga rebelde sa bundok ay hindi mga taong nagsanay
upang mabuhay sa pakikipagpalitan ng punlo. Sila'y mga manggagawa,
magsasaka, maralitang tagalunsod, katutubo, mangingisda, estudyante,
kabataang wala sa paaralan, kababaihan, guro, manggagamot, abugado,
artista, manunulat, siyentipiko, teknolohista, inhinyero, pari
at madre.
Hindi madali
sa sinuman sa kanila ang iwan ang nakagawian nilang mga pamumuhay
upang bagtasin ang walang katiyakang landas ng armadong pakikibaka.
Ano ang nag-udyok sa kanilang gumawa ng ganito?
Ang mga manggagawa
ay pinagsasamantalahan ng mga dayuhang kapitalista at ng kasabwat
nilang mga kumprador sa pamamagitan ng mababang pasahod at kawalan
ng mga benepisyo.
Ang mga magsasaka
ay walang masaka, ang mga katutubo at maralitang tagalunsod ay
walang matirhan, ang mga mangingisda ay walang mapangisdaan, sapagkat
ang mga lupain at tubigang dapat ay kanilang pinakikinabangan
ay walang pakundangang ipinagagamit sa mga dayuhang mamumuhunan,
kundi man kinakamkam ng malalaking lokal na negosyante at panginoong
maylupa.
Ang mga kababaihan
ay inaapi ng seksistang kulturang dala ng mga dayuhan.
Ang mga estudyante
at kabataan ay pinagkakaitan ng kanilang karapatang ang kaisipa'y
paunlarin at gawing kapakipa-kinabang sa pamamagitan ng isang
makadayuhan, mapaniiil, at komersiyalisadong sistema ng edukasyon
na humuhubog sa kanila upang maging mga tagapagtanggol ng kaayusang
malakolonyal, kundi man gumagapos sa kanila sa pagiging mga busabos
nito.
Ang mga propesyunal,
artista, manunulat, at mga may bokasyon ay nagkakaroon lamang
ng magagandang pagkakataon sa paghahanapbuhay kung pumapayag na
iangkop ang kanilang mga gawain sa mga kahingian ng kalakarang
umiiral.
Ipinaglalaban
ng mga rebeldeng mula sa nabanggit na mga sektor ang isang lipunang
malaya, nagkakaloob ng pantay-pantay na mga pagkakataon, at kumikilala
sa pantay-pantay na mga karapatan. Maikakatwirang maipaglalaban
naman nila ang kanilang mga simulain sa mapayapang paraan. Ngunit
ang kasaysayan ay wala pang nailalabas na katibayang lilikha sa
kanilang mga isipan ng ganitong paniniwala.
Simula sa
panahon ng pananakop ng Espanya, Estados Unidos, at Hapon hanggang
sa mga taon ng panunungkulan ninaQuirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal,
Marcos, Aquino, Ramos, at Estrada, ang mga pagtatangka sa payapang
pakikipaglaban ay sinasalubong ng marahas na puwersa ng estado,
at kung mapagbigyan man ang ilang kahingian ay laging may butas
na nalulusutan ang mga nakikinabang sa kalakarang umiiral.
At maraming
makabayan at makatao ang walang mahanap na pag-asa sa parliyamentaryong
pakikibaka, kaya't nagpasyang maghanap nito sa matarik na kabundukan,
sa piling ng punlo at baril.
Sa muling
binuksang mga usapang pangkapayapaan, ang pinakamadaling bahagi
ay ang pagtitigil ng putukan. Makalaksang lalong mahirap ang gawing
pangmatagalan ang kapayapaang matatamo mula rito. Dapat isaalang-alang
ng pamahalaan na ito'y nakasalalay sa pagtatatag ng isang lubusang
matwid na lipunan. Kung hindi ito gagawin ng pamahalaan, ang mga
mamamaya'y lagi't laging may makikitang dahilan upang makipaglaban,
at ang kabunduka'y kakanlungan at kakanlungan ng mga rebelde.
--------------
Si Alex ay isang freelance manuscript editor. Nakalahok na
siya sa maraming pagkilos na nagsulong ng sari-saring mga usaping
panlipunan, pati na sa makasaysayang People Power II.
|