|
Kailan pa
ba tayo magtatanda?
ni Rey Refran
KAMAKAILAN
lamang ay balitang-balita na naman ang malagim na wakas na sinasapit
ng mga mag-aaral na pumapasok sa mga fraternity o mga kahalintulad
nitong organisasyon sa pamamagitan ng hazing o ang pisikal na
pananakit ng nga miyembro sa mga nagnanais mapabilang sa kanilang
samahan.
Napasama sa
listahan ng mga mag-aaral na nagbuwis ng buhay dahil lamang sa
walang kakwenta-kwentang ritwal na iyan si Rafael Albano III sa
tila humahabang listahan ng mga biktima ng hazing tulad nina Lenny
Villa, Seth Lopez, Alex Icasiano, Edward Domingo, at iba pa na
nasira ang kinabukasan.
Ang pagkamatay
ni Albano at ang malubhang pagkakasugat ng lima pang kamag-aral
nito sa kamay ng Sigma Mu Fraternity, isang ekslusibong kapatiran
para sa mga mag-aaral ng Medisina sa Far Eastern University, ay
nangyari sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Hazing
Law. Unang binalangkas ang batas na ito matapaos ang pagpanaw
ni Villa na pinahirapan at pinatay ng kanyang mga magiging "brod"
sana sa Aquila Legis Fraternity noong 1991.
Sa kasalukuyan,
kahit mayroon nang ganitong batas ay hindi rin nasugpo ang kultura
ng karahasan sa mga samahang ito, maging sa mga kilalang institusyon
na dapat sana ay nangangalaga sa kapakanan ng mag-aaral. Hindi
pa nga sila nagtatanda sa mga mararahas na pangyayaring kaakibat
ng hazing.
Kahit na tahasan
itong kinondena ng mga naging lider ng bansa, mula sa administrasyong
Aquino hanggang sa kasalukuyang administrasyong Macapagal-Arroyo
ay tila baga nagbibingi-bingihan pa rin ang mga kinauukulan, mula
sa mga opisyal na inatasang magpatupad ng Anti-Hazing Law hanggang
sa mga opisyal ng mga organisasyong namimihasa pa rin sa impluwensiya
at tradisyon na kanilang bitbit.
Oo nga, tradisyon
nga ang mga pambungad na ritwal na ginagawad sa mga baguhan sa
mga kapatirang iyan. Ngunit kataka-taka rin ang ebolusyon ng hazing
mula sa dating norm ng initiation. Dati, ang ginagawa lamang ay
tila baga mga kahalintulad gawaing-bahay, na pangakaraniwan sa
mga kapatiran mula pa noong panahon ng mga kolonyalistang Amerikano.
Maging ang pag-utos ng paghalik ng neophyte o baguhan sa kasamahan
nilang babae (na tila baga pabiro lamang) ay isa rin sa mga gawain
noon sa initiation, bukod pa sa mga physical challenge na para
bang PE lamang o ang magaang pagpalo ng paddle sa kanila bilang
simbolo ng pagtanggap sa samahan.
Maging ang
Philippine Military Academy (PMA) ay naging institusyon na ang
hazing lalo na sa mga mag-aaral nito na gustong makatapos ng karera
sa larangan ng militar. Wala na diumanong magawa ang mga opisyal
dahil aminado na sila na hindi kayang maalis ang kulturang kakibat
nito sa kanilang sistema; samakatwid ay bahagi na ito ng buhay-PMA.
Kung lilimiin pa nga, sa loob pa lamang ng PMA ay may isang plebo
o mag-aaral nito ang namamatay taun-taon dulot ng hazing.
Sa madaling
salita, kinukunsinti ng PMA ang napakarahas na kultura ng hazing,
tulad ng ilang kilalang kapatiran na karamiha'y matatagpuan sa
Unibersidad ng Pilipinas. Ito ay sa kabila ng panawagan ni Pangulong
Macapagal-Arroyo na alisin na sa kabuuang sistemang panlipunan
ang ganitong uri ng karahasan.
Ngunit dahil
may nalagas na namang buhay dulot ng kahayupan na hazing, hindi
pa ba ito sapat upang magising na ang mga kinauukulang ito sa
katotohanan at magtulungan na lamang na mapanatili ang kulutura
ng kapayapaan sa kampus at sa kani-kanilang mga samahan? Hindi
lamang nakasisira ng kinabukasan ng mga mag-aaral na nabibiktima
sa hazing, kundi maging sa mga nagpapatupad nito ay nakasisira
rin ito sa kanilang buhay dahil habambuhay silang makukunsensiya
sa kanilang ginawa sa kanilang kapwa.
Hindi na natin
kailangan ng isa pang Lenny Villa, Seth Lopez, Alex Icasiano,
Edward Domingo o Rafael Albano upang mamulat lamang sa katotohanan
na hindi na tama ang pagpapatupad ng hazing sa mga samahang ito,
manapa'y ang kultura ng karahasan. Hindi na natin kailangan pa
ng isa pang magbubuwis ng buhay at kinabukasan dahil lamang sa
walang kakwenta-kwentang ritwal na ito. Kailangan na nating imulat
ang mga sarili natin sa katotohanang ang mga mararahas na gawain
tulad ng hazing sa mga kapatiran ay walang lugar sa lipunan, maging
sa buhay-akademiko.
|