|
SPECIAL
REPORT
Bagong
baho sa likod ng uniporme
ni Rey Refran
Ikatlong pahina
balik
sa ikalawang pahina
SIN: Berdugo
sa kampus, gaya ng UP Manila
Pinakamalaking baho ng sistema ng ROTC ang umano'y pagtatayo ng
Student Intelligence Network (SIN)
Walang itong
ipinag-iba sa Barangay Intelligence Network (BIN) na isang mekanismo
ng mapanupil na Oplan Makabayan ng militar sa kanayunan. Itinayo
umano noong nakaraang semestre kasabay ng pagputok ng isyu ukol
sa korapsyon sa loob ng ROTC, binubuo ito ng mga kadete ng ROTC
at pinamumunuan ng mga opisyales sa bawat balangay, at nilalayon
nito ang pagbabantay sa mga samahang progresibo sa loob ng unibersidad
na yumayakap sa ideyolohiya ng pambansang demokrasya (national
democracy), mga kapatiran (fraternity) at maging sa mga institusyong
pampaaralan tulad ng Sangguniang Mag-aaral at mga pahayagang pang-kampus.
Kumukuha ang
mga miyembro nito ng bawat butil ng impormasyon patungkol sa mga
kilos ng mga samahang ito at agad na inuulat ito sa mga kadete-opisyales
at maging sa mga nakatataas sa loob ng punong himpilan ng Philippine
Army sa Fort Bonifacio. Kung minsan ay nagsisilbi rin silang utusan
ng mga opisyales, na kung minsan ay tila baga nagmumukha silang
tsimoy, ngunit para sa kanila ay wala silang magagawa dahil kinakailangan
nila iyan upang makapasa man lang sa kursong ROTC.
Sa panayam
ng Tinig.com kay Carl Ramota, manunulat ng Manila Collegian,
pinatotohanan niya ang pagkakaroon ng ganitong yunit sa loob ng
UP Manila. (Bukod sa UP Manila, nagtayo din ng SIN ang UST at
PUP na kung saan umaabot sa mahigit sandaan ang mga miyembro nito.)
Ang pag-iral nito sa UP Manila ay nakuha ng pahayagan batay sa
isang taped interview sa ilang mga kadete ng ROTC na nakaka-alam
sa mga kilos ng naturang SIN.
Ayon kay Ramota,
ang mga pangkaraniwang nire-rekrut sa unit na ito, na mas lalong
kilala sa tawag na "Sentinels", ay mga tapos na sa unang
dalawang taon ng kursong ROTC o mga nasa ikatlo o ika-apat na
taon ng kolehiyo; mga bumabagsak sa ROTC na nagnanais bumawi upang
maka-gradweyt; at maging ang mga kasapi ng mga progresibong samahan.
Ginagawa ito ng mga kadete-opisyales kapalit ng mga insentibo
tulad ng eksempsyon sa pangkaraniwang training sa ROTC at insentibong
pera.
Ngunit ang
pagpasok ng sinuman sa unit na ito, na itinayo sa UP Manila, noong
ikalawang semestre ng taong 2000-2001, hindi rin ito nangahulugan
na ligtas ito sa mga bayarin dahil ang SIN ay nagbibigay-daan
din sa katiwalian. Bawat recruit nito ay kinakailangang magbayad
ng di lalagpas sa P3,000 sa kabuuan ng pagiging miyembro nito,
sa sari-saring dahilan.
Bukod sa pagkakaroon
ng malakihang bayarin sa loob ng "Sentinel" ay hindi
rin sigurado ang mga miyembro nito sa kaligtasan sa kanilang buhay.
Hindi lamang ang paggagawad ng mga bagsak na marka ang kanila
sa oras na pumalpak sila sa kanilang tungkulin, nahaharap rin
sa peligro ang kanilang buhay. Ito ay walang pinag-iba sa mga
civilan agents ng pulis at militar na kapag wala na silang silbi
sa samahan ay pinapatay o kinakasuhan ng katakut-takot.
Hindi na rin
kataka-taka ang pagkakaroon ng mga exemption sa kurso basta lamang
magbabayad sila ng halagang umaabot sa P13,000. Kahit ang mga
absences sa isang training day ay pwede nang daanin sa pamamagitan
ng pera o alak sa ibang unibersidad.
Sa artikulo
na lumabas base sa naturang taped interview, detalyadong ipinaliwanag
ang mga taktika ng mga kadete-opisyales ukol sa pagtatayo ng "Sentinels"
sa UP Manila. Isa sa mga dahilang pinapakita dito ay ang naka-ambang
panganib na pasukin ang kampus ng New People's Army (NPA) sa pamamagitan
ng mga aktibistang organisasyon sa kampus, kaya nila ito pinatitiktikan
ang bawat kilos ng mga ito.
Lalo pa itong
napatunayan sa karanasan ng UP Manila. Ani Ramota, base sa mga
impormasyong nakalap ng "Sentinels" ay nagawa ng balangay
na pahiyain ang mga miyembro ng mga organisasyong ito at campus
press tulad ng nangyari kay Panemanglor. Naging paboritong pet
peeve din ng mga kadete-opisyales ang pagdidiin sa mga kadeteng
nakikisimpatiya sa mga tinuturing nilang "maka-Kaliwang samahan"
at ang paghalungkat ng bawat detalye ng buhay-mag-aaral ng sinumang
pinaghihinalaan, mula sa mga paborito nito sa buhay hanggang sa
pilosopiya. Dito, kapag hindi tumugma ang sagot ng pinaghihinalaan
sa impormasyong nakalap ng naturang SIN ay babansagan pang "sinungaling."
huling
pahina
|