|
SPECIAL
REPORT
Bagong
baho sa likod ng uniporme
ni Rey Refran
Ikalawang pahina
balik
sa unang pahina
Hindi pwede!
Ngunit para sa grupong Abolish!, isang multi-sektoral na grupo
na binubuo ng mga militanteng kabataan at lider-estudyante, hindi
ito katanggap-tanggap sa kanila kung kaya't marapat pa ring igiit
ang walang kundisyong abolisyon ng kursong ROTC mula sa kurikulum.
Ayon kay Rey
Asis, convenor ng Abolish! at pambansang pangulo ng College Editors
Guild of the Philippines, isa sa mga grupong bumubuo nito, wala
nang dapat asahang bago sa Optional ROTC Program dahil napananatili
lamang nito ang oryentasyong pang-militar at pagiging sapilitang
rekisito bago makapagtapos ng kolehiyo ang isang lalaking mag-aaral.
"Sa pagpapanatili
ng karakter nitong pang-militar at mala-mersenaryong tradisyon
ng AFP, lalo lamang mapalalago ang kultura ng karahasan sa mga
mag-aaral", ang nasasaad sa isang kalatas mula sa samahan.
Ihinalintulad
ni Asis ang bagong iskemang ito sa isang lumang tugtugin. Binatikos
rin nito ang selective implementation ng bagong programang ito
na sa simula ay sasaklaw lamang sa kabuuang 30% ng mga pribadong
unibersidad at kolehiyo na nagpapatupad ng Expanded ROTC.
"Ang
masaklap pa nito, hindi kasama ang mga kadete mula sa mga State
Colleges and Universities (SCU's) tulad ng PUP at UP", wika
pa ni Asis.
Nagkakaisa ring idinugtong nina Asis at Apolinario Alvarez, pangkalahatang-kalihim
ng Anakbayan, na ang patuloy na pamamayagpag ng ROTC sa pamamagitan
ng pagsasa-optional nito ay isang sampal sa tunay na diwa ng boluntarismo
at pagmamahal sa kapwa na siya sanang diwa ng ROTC mula pa noong
una itong ipatupad.
"Sa halip
na ituro ang mga kabutihang-asal tulad ng pagmamahal sa bayan
at disiplina, binabaliktad lalo ng ROTC at mga nagpapatakbo nito
ang depinisyon ng mga diwang ito sa pamamagitan ng pag-iibayo
ng imahe ng macho-pasismo na kung saan lalamangan mo ang iyong
kapwa, kung kaya't walang kundisyon namin itong hinihiling na
buwagin kahit may ipapalit pang programa ang militar sa ilalim
nila", dagdag pang pahayag ni Alvarez.
Mga panibagong
baho
Bukod sa mga nauna at dokumentado nang naibulatlat na baho ng
ROTC tulad ng ginawang expose nina Chua at Romulo Yumul, isang
dating kadete-opisyal ng UST-ROTC at ngayon ay tumatayong tagapagsalita
ng Abolish! at lumabas sa The Varsitarian, ang pahayagang pang-mag-aaral
ng UST, inilantad rin ng samahan ang mga panibagong baho na lalong
magbibigay ng lakas ng loob sa kanila upang patuloy na igiit ang
pagbuwag ng ROTC.
Isa na rito
ay ang pananakot at paniniktik umano ng mga opisyales ng ROTC
sa mga pahayagang pang-kampus na sumusuporta sa panawagang ito.
Ayon kay Asis, may mga ilang kaso na nito na natatanggap ang kanilang
tanggapan sa CEGP. Isa
na rito ay ang napaulat na ginawang pagsalakay ng mga kadete-opisyales
sa tanggapan ng pahayagang The Outcrop ng UP Baguio at ang panununog
ng mga sipi nito. Wala
ring ligtas dito ang The Manila Collegian ng UP Maynila at The
Catalyst ng Polytechnic University of the Philippines.
Nakararanas
din daw ng iba't-ibang uri ng pananakot ang mga kawani ng mga
pahayagang nabanggit, kabilang na ang paniniktik sa mga linya
ng telepono ng kani-kanilang mga tanggapan at maging sa mga cellular
phones ng mga bumubuo ng patnugutan na diumano'y kagagawan ng
mga taga-Student Intelligence Network (SIN) ng kani-kanilang mga
paaralan.
Nagiging katatawanan
at kahihiyan din sa bawat training day ang mga kasapi ng mga pahayagang
bumabatikos sa ROTC. Sa UP Manila na lang ay isa si Ajeet Panemanglor,
kawani ng Manila Collegian, sa mga nakaranas ng pagpapahiya ng
mga kadete-opisyal sa harap ng buong yunit ng ROTC dahil lamang
sa siya ay manunulat sa pahayagang unang nagsiwalat ng pagkakaroon
ng SIN sa mga unibersidad sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Asis,
ang mga gawaing ito sa mga pahayagang pang-mag-aaral at mga kawani
nito ay tuwirang paglabag sa karapatan ng malayang pamamahayag,
pagpapahayag ng pansariling saloobin at karapatang makapagtipon
na itinatadhana ng Saligang-Batas. Maging ang gawaing ito ay banta
rin sa pagiging conducive learning environment ng mga unibersidad
na ito.
ikatlong
pahina
|