|
SPECIAL
REPORT
Bagong
baho sa likod ng uniporme
ni Rey Refran
SIMULA nang
ilantad sa publiko ni Mark Welson Chua, ang pinaslang na kadete-opisyal
at mag-aaral sa Unibersidad ng Sto. Tomas, ang mga kabulukan na
kaakibat ng kursong Reserve Officers Training Corps (ROTC) ay
halos hindi na mapigil ang pag-alingasaw ng mga baho ng programang
ito.
Lalong nagpatindi
sa panawagang tuluyan nang alisin ang ROTC, na sapilitang ipinakukuha
sa mga kalalakihang nag-aaral sa kolehiyo, ang brutal na pagpatay
kay Chua noong nakaraang Marso makalipas ang kanyang expose na
nagsasangkot sa katiwalian sa mga matataas na opisyales ng balangay
ng ROTC sa UST.
Mula sa isang
simpleng manipesto na nilagdaan ng mga administrador ng iba't-ibang
paaralan sa University Belt na naglalayong buwagin na ang ROTC
ay lumawak ang panawagang ito. Nakaabot na ang panawagan sa hanay
ng mga progresibong kabataan at maging mga pangkaraniwang mag-aaral
mismo na walang nakikitang kabuluhan sa kanilang pagkuha ng kursong
ito.
Habang isa-isang
lumalabas ang mga kabalintunaan, na sapat nang dahilan upang buwagin
ang ROTC, nitong buwan ng Agosto ay inanunsiyo ng mga awtoridad
pang-edukasyon ang pagsasa-optional ng ROTC sa mga mag-aaral simula
sa buwan ng Nobyembre.
Ngunit sa
halip na tanggapin ito ng mga mag-aaral ay binatikos pa nga ito.
Anila, pagpapanatili lamang ng isang bulok na karakter na macho-pasista
ang hakbang na ito na taliwas sa diwa ng boluntarismo dahil sa
ang mga ahente pa rin ng militar ang hahawak sa programang ito.
Manapa, sa ganoon ding panahon ay ibinunyag na naman ang dalawang
baho na nagpapatunay sa pasistang karakter ng kursong ROTC, na
silang mas mabigat na dahilan upang patuloy na ipagpanawagan ang
pagbuwag nito.
Optional
ROTC
Simula sa buwan ng Nobyembre 2001, ikalawang semestre ng taong
akademiko 2001-2002 ay ipatutupad na ang optional na pagkuha ng
kursong ROTC sa mga mag-aaral. Ang balangkas ng bagong programang
ito ay pinagtulung-tulungan ng Depatrment of National Defense,
Department of the Interior and Local Government, Armed Forces
of the Philippines, at ng Commission on Higher Education. Dito,
mananatiling ang DND at AFP pa rin ang punong-abala.
Sa unang tingin,
mas pagpapalawak lamang ito ng Expanded ROTC Program na mula pa
noong 1996 ay ipinatutupad sa mga unibersidad. Sa ilalim ng Expanded
ROTC, maaaring pumili mula sa Milirary Training Service, Law Enforcement
Service (LES) at Civic Welfare Service (CWS) ang kadateng nasa
ikalawang taon na ng ROTC.
Kabilang sa
mga komponent na bubuo sa di-sapilitang ROTC ay ang pangkaraniwang
ROTC Training Module na kahalintulad sa isinasagawa sa ngayon
tulad ng basic military drills and exercises, ang LES Training,
na naglalayong makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan
sa pamamagitan ng pagtulong sa gawaing-pulis at pagtratrapik;
at ang CWS na naglalayong maka-agapay sa mga proyektong pang-sibiko
tulad ng paglilinis ng mga kanal at daluyan ng tubig at pagpapanatili
ng kalinisan ng kapaligiran.
Ngunit di
tulad ng kasalukuyang ROTC na limitado lamang sa kalalakihan,
pati ang mga kababaihang mag-aaral sa kolehiyo ay oobligahin na
rin sa Optional ROTC. Ngunit pangunahin pa rin nitong layunin
ay ang makisangkot ang mga kabataan sa diwa ng pagmamahal at paglilingkod
sa bayan, na siya ring diwang "gumagabay" sa kasalukuyang
ROTC bago ito dagukan ng mga eskandalo.
ikalawang pahina
|