Sa Aking Panulat
ni Alexander Martin Remollino
Huwag
sanang tulutan ng tadhana
na ako'y lisanin mo sa gitna ng digma.
Ikaw ang aking maso
sa pagpanday
ng isang bayan
kung saan
walang taong parang asong nakagapos
habang hinihimod
ang paa ng kung sino,
kung saan
ang mga tao
ay mga mulawing
lahat at di mga kawayan.
Ngunit kung
ang iuukit mo lamang sa papel
ay ang mga
kahangalang iniluluwa ng mga bibig
ng mga nagpapapansin
sa kanilang kasintahan o manliligaw,
mabuti pang
ang mga kamay ko'y magkadurug-durog sa riles
o kaya'y
tamaan ng isang libong lintik
upang ika'y
di ko na mahawakan pa.
|