Kumpisal

“Wowowee, sinong ‘di mawiwili?
‘Pagkat sa game na ‘to ay di ka magsisisi.”

– themesong ng Wowowee

Sa simula’t simula, pag-aari iyon ng lahat. Sa akin, sa ibang tao, pati po kayo Padre, kung nanonood kayo, sa inyo rin. “Inyo po ang palabas na ito,” laging sinasabi ng paborito kong host. Kami ang bida. Kung nanonood kayo, tayo. Pero lalo na ako. Ako ang bida. Dahil ako ang pinakamatinding tagahanga ng palabas. Kahit nasa trabaho, nanonood ako. Kahit napapagalitan, nanonood pa rin ako.

Ilang linggo ko ring hinintay ang pagdiriwang ng anibersaryo. Laksang gabing hindi ako pinatulog ng mga posibilidad. Hindi basta-basta ang mga papremyo. Hindi maaaring mapalunan sa mga nagkalat na pipitsuging perya sa telebisyon. Tunay na para sa amin, para sa akin, ang palabas.

Maraming umagang gumising akong nangangalumata. Habang naninigarilyo bago pumasok sa trabaho, nilalaro ko sa isip ang kumakaway na reyalidad ng pagkakaroon ng sariling taxing puwedeng ipasada. Maaari ko nang sagutin ang buwisit kong amo, sa wakas. Ayoko na! Tapos magta-taxi na lang ako.

Langit ang mababad sa lamig at musika kahit maghapong plastado ang puwit at ngalay ang mga binti at braso sa pagmamaneho kaysa pagsunod sa mga pabulyaw na utos ng makunat pa sa inuyat kong amo. Nagsasawa na rin akong harapin at pagtiyagaang kausapin ang panaderong parating pawisan at isupot ang mga minamasa niyang samut-saring tinapay na hindi naman maubos-ubos sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Ay. Paumanhin, Padre. Hindi ko sinasadyang gamitin ang pangalan ng Diyos. Talagang napupuno lang ako sa tuwing naalalang tindero pa rin ako sa panaderya matapos ang pitong taon.

Hindi naman katayugan ang ambisyon ko, Padre. Taxi. Taxi lang kapalit ng pagtitinda ng tinapay. Ano ba naman yung taxi? Para sa pagiging masugid na tagasubaybay ng palabas, tinatanong kita Padre, ano ba naman yung hangarin kong manalo ng pampasadang kotse? Ang bahay at lupa, hindi ko na masyadong inasahan. Kung lulubusin lang ang suwerte, ‘kako. Basta yung taxi lang ang sa akin.

Sapat na sa akin ang pangungupahan sa bulok na kuwarto sa bulok na dormitoryo. Mabait naman ang kahera, parang kapamilya na rin ang turing sa akin. Tuwing alas-dose ng Sabado–ang bukod tanging araw na nakakapanood ako nang hindi nasisigawan dahil sa umaga lang nagtatrabaho sa panaderya–magkatabi kaming nanonood sa palabas na para sa amin, para sa akin.

Hindi ako maramot, Padre. Alam kong akin ang mga papremyo ng palabas pero handa akong magbigay sa iba. Mas maraming nangangailangan nang higit pa kaysa akin. Pero hindi ibig sabihin, hindi na ako nangangailangan. Mahal ko ang Diyos, Padre. Pero Siya na rin ang maysabi, hindi ba: ibigay kay Cesar ang kay Cesar. Kinukuha ko lang kung ano ang sa akin.

Dahil bida ako.

Hindi kontrabida.

Tingnan mo si Panday, halimbawa. Nag-iisa lang siya pero kinaya niyang paslangin ang lahat ng mga tauhan ni Lizardo at si Lizardo mismo. Sa disyerto, pinalibutan nilang lahat si Panday; sumuot pa sila sa buhangin bago lumundag at umatake. Pero hindi rin sila umubra. Namatay rin isa-isa.

Dahil si Panday ang bida. Ang bida, hindi namamatay.

Lakas-loob, nagpaalam ako sa among rumepeke na naman ang bibig noong hapon. Lahat ng masasakit na salitang binitiwan dahil sa kalahating araw ng hindi pagpasok, buong-buo, isinaksak sa lalamunan at saka nilunok, sa ngalan ng pagbabago ng kapalaran.

Hindi pa nabubuhay ang araw nang magpunta ako. Unang beses ko iyon. Hindi ko naisip may mauuna pa pala sa akin. Buong akala ko, maaga na ang dalawang oras matapos ang hatinggabi nang gumising ako para maghanda.

Ganoon na lang ang aking pagkahambal nang mabungaran ang bunganga ng kalyeng namumuwalan sa tao: lahat ay gustong makapanood at makiamot ng papremyo sa palabas na para sa akin. Popular ang programa, alam ko. Pero nakakapangilabot ang kapal ng mga katawang nagsisiksikan noong umagang iyon.

Ikaw ang bida, bulong ko sa sarili. Para sa iyo ang palabas na ito, wala kang dapat ipag-alala. Kahit nagmukhang kilo-kilometro ang layo ng tarangkahan ng pagdarausan ng palabas gayong ilang hakbang lang naman ang tunay na distansiya mula bukana ng kalsada, kung saan ako nakatayo, hindi ko binitiwan ang kapangyarihan ng pagiging bida.

Matiyaga akong nagtanong kung nasaan ang pila kahit halos lahat ay panay ingos ang itinugon. Walang pakialam sa kapwa, sarili lamang ang iniisip. Mga bastos ang mga taong ito, isip ko.

Pero nagtiis pa rin ako, Padre. Nagpasensiya ako sa lahat ng mga bumangga sa akin na hindi nagpaumanhin. Binata ko ang gutom. Hindi ko nadukot sa bag ang ibinaon kong tinapay dahil hindi ko halos maigalaw ang aking mga kamay at braso. Alam ko Padre, hindi lang naman ako ang nahirapan ng ganoon. At sa aming lahat ang mga papremyo ng palabas.

Dahil kami ang mga bida.

Ako ang bida.

Kampante na sana kaming lahat. Kahit ba sabihing kilo-kilometro nga ang layo ng tarangkahan mula sa kinatatayuan, pasasaan ba’t aabot pa rin doon.

Bahagya pa lang ang sikat ng araw nang magsimula ang kaguluhan. Mula sa mga bibig na halos nakadikit na sa aking mga teinga, narinig ko ang nakakakiliting balita: bubuksan na ang tarangkahan.

Inulit ko nang malakas ang balita: “Bubuksan na ang tarangkahan.”

Narinig kong may nag-ulit ng aking mga kataga. May nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit pa ng mga kataga ng pinakahuling nagsalita.

Hindi nagtagal, naramdaman ko ang paggalaw ng dagat ng aming mga katawan. Dagat nga ang tamang salita, Padre. Nakakatangay ang mga alon. Hindi na ako kumilos dahil itinutulak ako–hindi nagtagal ay halos ipinaghampasan–ng mga katawang nakapaligid.

Sumisigaw na ang ilan. Nasasaktan na raw sila. Sandali lang daw. Huwag naman daw masyadong magmadali at makakapasok naman kaming lahat. Pero walang teinga ang dagat, Padre. Lalo lang lumakas ang puwersang hindi malaman kung saan talaga nagmumula–sa kanan o kaliwa, harap o likod.

Ang layon lang ang sigurado: marating ang tarangkahan. Sa anumang paraan.

Iyon na nga yata ang tarangkahan ng langit, Padre.

At dumating ang bagong balita na higit nakakahilakbot kaysa nakakakiliti: may bomba!

Inulit ko nang malakas ang balita: “May bomba!”

Narinig kong may nag-ulit ng aking mga kataga. May nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit pa ng mga kataga ng pinakahuling nagsalita.

Hindi na lamang alon ang sumunod kundi daluyong na, Padre. Dumami ang sumisigaw at lumakas ang mga palahaw. Kung kanina’y puro pakikiusap ang maririnig, sa pagkakataon na iyon, puro pagmamakaawa na.

Ako ang bida, panay ang bulong ko sa sarili habang pilit na lumalangoy–lumalaban–sa daluyong ng dagat ng mga katawan. Nasiko, naitulak, nadagukan–ininda kong lahat, makarating lang sa tarangkahan. Kung mayroon mang bomba, siguradong wala iyon sa loob ng pagdarausan ng palabas.

Ipinagwalang-bahala ko ang mga matatandang babaeng naghandusay sa kalsada, ang kanilang mga mukhang natapak-tapakan, mga pustisong gumulong at halos naging pulbo, ang katawan ng mga paslit na nakaladkad at nabugbog sa sipa. Ang iba pang mga taong biglang nilampa ng takot sa bomba.

Ligtas ako sa loob ng pagdarausan ng palabas.

Napaibabaw ako sa likod ng ilang patung-patong na katawan ng mga nasubsob nang makita ko ang may kasalanan, Padre: isang lalaking may bigote. Panay ang hiyaw niya na may bomba, may bomba, tumakbo kayong lahat, habang nangunguna sa pagtakbo papunta ng tarangkahan.

Umakyat ang dugo sa aking mukha, Padre. Ang mandarayang ito, isip ko.

Napagtanto ko na noong wala namang bomba. Dahil kung tunay na mayroon, kanina pa sana iyon sumabog. Nakita ko na rin sa di-kalayuan ang mga nakauniporme. Pilit nilang pinakakalma ang biglang nag-alburotong dagat ng mga tao.

Gumapang akong paalis sa ibabaw ng katawan ng mga nasubsob at sa gitna ng patuloy na hugos ng mga tao, nagpilit akong lapitan ang lalaking may bigote na sumisigaw kanina.

Binigyan ko siya ng isang matinding suntok sa mukha. (Humingi naman po ako ng paumanhin, Padre, sa babaeng tinamaan ng aking siko sa mukha nang bumuwelo ako ng bira.) Pagkatapos ay dinaluhong ko siya at ginagap sa leeg.

Wala namang pumigil sa akin. Walang nakialam sa away namin. Nagpagulong-gulong kami sa kalsada, sa tulong na rin ng pagsipa at panunuhod ng mga taong hindi ko na nakita ang mga mukha.

Ilang beses sumalo ng suntok ang mukha ko pero hindi pa rin ako bumitiw sa leeg ng lalaking may bigote, Padre. Sa bawat suntok na pinakawalan niya, yinuyugyog ko siya sa leeg para humampas ang ulo niya sa semento.

Nang hindi siya bumitiw sa pagsabunot, lalo kong hinigpitan ang hawak.

Nalaman kong nalagutan na siya ng hininga nang lumupaypay ang kanyang kanang kamay. Nalaglag na lang ito basta. Bumitaw na ako sa mahigpit na pagkakataban sa leeg niya at saka muling nagpatangay sa mga sipa.

Umaalingawngaw na noon ang mga sirena ng pulis. Napansin ko na rin ang tunog ng elisi ng helicopter na nasa ibabaw lang pala at nakatanghod, habang lahat kami sa baba ay natataranta.

Pinatay ko na ang salarin, gusto kong isigaw sa lahat. Pinatay ko na ang kontrabida. Ituloy na natin ang palabas.

Opo, Padre. Isa ako sa mga nakapasok sa loob. Isa ako sa mga umasang itutuloy pa rin ang palabas, ang pamimigay ng premyo, sa kabila ng lahat ng nangyari.

Isa rin po ako sa mga hindi sumigaw ng pagsang-ayon nang sabihin ng paborito kong host na hindi muna itutuloy ang palabas dahil sa mga pangyayari noong umaga.

Puro mura ang lumabas sa bibig ko, Padre. Tinadtad ko ng mura ang paborito kong host, pinaulanan ko ng sumpa ang matangkad na babaeng maputi na kunwari ay nanginginig pa ang boses sa pagsasabing mahal nila kami, na mahal niya ako. Na ako pa rin ang bida sa palabas nila.

Kung kami talaga ang mga bida, kaming mga naghirap para makapasok sa loob ng pagdarausan ng palabas, lalo na ako, dahil ako ang pumatay sa may kasalanan para lamang matuloy ang palabas, susundin nila ang gusto namin. Ang gusto ko.

Itinuloy nila dapat ang palabas.

Panay pa rin ang hiyaw ko ng iba’t ibang mura nang papilahin kaming lahat para lumabas.

At isinusumpa ko, Padre–paumanhin po kung sumumpa ako, hindi ko po sinasadya. Gusto ko lang pong sabihin na totoo itong susunod kong sasabihin: lumingon sa akin ang host ng palabas. Narinig yata niya ang aking walang habas na pagmumura.

Nang makita ko siya sa telebisyon kinabukasan, doon sa programa ng babaeng maputi na saksakan ng daldal at lalaking kalbong hindi ko maintindihan ang mga pinagsasabi, umiiyak na ang paborito kong host.

Hindi na raw niya kayang ipagpatuloy ang pagiging masaya ng kanyang palabas pagkatapos ng lahat ng nangyari.

At iyon po ang aking kasalanan, Padre. Sinaktan ko ang damdamin ng paborito kong host.

Si Chuckberry J. Pascual ay 5’9″, 180lbs at fair.

35 Comments

  1. para kay jamaica tan >>

    sa aking pakiwari

    …ay isa kang masugid na tagahanga ni willie
    …ay hindi mo naintindihan ang maikling kuwento.

    kawawa ka naman.

  2. Jamaica Tan,

    Did you even try reading the story? You are missing the point. It’s not a criticism of the host; it’s a critique of how people have misplaced their sympathies. Who do you think are the real victims of the Ultra tragedy? Is it Willie and ABSCBN or is it those who died in the stampede including their families and all Filipinos who have lost hope and would rather rely on luck?

    You want a commentary? I’ll give you one: the success of shows like “Wowowee” does not prove how optimistic or hopeful we Filipinos have become; on the contrary, it attests to our desperation and hopelessness to better our lives through our own persistence and perseverance. Deliberate or not, shows like “Wowowee,” just like lotto, jueteng, and other games of chance, promote a culture of poverty and mendicancy.

    Jamaica, Jamaica, I pity you. You might well be the main character in the story.

  3. ang galing ni sir chuck!!!hehe
    im so proud of you…
    nkakatouch…hihi
    gwa ka pa po…

  4. hey sir chuck…

    grabe.. im very proud of you!!! hihihihi… ang ganda po.. sana libro nlng gnawa nyo!! ur d best!!!
    hehehe.. keep up the good work!! AJA!!

  5. hi sir.. ang ganda po ng gawa nyo.. sana po makagawa pa kau.. ^_^

  6. maganda ang kuwento. marunong umatake at malinaw na natural na kwentista ang awtor. me isang punto lang ako na gustong linawin(bagamat aware ako na fiksyon nga po ito), totoo bang may sumigaw na “bomba!” snung mga oras na yun? Sa tingin ko’y mahalagang pansinin ito…kung para man lamang sa accuracy ng naturang trahedya.

  7. I like the story a lot.. im looking forward to read another story from you. keep up the good work.

  8. Mr. chuck..sir..alam nyo po, napanaginipan ko kau last week? medyo weird nga po at masama eh..anyways, mahusay at pulido ang inyong pagkakagawa sa istorya..ito ay sumasalamin sa saloobin ng mga pilipinong, “bida” umano sa programa ng paboritong host nyo..kumbaga sa biology, ang tawag dito e mutualism..batay sa kanilang mga sinasabi, “programa ng bawat pilipino”, ang lumalabas ay ang mga pilipino lamang ang nakikinabang sa kanilang ginagawa..mali sila..ginagamit din nila ang mga tao para kumita..walang may gusto ng nangyari..pero maari sanang maiwasan iyon..kung nag karoon ng responsableng pamamahala ang “programa ng bawat pilipino”..

  9. ahmm….

    kung pwede wag mo namang siraan si willie…

    di naman sya ang may kasalanan eh…walang may gusto sa ngyari…

    pls….mabait na tao si willie

  10. Mr. chuck may ipapaabot lang sana po ako! Ang panitikan at talento ng tao sa pagsusulat ay hindi dapat gawing kasangkapan upang manira ng ating kapwa tao. Dapat mo munang punain ang iyong sarili at kung masasabi mong ikay perpekto saka mo siraan ang iyong kapwa. Totoong may kalayaan tayong maglahad ng damdamin pero aanhin mo ang kalayaan iyon kung mananakit ka lang. Matatawag mo rin bang kalayaan mong manakit ng tao sa ano mang paraang gusto dahil nga may kalayaan ka? Sino ka ba para hindi tumanggap ng paumanhin? bakit hindi mo tulungan ang taong nadama? Abutan mo ng kamay para makatulong hindi na sermonan mo siya’t sabihnig tanga siya at nadapa!
    At panghuli Mr Chuck. Sa tingin mo mabuti ba ang ginagawa mo na manira ng isang personalidad? Nagagawa mo bang makatulog sa gabi ng hindi naiisip na may sinaktan kang tao hindi may pisikal pero kahit na literal. Alalahanin mo na ang isang salita’y kayang kumitil ng buhya.
    Isapuso mo sana ang ideolohiyang:

    “kapag nanakit ka, hindi ka makakatulog sa gabi, pero kapag ikaw ang sinaktan, makakatulog ka”

  11. napakaganda ng kwento ngunit ang mga damdaming nakapaloob dito ay sadyang nakapnanakit ng damdamin, tama si ralph at si jamaica, di tayo dapat manghusga… sa iba, uu ngat isa itong maikling kwento ngunit di naman natin maipagkakaila na ang mga damdamin nito ay mayroon ngang pinatatamaan, ang literatura ay dapat maging kasangkapan upang mapagkaisa ang mga taong magbabasa nito, kung itoy magbubunga lamang ng mga kaisipang nakapananakit, naksisira sa katauhan ng iba, kahit nakasasakit sa napakaliit na paraan, di ito karapatdapat ilathala. paumanhin kung may mga magagalit sa reaksyon kong ito…

    kung sa bagay ang bawat isa ay may karapatan na magkaroon ng kani kanilang reaksyon…

    ^^

  12. mganda ang kwento
    alamang kong hindi
    nais ng awtor ang craan
    ang isang tao..ipinapahayag
    lamang nya dito ang mga
    damdaming nara2mdaman
    ng libo nating kababayan
    sa nangyari,,.kung uunawain natin
    mabuti..walang masama sa mga
    cnulat nya.,.hmm sabagay my kanya
    kanya taung pana2w..

  13. ako man ay nasaktan din, lalo na’t alam natin na walang may gusto ng nangyari right? true to life cia at talagang may matatamaan.. pero sa kwentong ito, mararamdaman mo kung ano ang naramdaman ng mga taong andun sa pangyayari.. ang galing! manghihinayang ka na lang sa huli at iisiping sana’y kwento lang talaga ang lahat at sana maibabalik pa yung oras pero imposible na un.. let’s move on..

    by the way, to u chuck, two thumbs up!!! keep up the good work!

  14. hehehehehhe….. meron ba kaung mas maikling kwento…????

    yung mga 3- 7 paragraphs lang……

    mero magan da ang kwento…. masaya…

    (‘_’) :) heheheheheh

  15. “Wowowee, sinong ‘di mawiwili?
    ‘Pagkat sa game na ‘to ay di ka magsisisi.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.