Ang Trahedya ng Computer sa Kanto

Inaatake ngayon ang mga Internet cafe sa bansa. Sa panghihimok ng Microsoft, sinimulan noong Agosto ng National Bureau of Investigation ang pananalakay sa mga maliliit na computer shop dahil sa paggamit ng piniratang software. Sa Kongreso naman ay may panukalang ipagbawal malapit sa mga paaralan ang mga Internet/gaming station.

Tulad ng texting, pambihira rin ang paglobo ng mga manlalaro ng online game sa bansa. Ito ang sumalba sa pabagsak na kita ng mga Internet shop noong 2003. Biglang nahumaling ang mga kabataan sa Ragnarok, Tantra at iba pang laro sa Internet. Kung kaya’t hindi lang doble kundi triple ang pagsulputan ng mga computer shop.

Ngayon, humigit kumulang walong libo ang mga Internet station sa bansa. Inaasahan na lalaki pa ang bilang na ito sa pagdebelop ng MMOG o massive multiplayer online gaming.

Tapos eto ngayon ang Microsoft at ang gobyerno. Nagbabanta, naniningil at pumapatay ng negosyo.

Mabilis ang reaksiyon ng mga maliliit at kabataang negosyante. Nagbuo sila ng mga organisasyon sa bawat kanto, hanggang umabot sa lebel ng munisipyo, probinsiya at ngayo’y may pambansa ng katangian.

Ito ang pinakamainam nilang hakbang kung nais nilang isulong ang kanilang interes at makakuha ng mas magandang kasunduan sa PLDT, Level up (kumpanya ng Ragnarok), gobyerno at maging sa Microsoft.

Dapat ibunyag nila ang kahungkagan ng pulisiya ng pamahalaan: iniipit ang mga computer shop upang kumita ang isang banyagang korporasyon samantalang wala naman itong ginagawa para pangalagaan ang kapakanan ng mga maliliit na negosyante. Wala man lang inilaang programa o pautang kung paano makakalikom ng pera ang mga computer shop upang mabayaran ang Microsoft (sampung libo kada isang computer).

Ang mga drayber ay pwedeng dumulog sa Land Transportation Office, may Movie and
Television Review and Classification Board ang telebisyon at pelikula, at National Telecommunications Commission ang mga cellphone. Pero paano ang mga computer shop? Walang nag-aasikaso sa kanilang problema dahil ang pokus ng pamahalaan ay kung paano sila tutugisin.

Kailangang kilalanin ang tulong at potensiyal ng mga Internet café sa pag-unlad ng bansa. Bukod sa ambag sa ekonomiya, malaki ding kabutihan ang naibibigay nito sa larangan ng edukasyon at komunikasyon. Hindi rin pwedeng ikaila ang papel nito sa digital revolution na bumabago sa pamumuhay, gawi, at kaisipan ng maraming Pilipino.

Masama raw ang Internet café sa pag-aaral ng mga bata kaya kailangang ipagbawal ito. Para sa isang bansang kilala sa mga depektibong libro at kulang-kulang na pasilidad, dapat mag-eksperimento kung paano pauunlarin ang paghahatid ng edukasyon. Imbes na ituring na hadlang sa karunungan ang mga computer shop, dapat kilalanin ito bilang kaagapay sa pagdebelop ng edukasyon sa bansa.

Pwede naman kausapin ang mga computer shop na ipagbawal ang paglalaro ng mga estudyante sa oras ng pasukan. Dahil kulang ang computer sa loob ng eskuwelahan, pwede naman sigurong ipagamit ng mga computer shop ang kanilang pasilidad sa unang dalawa o tatlong oras sa umaga ng libre para sa mga estudyante. At dapat magbalangkas ng plano ang mga guro kung paano isasama ang computer game sa kurikulum upang maging kapaki-pakinabang ang paglalaro ng mga estudyante. Ito ay ginagawa sa United Kingdom.

Sa tuwing may ipinapasarang computer shop sa komunidad, maaaring lumaki ang tubo ng Microsoft at komisyon ng National Bureau of Investigation. Pero bumabagal naman ang pag-usad ng edukasyon, komunikasyon at ekonomiya ng bansa. Ito ang mas malaking trahedya kaysa sa nalabag na intellectual copyright o ano pa mang batas na sumasakop sa mga Internet café.

Pwedeng sulatan si Mong Palatino sa mongpalatino@gmail.com o bisitahin ang kanyang blog (www.mongpalatino.motime.com) .

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.