Kung ang mga tala ay papatak sa 'king pisngi,
at kanilang papawalan ang hikbi at lumbay,
ay yayakapin ko na ang langit at ngingiti,
sabay ang pangakong sa iyo 'di na bibitaw.
At sa 'king pagtulog hahayaan kong sumiping,
at busugin mo ng iyong mga alaala,
ang aking isipan na dekada nang nahimbing,
dahil sa iyong paglisan na d ko kinaya.
Kung ang buwan ay bababa at sa 'kin dadapo,
hahagkan ko na ang kalawakan nang mahigpit,
tatanganan, kailanman hindi isusuko,
ibubulong, ika'y mahal at walang kapalit.
Daig mo ang tala't buwan 'pag ika'y kaharap,
kinang mo'y 'sing taas at lawak ng alapaap.