manhid sa keyboard na sinasalat
ang mga daliri kong
sa lambot at kinis
ng hugis mo'y sanay.
pagod na ang mga mata
sa katititig sa iyong
litratong nakangiti,
hindi natitinag
sa maliwanag na monitor
na kaharap.
bingi sa katahimikang
isinisigaw
ng bawat titik at salitang
makinilyado
ang tainga kong sa boses mo'y
bumabatingting sa galak.
sa pagitan ng takatak ng keyboard
at sumbat na titig ng monitor
kumukurap-kurap
ang cursor sa chat window
habang iniisip ko
ang susunod na sasabihin sa iyo.
Mahal, malas at hindi pa naiimbento
ang napipindot
na halik at yakap.