Saksi ang lugar na ito sa inosente nilang harutan. Sa maaga nilang
pagharap sa katotohanang mahirap ang buhay. Ito ang nagsisilbing kanlungan
ng kanilang pagkabata. Dito sila unang nadapa, umiyak at muling bumangon.
Dito sila nagbabanat sila ng buto sa murang edad. Ito ang kanilang
mundo.
Ang lugar na nilalayuan ng tao, ngunit tahanan at pag-asa kung kanila'y
ituring. Ang Aroma sa Tondo. Ang Bundok ng basura ay ang bundok din
ng mga simple at munting pangarap. Ang kanlungan ng kanilang mga ligaya.
Nakakalungkot isipin na marami sa mga kabataan na ginugol ang kalahati
ng buhay sa pagtratrabaho. Imbis na libro ang kanilang hawak ay sako
at basura ang laging kasama. Imbis na nakikinig sila sa klase ay ingay
na malalaking trak ang naririnig. Maalikabok at
maruming lugar ang laging natatanaw. Mabaho at masangsang na basura
ang laging naaamoy. Krimen at karahasan ang laging nakikita. Hindi
laro kundi pagbubuhat ang paraan ng pagpapapawis. Masakit na katotohanan,
ngunit sanay na sila sa pangit na kalagayan.
Alam mo ba ang katapat ng kanilang mga hirap ay ngiti?! Ang katapat
ng pagod ay tawanan?! Ang katapat ng kirot ay mga halakhak?! Oo, ligaya
ang panakip nila sa kasalukuyang situwasyon. Ngunit hindi iyon masarap
pakinggan dahil alam mo na sa likod ng halakhak ay tawanan ay may
kabataang nasasaktan at nahihirapan? Napapagod at nagdaramdam.
Mabigat sa kalooban na makita ang bundok ng basura. Hindi dahil sa
madumi ito, kundi dahil alam mo na sa likod ng bunton ng plastik,
balat ng kendi, at bote ay isang pangarap na pilit tinutupad. May
mga ambsyon na sanay huwag manatiling basura nalamang.
Alam ko na sa tuwing nadaragdagan ang basura sa Aroma, nadaragdagan
din ng pag-asa ang mga kabataan na ang tanging lakas ay kasiyahan
at ligaya.
---------------
Si Mark Raywin, 16, ay freshman sa Philippine Normal University.