TINIG
Ang Pinakamagandang Bulaklak

Darating at magpapalit ang uri ng lipunan. Tao lang naman ang gumagawa nun.

Palaging humahanap ang tao ng isang kalagayang inaakala niya ay mas mabuti kaysa dati, at kung maari ay sa higit na nakararami.

Kaya, di mo puwedeng alisin ang kaguluhan sa alinmang lipunan--darating at darating ang panahon na papalitan na ang isang bagay na hindi na gumagana at nawawalan na ng silbi.

Siyempre, maraming pagtutol at natural lang naman, iyon, dahil bawat tao ay may kanya-kanyang interes na pinoprotektahan. Hindi palaging plantsado at makinis ang daan tungo sa pagbabago. Pagbabanggaan ito ng iba’t-ibang puwersa. Isang laro ito ng kung sinuman ang kumukontrol sa kabuhayan at politika ng bansa. kaya palagi mong maririnig na pumapapel nang husto ang pinakamalalaking tao:tulad ni Tita Cory, kailangan niya kasing proteksyunan ang angkan niya sa nangyaring massacre sa Hacienda Luisita kung saan ay pinagbabaril ang mga nagwewelgang manggagawa; si FVR, dahil nasasangkot ang pamilya niya sa mga logging na pinaniniwalaang may pananagutan sa pagkaubos ng mga puno sa ating mga bundok; ang MBC, kailangang siguraduhin nila na kung sinuman ang umupo sa puwesto ay papabor sa pagninegosyo at hindi sa mga empleyado lamang.

Ang militar ay ganundin, dahil nakikinabang sila sa mga tiwaling pulitiko, negosyante at sa mga iligal na pinagkakakitaan tulad ng jueteng. Di rin pahuhuli ang mga grupong simbahan dahil marami silang charitable organizations at proyektong nangangailangan ng malakihang pondo, kapalit man ito ng kanilang boto o kaya ay pananahimik sa harap ng mga katiwalian (sila lamang ang makapagsasabi, tanungin ninyo sila). At ang panghuli ay ang Kaliwa, na nakikita ang kaguluhan bilang pagkakataon upang palawakin ang impluwensya at makalikha ng diumano’y isang sitwasyong rebolusyonaryo at himuking mag-alsa ang mga tao.

Hay, lawit na ang dila ng taumbayan sa hirap, masasakit na ang balikat tulad ng kalabaw sa kapapasan ng kahirapan na parang sumpa na di maalis-alis. Di na sila agad mapapaniwala nang kung sino upang mag-alsa, dahil ang tingin nila ay pare-pareho lang silang manggagamit ng tao. Kaya, obvious ba na ibinebenta lagi nila ang kanilang boto tuwing eleksyon, at kung may kaguluhang tulad nito, ay sila ang mga kahakut-hakot at sapagkat kami'y bayaran lamang (KBL)? Kuhang-kuha nila ang ugali ng mga taong nagsasamantala sa kanila.

Pero di naman lahat ay ganun. Meron pa ring buo ang pagkatao, kahit hirap di umaatras, kahit salat, gagawin ang lahat para mabago ang umiiral na kalagayan sa kabila ng mga rambulan sa itaas.

Sa gitna ng mga nagbabakbakang puwersa ay ang mga karaniwang pinoy, na gusto lang namang mabuhay sana nang tahimik, maayos at may pagkakataong umunlad na parang malabong magkatutoo sa Pilipinas.

Kaya nga nag-aral ng Nursing, kahit di hilig, ihihilig na rin,kahit lawyer na, doktor na, accountant na, magna-nurse pa rin. Kasi naroon ang datung, naroon ang pagkakataong makalabas ng Pilipinas.

Kaya nga araw-araw ay punumpuno ang US Embassy ng mga Pilipino na para bang nag-uunahang lumabas sa isang nasusunog na bahay sa halip na patayin ang apoy.

Kaya nga pinakamarami ang Pilipino na nagtatrabaho sa mga barko sa buong mundo, dahil ang Pilipinas ay tulad ng barko na lumulubog, at kailangang mag-apurang tumalon at makalabas ang mga tripulante at mga pasahero bago malunod.

Dahil sinlabo at simbaho ng ating mga namamatay na ilog ang ating pag-asa.

Dahil sa may pagkabaldado na ang tinatakbo ng politika at kabuhayan ng bansa ay siguradong may gutom ang higit na nakararami sa mga darating na araw.

Pero, hay, salamat na lang palaging may pero.

Sa panahon ng kaguluhan sumisibol ang mga dakilang ideya.

Sa panahon ng kaguluhan lumilitaw ang mga dakilang tao.

Sa panahon ng kaguluhan, nagsusulputan ang maraming-maraming kamay na bumubukas at umaabot sa iba pang mga kamay bilang tanda ng pag-agapay at pagkakapit-bisig sa mga panahong mapanubok, dahil patuloy tayong pinagtutulakan at sapilitang inuugit ang magiging buhay natin ng iilang tao lamang.

Pero, ewan ko, para bang palagi na lang ganito.parang sayang lang ang pagod. Siguro matigas lang talaga ang ulo ko at tulad ng iba pang mga kaibigan at matagal nang kakilala. totoo, tayo ay samahan ng mga walang kadala-dala.

Pero sa kaila-ilaliman ng kalooban ko, alam ko na walang bagay na walang silbi. Hindi totoo na ang mga Pilipino ay santambak na walang silbi dahil hinahayaan nating tayo'y ganituhin. Kahit sa patuloy na pagkabigo ay may dunong ding makukuha. Lahat ng likha ng Diyos, tao man o bagay ay may silbi sa iba't ibang kaparaanan. Walang sayang. Walang nasayang sa ating mga panalangin at pagpapagod para sa ating pangarap para sa sarili, pamilya at para sa bansa kung tayo'y nagpapatuloy habang ang mga naglalabanang puwersa ay gusto tayong tratuhing mga bagay na para bang pag-aari nila.

Matututo rin tayo.

Kahit sa gitna ng mga nag-uumpugang bato sa gubat, may mga kakaibang mga halaman at ligaw na bulaklak ding tumutubo sa itaas.

Malay natin, nagbabago ang lahat ng bagay--ang naaabot ng ating mga pananaw, pamamaraan, at pagbibigay-solusyon sa ating kalagayan.

May isang pelikulang pambata na ipinalabas ng Walt Disney na ang pamagat ay Mulan at ganito ang sinasabi:

"Ang pinakamagandang bulaklak
ay yung namumukadkad
sa panahon ng sigwa."

---------------
Si Odie, 41, bagong tatay, ay Pinoy na Pinoy pa rin kahit siya'y nagtatrabaho bilang Internet tech support sa ibang bansa.

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan