TINIG
Sa Pagitan ng Yosi at Kape

Mas masarap palang kapartner ng yosi ang kape. Ito ang aking napatunayan sa halos isang linggong paglalagalag sa hilagang bahagi ng Quezon. Marlborong bukid (Fortune) at matapang na kape tuwing umaga at hapon, samahan pa ng sariwang hangin-bukid at masayahing mga ka-buddy, sa ganang akin iyon ay sapat na. Subalit habang tumatagal ang aking dalaw, napaglimi kong napakaliit na sakripisyo pa pala ng mga ito.

Sa petibugoy na katulad ko, magaan pa talaga ang diet na iyon. Ayon na rin sa kwento ng ilang mga tropa, dumarating ang panahong isang beses lang silang nakakakain sa maghapon, lalo na kapag may mga depensiba. “Siyempre wala nang panahong magluto kapag umaatake na ang mga kaaway. Bahala na ang masa sa amin,” ang naaalala kong sinabi ni Driggs sa aming kwentuhan sa pagitan ng umaasong kape. Sabagay, iisipin mo pa nga ba naman ang kalam ng iyong sikmura kapag hinahabol ka na ng kamatayan? Bigla ko tuloy naalala ang mga sunud-sunod na parangal-libing sa mga masang-aktibista na pinapatay dito sa Quezon. Pinagkrus ko ang aking mga daliri.

Sina Driggs at Jeff ang nagsilbi naming yayo simula una hanggang huling araw. Parehong nasa sektor ng kabataan pa lang ang dalawa simula nang maugnayan sa pambansa-demokratikong lihim na kilusan. Mula sa mayamang uri na magsasaka, binatilyo pa lang si Driggs nang maugnayan at tuluyan ng nag-fulltime sa kanayunan. Ilang taon na rin siya dito at hanggang sa ngayon ay mababakas pa rin ang taas-moral na paglilingkod sa masa. Si Jeff naman ay nagmula sa kabataang-estudyante. Dahilan sa abot-leeg na pagtaas ng matrikula, represyon, komersyalisasyon at kagustuhan na ring itaas ang antas ng kanyang pakikibaka ay nagpasyang lisanin ang maluhong mundo ng burgis. Sa aking tantya, hindi kami nagkakalayo ng edad.

Mula sa lokalidad, na-interbyu ko si Mang Johnnie. Pangunahin niyang gawain ang magsilbing MB o milisyang bayan. Sila ang nagsisilbing mga “postehan” o tagapangalaga sa seguridad sa ibaba lalo na kapag may mga dumarating na mga kaaway. Sapagkat pinanday ng kahirapan, tanggap ng kanyang pamilya ang kanyang buhay, lalo pa’t pinatay ng mga CAFGU ang kanyang pinsan. Wala siyang sariling lupa, kung kaya puhunan niya rin ang kanyang pagod at lakas upang maitaguyod ang kanyang pamilya.

Sa pusod ng gubat, mahalumigmig ang klima kahit tanghaling tapat. Nahirapan tuloy akong patuyuin ang iilang pirasong damit na aking dala. Palibhasa’y hindi ganap na nakapaghanda, napilitan pa akong manghiram ng sabong panlaba sa isang kasama, kay Miles. “Mahal kita pero mas mahal ko ang trabaho ko,” ito ang hindi malilimutang parting words ni Miles sa kanyang dating karelasyon sa ibaba, nang siya ay papiliin nito sa kayang gawain o ang kanilang pag-iibigan. Mula sa pambansang minorya, noong una’y hindi tanggap ng pamilya ni Miles ang kanyang piniling buhay. Subalit sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila, sa kalauna’y natanggap na rin nila ito. Bata pa lang siya, pinangarap na niyang pumasok sa armaduhan, kung kaya hindi na niya pinalampas ang pagkakataon ng minsang dumalaw ang mga kasama sa kanilang lugar. Sabi pa niya, “Kung malaki ang pangangailangan sa labas, mas dito sa kanayunan, lalo na ang mga kabataan. Dito, mas kitang-kita ang hirap at ang pagsasamantala sa mga mamamayan.” Sa ngayon, inspirasyon ni Miles sa kanyang masikhay na pagkilos ang kanyang dating karelasyon na namatay sa engkwentro.

“Pagod at pagal na ang aking katawan, ngunit tinuruan mo akong lumakad at humakbang para sumulong.” Ito ang paboritong linya ni Boloy. Mula sa sektor ng manggagawa, limang taon siyang nag-organisa sa pagawaan, namuno sa mga welga’t rali hanggang sa huli’y napagpasyahan ding hindi sapat ang pakikibaka sa lansangan upang makamit ang pagkakapatas. Noong una, integrasyon lang din ang kanyang pakay sa kanayunan, subalit naging malaking impluwensya sa kanyang pagpapasya ang pasistang pagkakapaslang sa human rights worker na si Eden Marcellana. Ayon pa rin sa kanya, malaki ang bahagi ng mga kabataang nakapag-aral sa ideolohiya at pulitika sa loob, pangunahin na sa bahagi ng literasiya na siyang kakulangan ng mga ilang mga kasama, lalo na iyong mga nagmula sa uring magbubukid. Mensahe niya sa mga kabataan na “tumungo sa kanayunan upang makatulong at mag-ambag sa pakikibaka ng mamamayan.” Paborito niyang sigarilyo ang Marlboro noong nasa lokalidad pa siya. Sa ngayon, maligaya siya kahit wala siyang babae sa kanyang buhay, ayon na rin sa kanya.

Paborito ring sigarilyo ni Ka Airies ang Marlboro. Sa ngayon, wala na siyang karapatang mamili. Aniya, kung ano ang supply, iyon ang kanyang pinagtatyagaan. Nagmula sa uring magsasaka, noong una’y hindi niya hinangad na mag-FT sa armaduhan. Subalit napilitan siyang lisanin ang pamumuhay sa ibaba nang matapos sunugin at gibain ng mga militar ang kanyang bahay ay pinagbintangan pa siyang kasapi ng New People’s Army. Anupa’t masang aktibista pa lang siya ay nasa OB hitlist (Order of Battle) na siya ng mga militar. Sa ngayon, hindi niya naiiwasang mangulila sa kanyang pamilya subalit para sa kanya, una ang kapakanan ng rebolusyon higit anupaman. Hangad niya ang tuluy-tuloy na pagkilos ng mga kasama saan mang uri ng pakikibaka ang piliin, at ang pagtaas pa ng antas ng kamalayaan ng mga kabataan para sa panlipunang pagpapalaya.

Ito rin ang hangad ni Ka Daniel na kung sa katagalan naman sa paglilingkod ang pagbabatayan ay siguradong sobrang pasado. Mula sa uring magsasaka, matapang ang dugong nananalaytay sa kanyang ugat. Halos buong pamilya niya’y kumikilos para sa rebolusyon, aniya. Isang beteranong mandirigma, isa na lang daw ang kulang sa kanya, ang karelasyon na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin niya matagpuan.

Hindi ko makakalimutan ang aking interbyu kay Iraya o Hiraya. Paano ko ba makakalimutang Hiraya din ang minsang itinawag sa akin ng isang kasama rito sa lokalidad. Bukod pa riyan, pareho rin kaming nagmula sa kabataang-estudyante. Bente-otso anyos na si Iraya, may isang anak, kabiyak ng isang kasama sa yunit na iyon. Kasasampa lang niya ulit, dahilan na rin sa maselan niyang pagbubuntis at ilang mga personal na problema. Masang–aktibista pa lang siya ay tutol na ang kanyang mga magulang. Hindi na niya natapos ang kanyang kursong Komersyo dahilan na rin sa kahirapan ng buhay. “Self-supporting student ako,” ang banggit niya. Tuluyan na nga siyang itinakwil ng pumasok siya sa armaduhan. Sa kabila nito, alam niyang darating ang panahong matatanggap ng kanyang magulang ang kanyang piniling buhay. Philipp din ang kanyang paboritong sigarilyo. Pumasok sa kanayunan at tahakin ang pinakamataas na antas ng pakikibaka--iyan ang kanyang iniwang hamon sa mga peti-burgis partikular na ang mga kabataan.

Maaring isipin ng iba na kabaliwan o katangahan ang kanilang pagyakap sa ganitong uri ng pamumuhay, subalit sa para sa kanila, isa itong pagsasakripisyo para sa ngalan ng paglilingkod sa malawak na hanay ng mamamayan.

Sa pagsusuma, bagama’t napakaikli ng panahon ng aking pagdalaw at paglalagalag, higit kong naunawaan ang kahalagahan ng bawat oras. “Seize the day, seize the hour” kumbaga, sabi na rin ni kasamang Mao. Lalong higit sa mga kabataan, kinakailangan lagi ang mapagpasyang pagkilos. Nasa indibidwal pa rin naman ang pagpapasya kung mananatiling bulag at bingi sa paligid o tutugon sa mapanghamong panahon. Parang yosing magpapamulat sa reyalidad ng buhay at kapeng magpapagising sa natutulog na katinuan ng sinuman.

At natapos ko rin ang aking artikulo sa pagitan ng pagsimsim sa pangatlong mug na kape at pulang Marlboro. Ahhh, madaling araw na! Ilang saglit pa at sisilay na ang mapulang pagbubukang-liwayway ng silangan. Hindi na siguro ako makakatulog.

---------------
Si Liyang ay isang manunulat-pangkampus, lider-aktibista sa isang burgis na kolehiyong pag-aari ng pulitiko, adik sa Shawarma, at tambay ng Quantum

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan