Nakakulong ngayon ako sa apat na sulok ng aking silid at sinisikap
na makabuo ng isang artikulong maghahayag sa mga mambabatas ng mga
sawing panaghoy at bulong ng kapwa ko kabataang migranteng naninilbihan
at nandarayuhan dito sa bansang South Korea. Nagsisikap ako at baka
sakaling pakinggan ang karapatang ilang taong ipinaglaban ng mga nauna
sa amin. Nag-iisip ako kung paano isisiwalat ang mga pangambang halos
araw-araw naming iniisip at kinakaharap.
Nagsimula ang mga pangambang ito buhat noong kami ay nagdesisyong
magtrabaho at manitili sa bansang ito ng walang legal na pahintulot
ang pamahalaang Korea. Pero ano ba ang nagtulak sa amin para yakapin
ang ganitong sitwasyon? Ilan sa mga dahilan ay upang makapagtrabaho
at makahanap ng isang kompanya at amo na mayroong panggalang sa aming
pagkatao. Ang kompanyang makapagbibigay sa amin ng isang simple at
ligtas na lugar upang kami manatili at irespeto ang karapatan naming
bilang manggagawa. Kasama na rin dito ay ang kompanyang magpapasahod
sa amin ng naayon sa oras ng aming ipinagtrabaho. At higit sa lahat
ay ang kompanyang mamahalin kami bilang tao.
Subalit taliwas at eksepsyunal sa aming paniniwala, karamihan pa
rin sa amin ay naabuso at naging biktima ng sistema ng ilang mga ganid
na amo. Ang gipit na sitwasyon ang kanilang sinamantala upang mapayaman
at paunlarin ang maliit nilang negosyo. At dahil nga mura at puwede
ang delayed na sahod namin ay nakasalba ang kanilang kompanya hanggang
sa mapabilang sila sa ilang mauunlad na pagawaan dito sa orea. At
eto pa rin kami: patuloy na kumakapit sa patalim at ang karapatan
ay tila ibinaon na lamang sa aming mga puso habang umaasa at patuloy
naghihintay ng isang malinaw at deretsahang aksyon ng ating pamahalaan.
Ang mga pangyayari at sitwasyong ito ay hindi na lingid sa buong
peninsula, at maging mismo sa bayan natin. Ganyundin hindi na rin
maikakaila ng bansang ito na kailangan pa rin nila ang serbisyo ng
mga dayuhang manggawa. Ang masakit nito, bakit tila ang mga mambabatas,
lalong higit ang tanggapan ng Minsitry of Justice ng Korea at lalong
higit ang sarili nating pamahalaan ay hindi nakikita at nararamdaman
na katulad din kami ng kanilang mga anak--mga ordinaryong kabataan
na sa murang edad ay nakipagsapalaran at nanilbihan sa kanilang mga
maliit na pagawaan, mga kabataang halos pitong taong nag-alay ng talino,
oras, sarili at may malaking ambag sa kanilang lakas paggawa? At ano
ang kapalit nito? Ang huminto sa aming pag-aaral at iisantabi ang
mga pangarap na makapagtapos-- mga kabataang tinalikuran ang saya,
habang nagpupumilit na tumulong sa pamilya namin na nasa Pilipinas,
mga kabataang biktima ng kahirapan.
Mapalad naman ang ibang nabiyayaan ng bagong batas (Employment Working
Permit) na pinairal ng Ministry of Justice ng bansang Korea at agad
na tinanggap ng ating pamahalaan sa katauhan ni Labor Sec. Patricia
Sto. Tomas. Ang batas na tila para lamang sa kapakanan ng kanilang
bansa para maisalba sa kahihiyan sa buong mundo. Ang batas na aalo
sa pandaigdigang pamilihan na kalimitan ay ang mga bansa din namin
mula sa Asya Pasipiko at mga mahihirap na bansa na may malaking bilang
na maggawa dito sa Korea. Ang batas na naghatid ng isang malaking
domino effect sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya dahil sa pagbagsak
ng maliliit na pagawaang pinaggagalingan ng mga raw materials ng mas
malalaking kompanyang kinaroroonan namin. Ang batas na naghatid ng
malaking labor shortage sa mga manufacturing sector. Ang batas na
naghahatid sa amin ng isang malaking pangamba sa napapabalitang mass
repatriation sa buwan ng Agusto.
Sa kabila ng mga panaghoy ng ito ng manggagawa Pinoy dito sa Korea
ay bakit patuloy pa ring itinutulak ng pamahalaan natin ang ilang
libong pinoy na dumagsa sa tanggapan ng POEA noong nakaraang buwan?
Bakit hindi muna ayusin ang problema at kalagayan ng ilang libong
maggawa na nagtiis at napabilang sa palabigasan ng kaban ng bayan?
Baket hindi muna ayusin ang sitwasyon ng mga TNT o illegal na manggaawa,
lalong higit ang problema ng mga naguguluhanmga kababayan natin na
nakakuha ng E9 visa (EPS)? Kailangan muling pag-aralan at sana'y siguruhin
ng ating pamahalaan kung maibibgay ba talaga ang karapatang ito at
kung masasagot ba ng bagong batas na ito ang panaghoy ng mga kabataan
at pagkalahatang migrante rito sa South Korea.
---------------
Dalawin si Jun sa Dzune
Online.