Gaya nang marami, masaya ako nang manumpa na si Gloria Macapagal-Arroyo
bilang bagong Pangulo noong Enero 2001. Ipinangako niyang pangungunahan
ang laban sa kahirapan, iaangat ang batayang moral sa pamumuno, isusulong
ang bagong pulitika, at magiging halimbawa ng isang mabuting pinuno.
Hindi maitatangging may pagtatangka ang pamahalaang Arroyo na totohanin
ang pagsugpo sa kahirapan. May mga kongkretong programa ito na kung
maipagpapatuloy ay makakatulong, bagamat hindi tuluyang makalulutas
sa problema ng kahirapan.
Nagbigay rin ng maraming trabaho ang administrasyong Arroyo. Nakita
ninyo 'yung maraming nagwawalis sa kalsada ng Kamaynilaan noong panahon
ng kampanya? Programang pangtrabaho ng Pangulo iyon. Ewan lang natin
kung nasaan na ang mga magwawalis isang taon pagkatapos ng eleksiyon.
Oo't may pagtatangka sa kanyang unang pangako, bumagsak si Gng. Arroyo
sa tatlo pa niyang inilatag na balak. Ito sigurado ang dahilan kung
bakit sinasabi ng mga aktibista na nagtaksil siya sa kanyang mga salitang
binitawan noong People Power 2
Sabi niya, iaangat niya ang moral standards ng pamumuno. Pero ngayon,
mismong ang kawalan ng moral ascendancy ang dahilan kaya't nais siyang
pababain sa puwesto ng marami sa atin. Ang kawalan niya ng palabra
de honor ay malinaw na naipakita nang hindi niya tuparin ang sinabi
niyang di siya na tatakbo noong 2004 upang hindi na raw siya maging
dahilan ng pagkakawatak-watak ng ating bayan. Hindi rin natupad ang
pangakong ito nang lantaran niyang gamitin ang government resources
para sa kanyang kampanya bago ang halalan noong Mayo 2004.
Sabi niya, itataguyod niya ang bagong pulitika. Pero kabaligtaran
ang nangyari: nangibabaw pa rin ang tradisyunal na pulitika at ang
mga trapong kaalyado niya. Inilagay niya sa puwesto ang mga kaibigan
ng kanyang asawa at ang mga pinagkautangan niya ng loob sa EDSA 2
at sa kampanya noong 2004.
Sabi pa ni Gloria, siya'y magiging halimbawa ng isang mabuting pinuno.
Ngayon, binabato siya ng mga batikos dahil sa kontrobersiyal na Hello
Garci tapes. Kamakailan, inamin niyang nakipag-usap nga siya sa isang
opisyal ng Commission on Elections noong panahon ng bilangan. Dahil
sa pahayag na iyan, nasiguro nating sa kanya nga ang boses ng babae
na tinatawag na Ma'am ng lalaking kung tawagin ay Garci. Ayon sa kanya,
"lapse of judgment" ang ginawa niya at pinagsisisihan niya
ito. Pero hindi raw totoong nandaya siya.
Kapag pinakinggan mo ang tapes at binasa mo ang transcript, malalaman
mong ang sinabi ni Garci na "pagpapataas sa inyo" ay hindi
nangangahulugan, ayon nga sa kolumnistang si Conrado de Quiros, ng
pagpapatangkad sa kay Gloria.
At kapag narinig mo ang isang Pangulong akusado ng pandaraya sa eleksyon
na bumubulong sa isang opisyal ng Comelec ng "yung dagdag, yung
dagdag," malalaman mong 'di siya nagsasabi ng totoo nang itanggi
niya ang pandaraya sa halalan. Sa ganyang kalagayan, hindi masasabing
siya'y nagiging halimbawa ng isang mabuting pinuno.
Napako ang apat niyang pangako matapos ang People Power 2. Nagsinungaling
siya sa atin nang sabihin niyang hindi na siya tatakbo noong 2004,
at binigyan tayo ng half-truths nang mag-sorry siya sa kanyang umano'y
"lapse of judgment."
Usapin pa lamang ito ng mga pangako niya sa EDSA. Ibang isyu pa kapag
sinuri naman ang kanyang mga programa at patakaran sa pamumuno.
Sa tingin ko, isang lapse of judgment kapag pumayag tayong manatili
pa sa puwesto bilang Pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo.
---------------
Si Ederic, 26, ay patnugot ng Tinig.com.