Mayroong
higit sa sampung dahilan kung bakit "labusaw" ang pinili
kong salita para maging pamagat ng kolum na ito. Pero isa lang muna
ang tatalakayin ko. Malakas ang salitang "labusaw." Sa tubig,
mas ispesipiko sa mukha ng tubig, ito ang paghawhaw kung kaya anumang
nasasalamin ng mukha ng tubig ay nasisira.
Kung sa ilog, pag hinawhaw mo ang tubig, umaakyat ang mga partikulo
ng lupa upang humalo sa matining na tubig --kung kaya nagugunaw ang
una'y kadalisayan o kalinisan ng tubig--nagiging mabuhangin ang tekstura
ng tubig, nagiging maitim ang kulay, lumalabo ang tining, nawawasak.
Kaya anumang imahe at imahen ang nahuhuli ng mukha ng tubig ay nalalabusaw.
Matapang ang salitang "labusaw."
Aktibo ito sa anumang paraan gamitin. Maaaring mangahulugan ng pagsira,
pagwasak, pagdawdaw. At lahat ng tila marahas na mga pandiwang ito
ay dudulo lamang sa muling paglikha. Ganun ko tinitingnan ang mundo--laluna
ang isang mundong mayroong isang sistemang tila matining, malinis,
at dalisay, ngunit sa katunaya'y punumpuno ng maitim na mga partikulo
ng buhangin at lupa sa ilalim nito. Ito ang kailangang labusawin.
* * *
Nakabili ako last week sa Quiapo ng piniratang CD ng "The Best"
ng The Beach Boys. Halaga: P25. Paborito kong single ay ang "Wouldn't
It Be Nice" na ginamit sa German film na Das Experiment.
Salamat kina Kenneth Guda ng Pinoy
Weekly at Joms Salvador ng Gabriela-Youth ay napanood ko three
or four years ago ang Das Experiment. Hanggang ngayon ay di ko pa
rin naisasauli sa kanila ang piniratang VCD copy ng nasabing pelikula.
Last year, ipinapanood ko sa mga klase ko sa Humanidades I sa UP Diliman
ang naturang pelikula at na-shock ang mga estudyante ko dahil sa sobrang
violence nito.
Ganito kasi ang Das Experiment. Mayroong isang ahensiya na nagpalabas
ng anunsiyo sa diyaryo na naghahanap sila ng mga taong willing magpa-subject
sa isang experimento. Psychological experiment ito. Simulation ng
isang prison. Babayaran ang mga matatanggap ng malaking pera. Journalist
ang isang nag-apply, pero itinago niya ito. Taxi driver rin kasi ang
nasabing journalist (yung lalaki sa Run Lola, Run). Big break para
makabalik siya sa journalism scene kung mapag-aaralan niyang mabuti
ang nasabing proyekto, kaya ang tanging paraan ay ang maging involved
dito, first hand. Natanggap yung journalist. Undercover siya. Yung
spectacles niya, mayroong built-in camera. Astig.
Dahil prison simulation nga, ang mga natanggap ay pinili kung magiging
pulis o prisoner. Yung journalist ay isa sa mga prisoner. Tapos maraming
pulis. Anyway, dalawang linggo dapat ang experimento, pero tumagal
lang ito ng tatlo o apat na araw dahil nag-takeover ang mga pulis-pulisan
at nabulilyaso ang experimento. Napaka-Foucauldian ng nasabing pelikula.
Yung omniscient eye sa panoptics ni Michel Foucault ay mahihibo sa
nasabing pelikula--nagpapaalala na sila ay nasa lilim at lawas ng
kapangyarihan ng estado. Ito ang mga mata ng kapangyarihan--laging
nakabantay--at kapag sumuway ka sa batas at atas ng estado, sa isang
kisapmata ay kikitlin ka. Sa pamamagitan ng mga kamerang nakabukas
ng 24/7, nakabantay ang batas. Pero siyempre laging may locus o espasyo't
pagkakataon para suwayin ang batas, at iyon ang ginawa ng marami sa
mga prisoner.
Tapos, nung mag-takeover yung isang pulis (si Belrus) bilang head
ng mga pulis, ipinapatay niya ang mga camera (para hindi makita ng
kanilang mga superior--ang mga pulis ay represibong apendeho o appendage
lang ng estado o pamahalaan), at nagpatugtog nang malakas (rinig sa
buong kulungan) yung pulis na ang totoong trabaho ay impersonator
ni Elvis Presley. Pero ang pinatugtog niya ay ang "Wouldn't It
Be Nice" ng the Beach Boys. Ginamit ang kanta para pagtakpan
o lunurin ang hiyawan ng mga prisoner na binubugbog.
Parang kung paano ginamit ng conjugal dictatorship nina Ferdinand
at Imelda Marcos ang insitutsyunalisasyon ng OPM (Original Pilipino
Music)--tulad ng mga awit ni Victor Wood na copycat ng American imperialist
music--para lumalang ng tila masayang kulturang musikal upang lunurin
ang samu't saring katiwalian noong panahon ng Batas Militar. At kung
paanong sa kasalukuyang panahon, lunod na lunod ang music industry
ng Pilipinas sa mga novelty song. Tila ipinapahiwatig na masaya't
kaaya-aya ang buhay sa Pilipinas; nilalabusaw ang isyu ng Extended
VAT, ang malawak na militarisasyon sa kanayunan, ang sunod-sunod na
pagkitil sa buhay ng mga human rights advocates at media(wo)men.
Nakaririnding eskapismo.
---------------
Pinakabagong kolumnista ng Tinig.com, si Mykel ay guro ng panitikan
at kulturang popular sa UP Diliman. Officer siya ng CONTEND-UP at
miyembro ng All-UP Workers Union. Bokalista siya ng bandang Baklas.