Sa
gulong nagaganap sa Pilipinas ay nananatili kami ng aking pamilya
na nakatutok sa The Filipino Channel o TFC, kung saan kami nakakakuha
ng mga balita, maliban sa pagbisita sa mga websites ng mga pangunahing
pahayagan sa Pilipinas. Gaano man ang pagkaaliw ng aking nakababatang
kapatid sa teleseryeng Kampanerang Kuba ay ganoon naman ang pagkadismaya
namin sa krisis na pulitikal sa ating sinilangang bansa.
Nakakalungkot, nakakadismaya, at higit sa lahat nakakapagod. Palagi
na lang nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng administrasyon at oposisyon,
nag-aagawan sa impluwensiya at kapangyarihan. Sa ginagawa nilang kabalbalan
ay lalo lang naguguluhan ang sambayanan, hindi alam kung sino ang
paniniwalaan, hindi alam kung saan tatayo, at hindi alam kung ano
ang gagawin. Mayroon ding nagbibigay ng kanilang opinyon sa kani-kanilang
mga blog, at naging saksi ako, bilang isang blogger at mambabasa,
sa iba't ibang opinyon ng mga estudyante, peryodista, o isang simpleng
mamamayan, tungkol sa dapat na mangyari sa krisis sa bansa.
Tulad ng naisulat ko na sa isang entry sa aking blog, hindi ako bihasa
sa larangan ng pulitika, ngunit sa tingin ko, higit na maaapektuhan
dito ay ang mga mamamayang Pilipinong walang-imik. Sila ang laging
naiipit kapag nagkakagulo, sila ang hinihingan ng suporta ng mga pulitiko
kapag nangangampaya, sa kanila rin nanggagaling ang kapangyarihan.
Naaalala lang sila ng mga nasa posisyon kapag kailangan nila ng suporta,
ngunit kapag nakuha na nila ang nais nila ay kakalimutan na ang mga
tao na para bang walang nangyari.
Sino nga ba kaya ang may kasalanan? Mahirap magturo kung sino ang
dapat managot sa pagkakataong ito dahil maaaring tingnan ang problemang
ito sa iba't ibang anggulo. Maaaring sapat nang sabihin nating bilang
mamamayan ng bansa (saan ka man ngayon sa mundo) ay dapat tayong managot
at gawan ng nararapat na kasagutan ang lahat ng kaguluhang ito. Lahat
tayo ay may responsibilidad na gumawa ng tamang desisyon na sa palagay
natin ay naaangkop para sa ikabubuti ng sistema ng bansa.
Anuman ang magaganap na pagkilos bilang sagot sa krisis na nangyayari
sa Pilipinas ay hindi dapat magmula sa mga naglilider-liderang mga
pulitiko, kung hindi sa mga mamamayan mismo. Kailangan nating mag-isip,
dahil kung magiging huli ang lahat, hindi lang kahihiyaan sa ating
mga sarili ang ating aabutin, at tulad noong isang biro noong taong
2000 at 2001, malamang ay tuluyan nang malublob sa kangkungan ang
ating kinabukasan.
---------------
Maaaring mabisita si Angela sa http://angelasolis.ph.
Ipadala ang lahat ng mensahe sa arianne.angela@gmail.com.