Ang
pagsusulat ay di natatapos sa huling tuldok. Hindi ito tulad ng pagtae
na sa sandaling maideposito mo ang iyong tae sa inidoro ay masasabi
mong "ayos na ang butu-buto," sa lokal na islang.
Kailanma'y hinding-hindi maaaring sabihin ng isang manunulat na siya'y
"isang manunulat lamang," liban na lamang kung siya'y may
talinong tulad ng sa isang kuto at kahit na nag-aral siya hanggang
sa duktorado (at nakatapos ng ganito kataas na kurso nang may pinakamataas
na karangalan) ay walang pumasok sa kanyang ulo sa itinagal-tagal
ng kanyang pamamalagi sa pamantasan liban na lang marahil sa mga alikabok
ng tisang sa di-inaasahang pagkakataon ay sumuot sa mga butas ng kanyang
ilong at tainga at tumagos hanggang sa utak--kung mayroon mang matatawag
na utak sa loob ng kanyang bungo.
Kahit na hindi manunulat ang isang tao at talagang siya'y walang
sinusulat kundi pana-panahong mga liham na ang pakay ay bihagin ang
puso ng itinuturing niyang pinakamagandang nilalang na nabuhay sa
buong kasaysayan ng daigdig, hindi niya masasabing ang sulat ay magwawakas
sa paglukso ng puso ng kanyang pinaparaluman. Kadalasan, kung sa ganitong
paraa'y magkulay-rosas ang paningin ng isang nililigawan at ituring
niyang pinakamakinang na mutya ang mga katagang nakaukit sa mabangong
papel na pinagsulatan ng liham sa kanya, ibabahagi niya sa mga kaibigan
at kamag-anak ang sarap ng pakiramdam ng masabihan sa sulat ng gayon
katamis na mga pangungusap.
Gaano pa kaya kung ang isang tao'y isang manunulat? Paglabas ng publikasyong
naglalaman ng kanyang akda, daraan ito sa mga mata ng maaaring daan-daan,
maaaring libu-libong tao at maaari pang daan-daang libo sa loob ng
isang araw lamang. At ang mga makababasa ng akdang sa akala nila'y
isang hiyas ng panitikan ay magkukuwento pa ng kanilang nabasa sa
lahat ng kakayanin nilang pagkuwentuhan nito.
Ang tao'y kumikilos batay sa idinidikta ng kanyang kamalayan. At
sa pagbubuo ng kamalayan, napakalaki ng epekto ng salitang nakasulat,
lalo't kadalasa'y maaaring magawa ng nakalimbag na salita ang mga
bagay na hindi malimit na nagagawa ng karaniwang pag-uusap.
Bahagi ng pampublikong kaalaman ang kung paano nakapagbigay ng inspirasyon
sa mga mamamayan upang magsagawa ng mga pagkilos tungo sa pagpapalaya
sa bansa, halimbawa, ang dalawang nobela ni Dr. Jose Rizal, ang Noli
Me Tangere at El Filibusterismo; dili kaya'y ang makabayang mga tula
nina Andres Bonifacio at Jose Corazon de Jesus.
Sa kabilang dako naman, hindi rin matatawaran ang papel ng mga manunulat
ng mga teksbuk na pinopondohan ng World Bank o WB sa pagpapalaganap
ng isang kamalayang makaneokolonyalismo. Malaki ang kinalaman nila
sa pangyayaring magpahanggang ngayo'y itinuturing ng marami bilang
mga tagapagligtas ang mga puwersang Amerikanong sumakop sa Pilipinas
noong dulo ng ika-19 dantaon, sa kabila ng pagkakaroon ng marami ring
katibayang nakalaya ang kalakhan ng Pilipinas nang halos walang tulong
ng mga tropa ni Tiyo Samuel, na walang isang buwan mula sa pagtitibay
ng Saligang Batas ng Malolos ay nagsimulang igiit ang kanilang "soberanya"
sa Pilipinas.
"Maraming namamatay sa maling akala," lagi't laging sinasabi
sa atin. Totoo ito.
Napakalaki ng pananagutan ng isang tao kung ang isa niyang kamag-anak
o kakilala ay mapahamak dahil sa maling akalang sadya niyang itinanim
sa isip nito. Kung ang kapatid niyang nakapiring ay nasa bingit ng
bangin at sinabihan niya itong tumalon nang pasulong, at ito'y sumunod
sa paniniwalang hindi bangin ang kanyang kinalalagyan, wala siyang
ipinagkaiba kay Cain na pinatay sa pamamagitan ng sandata ang sariling
kapatid na si Abel.
Kung sasamantalahin ng isang namamayagpag na manunulat ang kanyang
katayuan upang ipampuno sa sariling bulsa ang paglalako ng mga sulating
pampabilog sa ulo ng bayan, malaki ang kanyang pananagutan kung masalaula
ang mga mamamayan dahil sa lakas ng impluwensiya ng kanyang mga sinulat.
Ganito ang lohikang dapat na gumabay sa pagtingin sa ilang manunulat
sa Pilipinas na sa isang bahagi ng ating kasaysayan ay naglako ng
mga sulating nagpabangag sa halos buong sambayanan. Hindi iilan ang
kanilang ipinahamak sa pamamagitan ng pagtatanim ng isang palsong
kolektibong kamalayan. Maaaring kailanma'y hindi sila tuwirang kumitil
ng buhay, ngunit kung sadya nilang sinakyan ang wika nga ni Rogelio
Ordoñez ay "ruweda ng panlilinlang," utang nila sa
buong bansa ang lahat ng buhay na nakitil dahil sa lasong kanilang
inihalo sa pambansang kamalayan.
---------------